2 | Arabella

549 20 6
                                    

Arabella’s POV

NAALIMPUNGATAN AKO NANG marinig ang tilaok ng mga manok nila Mang Pitong, sunod-sunod ito at malalakas pa. Imbis na sumimangot ay natuwa ako nang makitang alas cinco pa lamang ng umaga. Nakakatuwang naunahan ko na naman ang alarm clock ko na 5:30 AM pa tutunog.

Dahan-dahan akong bumangon sa pagkakahiga dahil tulog pa pala si Raya, ang nag-iisang kapatid kong babae. Sigurado ay mamaya pa ito gigising, nagpuyat na naman kasi sa paglalaro ng online game.

Dumiretso ako sa banyo upang maligo na at maghilamos. Halos tatlumpung minuto rin ang itinagal ko sa paliligo. Habang nag-aayos sa harap ng salamin ay ‘di ko mapigilang mapangiti, aasarin na naman ako ng kasamahan ko sa trabaho na nawawala ang mga mata. Singkit kasi kaming magkapatid.

Wala naman kaming ibang lahi, ayon kay Tatay. Pero madalas talaga akong mapagkamalang Chinese—bukod sa singkit kong mga mata ay maputi rin kasi ang aking balat at maliit ang matangos kong ilong. Iyon nga lang ay hindi ako katangkaran. Pero ayos lang dahil ito ang pinagkaloob sa akin ng Diyos, dapat pa rin akong magpasalamat.

Sinuklay ko ang brownish kong buhok na lagpas lamang sa aking balikat. Gustong-gusto ko ang natural na kulay ng aking buhok, iyon nga lang ay madali akong makita sa hanay ng mga babaeng may itim na buhok. Akala pa ng iba ay nagpakulay raw ako.

Nagpahid lamang ako ng lip balm at mumurahing pulbos bago tumungo sa aming kusina. Nagsalang ako ng isang gatang at kalahating bigas sa kaldero. Sapat na iyon hanggang pananghalian nina Raya at Tita Mira.

Nang matapos kong ipirito ang tatlong itlog at dalawang balot ng tuyo ay niligpit ko ang mga pinaggamitan sa kusina. Tapos ay dumiretso ako sa simple ngunit malawak naming bakuran. Papasikat pa lamang ang araw pero buhay na buhay na ang mga alaga kong sunflower.

Pinuno ko ng tubig ang timba at dumiretso sa mga ito. “Good morning, my sunnies! Nandito na si Ate Ara para diligan kayo…” at saka ko dahan-dahang ibinuhos ang tubig sa mga sunflower. Pinangalanan ko sila ng “sunnies” dahil sa tuwing nakikita ko sila ay tila lumiliwanag ang araw ko.

Sus ginoo. Nagiging matalinhaga na naman ako.

Diniligan ko na rin ang iba pa naming mga tanim gaya ng rosas at iilang sampaguita. May mga punongkahoy din sa paligid tulad ng atis at guyabano. Nagwalis na rin ako dahil marami-rami na rin ang mga lantang dahon na nagkalat sa lapag.

“Ara! Ang aga mo na namang nagising, para ka nang si Nana Ida.”

Nilingon ko ang tumawag sa akin na si Tita Mira. Pupungas-pungas pa ito habang nakadungaw sa bintana at tinatanaw ako. Himala at nagising siya nang maaga, siguro ay nalipat ang kaniyang duty sa umaga.

Siya ang nag-iisang kapatid ni Nanay at ang kasalukuyang nag-aalaga sa amin ni Raya. Bata pa si Tita Mira, 23 pa lamang siya at nagta-trabaho siya bilang nurse sa Guerrero Medical Center—pag-aari ng pamilya nila Alston, kaklase kong may kaya sa buhay.

At si Nana Ida naman ang yumao kong lola—siya ang ina ni Tita Mira at Nanay. Madalas akong ikumpara sa kaniya dahil kamukha ko raw ito noong kabataan niya at kakilos ko rin.

Tinapos ko na ang pagwawalis at sumunod kay Tita Mira sa kusina. Nagsandok na ito ng kanin para sa aming dalawa dahil tulog pa rin si Raya. Pero may kulang…ang kape ko.

Kumunot ang noo nito nang malanghap ang aroma ng tinitimpla ko. “Kape na naman, Ara? You know it’s not healthy if you drink it oft—”

Nginitian ko na lamang siya. “Tita Mira, hindi ako mabubuhay kapag walang kape. Alam mo naman ‘di ba?”

Napailing na lamang siya sa kakulitan ko. Hindi talaga nakukumpleto ang araw ko kapag hindi ako nagka-kape. At hindi lang sa umaga ‘yon, kahit anong oras ay hindi ko pagsasawaan ang kape. Parang ito na nga ang nagiging tubig ko.

Contrasting Colors (Veles High Series #2)Where stories live. Discover now