******

JUNICA'S P.O.V.

Nakasisilaw na liwanag na tumatagos mula sa nakababa at manipis na kurtina ang sumalubong nang imulat ko ang mga mata ko. Muli tuloy akong napapikit habang inaabot ang cellphone sa ibabaw ng maliit na tokador na katabi ng kama ko.

'Alas otso na pala?' bulong ko nang makita ko ang oras mula sa hawak ko. Ibabalik ko na dapat iyon nang biglang mag-ring. Saka ko lang napansin na may mahigit sampung missed call na pala kasi si Ms. Amor Flores. Nagpaparamihan yata sila ng tawag ni Mama.

"Oh my God, Junica! At last, sinagot mo na ang tawag ko! Alam mo bang malapit nang mapudpod ang daliri ko kaka-dial ng number mo?!" bungad agad sa akin ni Ms. Amor. Siya ang edito ko sa publishing company kung saan ako nagsusulat.

"Good morning, editor," medyo inaaantok na sagot ko.

"Konti na lang talaga maba-bad morning na ako. Kung hindi mo lang sinagot ang tawag ko, baka sirang-sira na ang araw ko ngayon!" medyo O.A. pang sabi ni Ms. Amor. "Nasaan ka ba ngayon? Bakit buong araw kong hindi makontak ang number mo kahapon?"

"Nagbabakasyon lang po." Bumangon na ako at naglakad papunta sa may bintana upang buksan ang kurtina. At nang buksan ko ang bintana ay pumasok sa loob ng kwarto ang malamig-lamig pang simoy ng hangin na dahil na rin sa mapunong paligid. Napapikit tuloy ako para mas maramdaman iyon.

"Bakasyon? Saang lugar 'yan?! Bakit hindi ka man lang nagpaalam sa akin?!" mataas na ang boses ni Ms. Amor. Minsan talaga, medyo O.A. magsalita at mag-isip 'tong editor ko. Kung ang ibang writer niya ay takot kapag nagtataas siya ng boses kagaya ngayon, ako naman ay tinatawanan ko na lang 'yon. Wala eh. Nakasanayan ko na lang din na ang dating sa akin ng pagsusungit ng boses niya ay paglalambing.

"Malapit lang po, editor."

"Saan nga?" pangungulit pa niya.

Napapangiti akong umiling. Hindi yata talaga magpapatalo ang kausap ko. "Sa Barrio San Vicente po."

"Sa may bandang norte na 'yun 'di ba? 'Yung lugar na binanggit mo sa akin dati? Kasama mo ba ang parents mo?" bumakas ang pag-aalala sa boses niya.

"Hindi po. Matanda na ako editor, kaya ko na ang sarili ko," natatawang sagot ko. 27 years old na kasi ako, kaya bakit kailangan pa akong samahan ng parents na magbakasyon?!

"Pero alam naman nila kung nasaan ka 'di ba? I mean, 'yung address d'yan o kung paano pumunta d'yan. Binigay mo ba sa kanila ang information na 'yun?" tila walang katapusang tanong pa niya.

"Opo," pagsisinungaling ko. Alam ng parents ko na nasa norte ako pero hindi exactly kung saan. Baka kasi bigla na lang silang sumulpot dito at sunduin ako. "Saka, nandito rin po ako para subukang magsulat ulit. Alam ninyo na, baka dito ko mahanap 'yung inspirasyon ko na bigla na lang nawala."

Narinig ko sa kabilang linya ang malalim na pagbuntong hininga niya. "Oh sige, sana nga makapagsulat ka na. Kasi marami ng readers ang naghihintay sa magiging bagong nobela mo."

"Sana nga po, editor. Nami-miss ko na rin talaga magsulat eh." Ako naman ang naalungkot. Sa totoo lang, mahirap para sa isang writer na kagaya ko ang hindi makapagsulat. Lalo na at ito lang ang alam ko na kaya kong gawin. Ang kagaya kong ipagmalaki sa mga magulang ko, at sa mga tao na minsan akong sinabihan na walang mararating sa buhay. Ito lang ang kaya kong gawin... Pero noon 'yun. Hindi na ngayon. Para bang hindi ko na kayang magsulat pa ni isang salita na para sa nobela ko.

RecursionWhere stories live. Discover now