Kabanata LI

13.3K 661 1.1K
                                    

- CAEDMON -

MAHIGIT limang minuto na nangingibabaw ang katahimikan sa pagitan ni Caedmon at Zephyr matapos lumabas ng tatlong binata na nagsisilbing katuwang. Nananatili lamang nakatayo si Caedmon sa kanyang puwesto at walang imik habang si Zephyr ay kalmado lamang na nakatingin sa kanya. Parehas na binata ay nagpapakiramdaman kung sino ang mauunang magsalita o kumibo.

Napagdesisyunan naman ni Zephyr na siya na ang mauuna tutal siya naman ang binisita kahit pa si Caedmon ang naunang mambulabog ng dalaw.

"Hindi ko inaasahan na bibisitahin mo ako. Akala ko ay wala ka ng pakialam sa---"

"Wala naman talaga akong pakialam sa'yo." Agad na sagot ni Caedmon sa kausap at hindi man lang kakikitaan ang mga mata nito ng pag-aalala para sa dating kaibigan. Hindi rin naman kasi iyon ang pakay ni Caedmon sa kanya.

Natigilan naman si Zephyr sa sinaad nito ngunit agad din naman nakabawi at muling nagtanong.

"Kung ganoon, ano ang pakay mo dito? Hindi ko kasama si Eliana kung siya ang---"

"Alam ko, nakita ko ngang si Ellionoir ang nilalandi mo." Matigas muling pahayag ni Caedmon at talagang sinasadya niyang putulin ang bawat pahayag ni Zephyr upang iparamdam dito na hindi niya sasantuhin ang binata kahit pa susunod itong hari ng isang makapangyarihang kaharian.

Nanatili naman kalmado si Zephyr sa kabila ng maaanghang na salitang binitawan sa kanya ni Caedmon. Saglit pa siyang napabuntung hininga bago muling magsalita.

"Hindi pa ba tayo tapos sa ganitong mga paratang, Caedmon?" Bakas ang pagkadisgusto sa tanong ni Zephyr sa binata dahilan para mapangisi naman ng nakakaloko si Caedmon bago sumagot sa kanya.

"Tapos na sana kung hindi mo lang nililigawan ang kapatid ko." Tiim bagang na saad pa ni Caedmon ngunit hindi na nagulat pa si Zephyr dito at tipid na lamang na ngumiti.

"Ah, alam mo na pala kung ano ang namamagitan sa amin ni Eliana." Mahinahon at may himig ng pang-aasar na pahayag niya pa dahilan para mas lalong lumagablab ang galit sa mga mata ni Caedmon.

"Kailan pa?" Gigil na tanong pa ng binata at kung patalim lamang ang mga titig ni Caedmon ay baka kanina pa ito nakasaksak sa mukha ni Zephyr dahil sa sobrang talim ng tingin niya sa kausap.

"Hindi mo rin ba alam kung kailan ako nagsimulang manligaw sa---"

"Magtatanong ba ako kung alam ko, Tanga?" Lait pa ni Caedmon sa kanya ngunit nananatili pa rin kalmado si Zephyr at pasensyadong nakatingin sa dating kaibigan.

"Bakit hindi mo tanungin si Eliana tutal sa kanya mo rin naman nalaman na nanliligaw na ako sa kanya." Matapang na sagot pa ni Zephyr dahilan para maikuyom na lamang ni Caedmon ang kanyang mga kamao upang pigilan ang sarili na masuntok sa mukha ang kausap.

"Tigilan mo ako sa mga kaputanginahan mo, Zephyr." Malutong na mura nito dahilan para matigilan naman si Zephyr at kinilabutan pa siya dahil sa napakalamig na boses ni Caedmon.

Hindi pa nakuntento si Caedmon at sarkastiko pa itong natawa wari'y nanunuya ang tono ng tawa nito na agad naman nagpakunot sa noo ni Zephyr.

"Ibang klase ka rin e. Biruin mo iyon, kahit bantay ko ang kapatid ko, nagawa mo pa rin makapanligaw sa kanya." Wari'y hindi pa makapaniwala na pahayag ng binata habang iiling-iling pa itong nakapamulsa sa kanyang kinatatayuan. Nananatili lamang tahimik si Zephyr hanggang sa mag-angat ng tingin si Caedmon at diretso siyang tiningnan sa mga mata habang nagtatangis ang mga ngipin nito.

"Sabagay, ano pa nga bang aasahan ko sa'yo, e dyan ka naman magaling. Magaling kang sumalakay ng patago." Makahulugan pang dagdag niya at hindi na nagawa pang maitago ni Zephyr ang pagkadisgusto sa mga mata niya matapos marinig ang paratang ni Caedmon.

Reincarnated as the Seventh Princess (BOOK 1/3) |COMPLETED|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon