Chapter Four

20K 1K 335
                                    

CHAPTER FOUR

Cebu City, 2019.

NAPAPIKIT nang mariin si Krista. Biglang pumintig ang sentido niya. Sumakit din ang balakang niya. Sumandal siya sa swivel chair, inalis ang reading glasses, at saka hinilot ang magkabilang sentido.

Huminga siya nang malalim hanggang sa mawala ang mga kirot-kirot na nararamdaman.

"Sumakit na naman ulo mo, Krista?" tanong ni Monique sa kanya—isa sa mga kasamahan niya sa trabaho. Stock broker din ito.

Marahan siyang dumilat. "Babad ako lagi dito sa harap ng computer kakabantay ng stocks."

"Masyado ka kasing overworked. After dito, pupunta ka pa sa isang opisina mo."

Limang oras lang ang trabaho niya sa Loalde Investment Firm bilang stock broker. Pagkatapos ay pupunta siya sa opisina niya sa Lapu-Lapu City dahil nandoon ang mga bahay at lupa na binebenta niya bilang real estate broker naman under Ramos Real Estates. Araw-araw ay ganoon ang sistema. Maliban sa Sabado, dahil nasa opisina naman siya ng YDS Insurance Company buong araw, bilang life insurance agent.

"Natutulog ka pa ba?" nakatawang wika ng katrabaho, napailing-iling. "Kaya siguro laging masakit ang ulo at katawan mo. Umaangal na dahil nasobrahan sa trabaho! Mag-relax ka naman minsan, inday!"

"Paano magre-relax, ang daming bayarin?" Tumayo siya at nag-inat.

"Kung makapagsalita naman parang underpaid ka," singit ni Ashley—isa pa niyang katrabaho na katapat niya ang cubicle. "Sa tatlong trabaho mo, senyora ka na sa monthly income mo!"

"Nasa college ang dalawang pinsan kong babae, hindi ba? Isang architecture at isang interior design sa San Carlos. Alam niyo naman kung gaano kamahal tuition sa university na 'yon, mahal pa pati course. At mahal ang mga pambili ng requirements. May allowance pa."

Hindi naman siya umaangal. Iyon ang pangarap ng mga pinsan niya, eh. Kaya siyempre, bilang kinalakihan na "ate" ng mga ito, todo suporta naman siya.

"Binabayaran ko pa ang bahay nina Mama sa Mandaue. Ako din nagbabayad ng sariling bahay at kotse ko."

Plus, the kuryente, the tubig, the internet connection, her phone's monthly bill, at kung ano-ano pang insurance at medical plans, at subscriptions na binabayaran niya monthly.

"Tapos si Hugo pa—"

Napahinto siya dahil gusto na namang sumakit ng ulo niya nang maalala ang kalagayan ng asawa. Dalawang linggo na nang ma-aksidente ito. Kumuha siya ng physical therapist para sa mabilis na paggaling ng pilay nito sa paa. Last session na nito ngayong araw at nakakalakad na ito nang walang saklay.

Dalawang linggo na rin itong may amnesia. Kumuha rin siya ng psychiatrist para makatulong sa paggaling niyon. Pero magkano na ang nagagastos niya sa ilang sessions nito, wala ni isa itong maalala sa tatlong taon na nagdaan.

"Kumusta na pala si Hugo?" tanong ng mga ito. "Nakaalala na?"

Umiling siya. "Parang sayang 'yung binabayad ko sa psychiatrist." Although, hindi naman niya sinisisi ang doktor kung hindi talaga makaalala si Hugo. Disappointed lang siya na walang progress, ganitong nagbabayad pa siya nang malaki. She's not getting her money's worth.

"Magbakasyon na lang kayo ng asawa mo," ani Monique. "Magpunta kayo sa Siquijor ulit!"

"Oo nga!" sang-ayon pa ni Ashley. "Hindi ba doon kayo unang nagkakilala?" Napangiti ito na parang kinikilig. "Baka maalala ka niya kapag doon kayo pumunta!"

Remember to RememberWhere stories live. Discover now