6

1.3K 116 15
                                    

"HOW'RE you?"

Napangiti si Mark Kenneth nang marinig ang tinig sa kabilang linya. Linggo ng umaga at abala siya sa paggawa ng project nang tumunog ang telepono sa kanyang silid.

"Okay lang. Ikaw, kumusta ka na?" Itinabi niya ang kanyang ginagawa. Isang araw din niyang hindi narinig ang magandang tinig ni Rainie. Ang sabi ng dalaga, abala ito sa eskuwela. Siya man ay abala rin.

Nasa ikalawang taon na sa kolehiyo si Mark Kenneth. Sa isang private conservatory sa Maynila siya nag-aaral. Nanunuluyan siya sa isang boardinghouse. Ang nais sana ni Tito Fred ay ibili siya ng condominium unit ngunit nagpakatanggi-tanggi siya. Sobra-sobra na ang pagpapaaral nito sa kanya. Isa pa ay nais niyang maranasan ang mga karaniwang nararanasan ng mga estudyante sa kolehiyo. Wala siyang kasama sa kuwarto dahil binayaran ni Tito Fred ang buong kuwarto na dapat ay pandalawang tao. Mas magiging komportable raw siya kung masosolo niya ang kuwarto.

Masaya naman siya sa buhay. Nakakapag-aral siya nang walang anumang alalahanin. Mahusay siya sa klase. May mga propesor siya na nagsasabing malaki ang potensiyal niya. Sisikat daw siya sa larangan ng musika. Ang nanay niya ay maligaya sa piling ni Tito Fred. Wala siyang reklamo sa kanyang stepfather. Parang tunay na anak ang turing nito sa kanya. Ibinibigay nito ang lahat ng mga pangangailangan niya. Minsan, nalulula siya sa mga nais nitong ibigay sa kanya. Nang maikasal si Tito Fred sa kanyang ina, noon lamang niya napagtanto kung gaano ito kayaman. Ayaw niya itong abusuhin. Sapat lamang ang kinukuha niya. Ayaw niyang masanay sa mga luho.

Higit na nagpapasaya kay Mark Kenneth ang halos araw-araw na pag-uusap nila ni Rainie sa telepono. Tuwing bakasyon ay umuuwi ito. Halos hindi sila mapaghiwalay kapag nasa bansa ang dalaga. Nais nga rin niyang mag-ipon upang sa kanyang bakasyon ay siya naman ang pupunta kay Rainie. Okay na ang passport niya. Si Tito Fred daw ang bahala sa kanyang visa.

"Heto, lalong gumaganda."

Natawa siya nang malakas sa tugon ni Rainie. Alam naman na niya ang bagay na iyon. Hindi pa rin nagbabago ang kanyang pananaw: si Rainie pa rin ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa para sa kanya. Noong huli itong umuwi ay natulala siya. Dalagang-dalaga na itong tingnan. May hubog na ang katawan.

"May girlfriend ka na ba riyan, Maken?"

Lalo siyang natawa sa tanong. Ganoon lagi ang tanong ni Rainie. "Wala, ano ka ba? Para isang araw lang tayong hindi nag-usap."

Nais niyang tumupad sa pangako niya kay Rainie. It was kind of silly, really. Wala siyang obligasyong mangako nang ganoon. Hindi rin naman kasi niya masabing may pinanghahawakan siya kay Rainie. Hindi nga niya alam kung ano ang talagang relasyon nila. Magkaibigan lamang ba sila o higit pa? Hindi niya magawang magkagusto o humanga man lang sa ibang babae. Tuwing may lumalapit sa kanyang babae, natatagpuan niya ang sarili na hinahanapan ito ng katangiang katulad ng kay Rainie.

"Naiinis ako rito sa bahay," ani Rainie na tila nagsu-sumbong. "Inaapi na naman ako ng mga stepsister ko."

"Baka naman ikaw ang umaapi? Parang ang hirap paniwalaan na ikaw ang inaapi. Buhay pa ba sila?" pagbibiro niya.

"Some loyalty, Maken," sarkastikong tugon nito.

Muli siyang natawa. "What did they do?"

"Mimi was mad at me because her boy broke up with her. Na-love at first sight daw sa akin ang loko. He's making ligaw, the Filipino style. Nakakatawa nga, eh. Nangharana pa talaga siya sa 'kin, ang sagwa naman ng boses niya. My stepsister hates me so. Parinig nang parinig. She has been taunting me at school. Ang landi-landi ko raw. Home wrecker daw ako. Hello? Kasalanan ko ba kung naging sobra-sobra ang lamang ng ganda ko sa kanya? Akala naman niya, uurungan ko siya."

Lollipop BoysWhere stories live. Discover now