Chapter Seventeen: Ang Binatang Isinumpa II

285 35 4
                                    


Ang unang alaala ni Aro ay ang kanyang ama na nagtatanim ng punla sa malawak na palayan.

May-edad na ang kanyang ama. Puti na ang buhok nito at marami nang kulubot ang mukha. Minsan din ay nahihirapan itong huminga. Subalit lagi itong nakangiti, laging tumatawa. Marami raw malulungkot na bagay sa daigdig, kaya kailangang matutong ngumiti ang tao.

Tinuruan siya ng ama na magsulat, magbasa, at humawak ng sandata. Ibinahagi nito sa kanya ang tungkol sa kanilang Bathalang Maykapal–ang tungkol kay Amihan ng hangin, si Amanikable ng mga mangangaso, si Dimangan ng langit at ng magandang ani, si Apolaki ng araw at ng karunungan at mga mandirigma, si Mayari ng buwan at pantay na paghahari, si Hanan, si Mapulon, si Tala. Mayroon silang diyos halos para sa lahat ng mahalagang bagay sa buhay nila. Maliban sa isa: wala silang diyos ng apoy na sinasamba.

Sa kabaligtaran, ang isang nilalang, si Mangkukulam, na kayang lumikha ng apoy, ay kinatatakutan. Kapanalig ito ng tagabantay ng kasamaan.

Mayroong tumutulong sa kanilang sa palayan at sa pag-aalaga ng mga hayop. Iyon ay ang kanilang dalawang aliping sagigilid. Binili ang mga ito ng kanyang ama mula sa malupit na panginoon ng mga ito noon. Maginoo ang kanyang ama, ayon sa mga ito. Tinitingala raw sa kanilang balangay noon. Subalit iba na raw ngayon.

Nagkaroon ng malaking unos isang araw, at natangay ng tubig ang dalawang alipin at hindi na nila muling nakita pa.

Nagtaka si Aro kung bakit wala siyang ina o mga kapatid. Ang ibang bata na nakikita niya ay may kapatid, ina at ama.

"Bakit ako ay wala, Ama?"

Malungkot na ngumiti ito at hinimas ang kanyang ulo. "Pumanaw sila n'ung ikaw ay bata pa."

Naniwala siya roon sapagkat... bakit hindi? Lagi siyang inaalagaan ng kanyang ama kahit pa nasunog niya ang ilang bahagi ng kanilang bahay at ang ilang puno malapit sa palayan.

Subalit hindi man nagalit ang ama, nagalit naman ang ibang mga nakapaligid sa kanila. Dinala siya ng mga ito sa datu at sa matandang babaeng tinatawag na Katalonan.

Maliit pa siya noon, halos hindi pa siya umabot sa baywang ng kanyang ama. Natakot siya sa hitsura ng Katalonan. Puti ang buhok nito at mahaba, kulubot ang mukha at malalalim ang mata, may balat sa pupulsuhan. Nangingisay ito kapag sinasaniban ng mga anito. Tumitirik ang mga mata at minsan ay bumubula pa ang bibig. Marami itong nakikita na hindi niya nakikita, naririnig na hindi niya naririnig, nalalaman na hindi niya nalalaman. Ayaw niya sa Katalonan.

"Huwag n'yo po siyang saktan, maaawa kayo," pagsusumamo ng umiiyak niyang ama. Yakap siya nito at nanginginig ang katawan nito.

Nakatitig sa kanya ang Katalonan. "Siya ang may gawa," anito. "Ang pagkamatay ng iyong pamilya, ang pagkamatay ng iyong mga alipin, ang paghina ng iyong katawan. Siya ang may sala."

Hindi maunawaan ni Aro ang ibig sabihin ng Katalonan. Natatakot siya rito at ayaw na niyang makita pa ito.

"Ama, ano'ng sinasabi niya? Umalis na tayo rito, umalis na tayo."

"Hindi mo siya ama."

Nanlalaki ang mga matang napatingin siya sa Katalonan.

"Hindi siya ang iyong tunay na ama. Ikaw ay kinupkop lamang niya. At magmula noon ay napuno na ng pighati ang kanyang buhay. Ikaw ang may sala. Ikaw, ikaw, ikaw."

Hinila siya ng iba pang mga Katalonan mula sa kanyang ama.

"Ama! Ama!"

Pinaluhod siya sa harapan ng Katalonan.

Katalonan at ang Binatang IsinumpaWhere stories live. Discover now