18 | Arabella

95 12 7
                                    

Arabella’s POV

INASAHAN KONG HINDI papasok si Alessa pagkatapos ng nangyaring insidente, kaya ganoon na lamang ang gulat ko nang pagdating ko sa classroom ay naroon na siya at nakikinig ng music. Napakurap-kurap pa ako dahil baka nananaginip lamang ako o ‘di kaya’y baka nagkamali ako nang pinasukang klase at kamukha lamang iyon ni Alessa.

Si Alessa ba talaga ‘to? Isang malaking himala na naunahan niya ako sa pagpasok at hindi siya late!

Inilapag ko ang aking backpack at saka siya tinignan. Napansin niya yatang kanina pa ako nakatitig dahil bigla niyang tinanggal ang kaniyang airpods at hinarap ako.

“Why are you staring at me?”

Si Alessa nga siya! Tinarayan niya ako!

Ngumiti ako at umiling-iling. “Wala lang. Nagtataka lang ako kung bakit ang aga mong pumasok. Ayos ka na ba?”

“You keep on lecturing me to be early on class, now you don’t like it?” tanong niya habang ang noo’y nakakunot.

“Syempre gusto!” nakangiti kong sagot. “Gusto ko lang naman ang makabubuti para sa Archimedes dahil nalalapit na ang graduation natin. Nag-aalala lang kasi ako, iniisip ko na…baka mas mabuting magpahinga ka muna sa bahay ninyo.”

Nag-iwas siya ng tingin at sa mahinang tinig ay bumulong. “I’ll just feel alone in that house.”

“Anong sabi mo, Alessa?” tanong ko.

“Nothing,” sabi niya at saka muling isinalpak ang airpods sa magkabilang tainga.

Malungkot akong napangiti. Narinig ko ang sinabi niya. Umasa lang ako na baka mali lang pa ako nang narinig, hindi ko inaasahang lalabas ang mga salitang ‘yon sa kaniyang bibig. Kaya siguro…parang malayo ang loob niya sa aming mga kaklase niya.

Nang dumating ang aming guro sa Araling Panlipunan ay sinimulan niya ang isang bagong aralin. Tahimik kong isinusulat sa aking notebook ang bawat sinasabi ni Ma’am nang mapatingin ako kay Alessa.

Napailing-iling na lamang ako nang makitang nakasuot pa rin siya ng airpods at blankong nakatulala sa blackboard. Akala ko pa naman tuluyan na siyang magiging mabuting estudyante. Pero malay mo…baka unti-unti ang magiging pagbabago niya.

Saktong pagtunog ng bell hudyat na tanghalian na ay nagsitayuan agad ang aking mga kaklase. Pagkatapos kong iayos ang aking mga gamit ay humarap ako kay Alessa. Isang malapad na ngiti ang ibinigay ko sabay tanong, “Tara na sa canteen?”

“Okay,” sagot niya at tumayo na.

Susmarya! Tama pa ba ang naririnig ko?

Talaga bang hindi ako nananaginip lang? Kanina pa kung anu-ano ang kakaibang nangyayari.

“Seriously? Are you just gonna stand up there until we run out of table?”

Nabalik ako sa kasalukuyan nang marinig ko ang mataray na boses ni Alessa. Naroon na siya sa may pintuan at nakataas ang kilay sa akin.

Umiling-iling ako sabay ngiti. “Pasensya na. Tara!”

Habang naglalakad kami patungong canteen ay hindi pa rin mawala sa isipan ko ang nangyari. Dati rati, tuwing aayain ko siyang mananghalian ay tumatanggi siya. Minsan kailangan ko pa siyang hitakin para lang sumama o kaya naman ay nag-uutos siya sa kaklase namin upang bilhan siya ng lunch. Bilang na bilang ko sa daliri ko kung ilang beses kaming nagsabay sa tanghalian.

Ano kayang nakain ni Alessa? Mataray pa rin naman siya… pero parang hindi na siya laging galit sa akin.

SA MGA SUMUNOD na araw ay sakto pa rin ang pagdating ni Alessa sa classroom. Minsan ay nahuhuli pa rin pero mga lima hanggang sampung minuto na lang, hindi gaya dati na halos dalawang oras siyang late. Himala rin talaga na hindi na siya tumatanggi tuwing inaaya ko siyang kumain sa canteen… ‘yun nga lang ay palagi niya pa rin akong tinatarayan.

Contrasting Colors (Veles High Series #2)Where stories live. Discover now