Naaalala Kita

28 2 0
                                    

Naaalala kita
Tuwing naroon ako sa sitwasyon
Na di ako makapag desisyon
Kasi pag ikaw ang paksa
Laging mabilis ang aking pasya
Tugon ng isip ang inuuna
Kahit gusto ay pipiliing umayaw na.

Naaalala kita
Sa mga pagkakataong pagod ako
Inuukilkil sa isip na siguro
kaya ka tuluyang sumuko
Ay dahil napagod ka
Na tanggapin ang bawat "hindi" ko
Kay sino ako para magmukmok dito?

Naaalala kita
Sa mga oras na loob ay pinanghihinaan
Sapagkat, bakit ako hihinto?
Kung nagawa ko namang magpatuloy sa laban
Matapos kitang tuluyang pakawalan.
Na kahit ako ang madalas humindi at umayaw
Ay ako parin yaong naiwan.

Naalala kita
Tuwing nawawalan ako ng pasensya
Sa gitna ng lamig ng umuusok na kape
At init ng maulang gabi
Napapaisip na marahil kaya ka bumitaw
Ay dahil nagsawa kang maghintay
Na tanggapin ko ang pag ibig na alay

Naaalala kita
Sa aking mga pag iisa—
Akin nang naiintidihan, na umalis ka
Para hanapin ang tunay na saya
At tuluyang mapawi ang mga luha
Na sadyang mailap
Kapag sa akin hinanap.

Naaalala kita
Tuwing pakiramdam ko naliligaw ako
Kung ikaw, matapos ang mga taon na nawala
Ay nahanap mo ang daan
Patungo sa lugar, malayo
Sa sakit na dulot ko—
Ang tahanan ng puso mo.

Naaalala kita
Subalit hanggang doon nalang iyon
Sapat nang makitang nakangiti ka
Ayos lang doon man yan sa bisig ng iba
Masaya akong natagpuan ang hanap na ligaya
Di man para o dahil sa akin.
Pasasaan pa't mahahanap ko rin ang akin.

Kaya Tayo SumukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon