1

2.1K 101 2
                                    

"ANG SABI ko naman sa 'yo, ayos lang kahit na hindi ka na tumulong. Sa bahay ka na lang. Mag-aral ka."

Hindi nilingon ni Mark Kenneth ang kanyang ina. Patuloy siya sa kanyang ginagawa. Nasa bukid sila at nagbubunot ng mga punla. Sa isang bahagi ng bukid ay may mga nagtatanim ng mga nabubunot nila. Abala ang lahat ng mga taga-hacienda dahil panahon ng pagtatanim ng palay. Tumingin siya sa langit. Makulimlim nang araw na iyon. Sana ay mamaya na umulan.

"Wala naman po akong aaralin. Nagawa ko na po lahat ng mga assignments ko kagabi."

Ayaw na ayaw ng kanyang ina na tumutulong siya sa bukid. Hindi raw bagay sa kanya ang trabaho roon. Pero ayaw niya itong sundin. Marunong siya sa mga gawain sa bukid. Mabilis siyang magbunot at magtanim ng mga punla. Hanggang maaari, nais niyang tulungan ang kanyang ina sa trabaho sa bukirin.

Matagal nang nagtatrabaho ang kanyang ina sa Hacienda Tafalla. Mula pa raw noong bata ay sanay na ito sa mga gawain doon, minsan ay sa hayupan at minsan ay sa bukid. Malakas ang kanyang ina, daig nga minsan ang mga lalaking trabahador doon.

Ngunit kahit malakas ang nanay niya, awang-awa pa rin siya rito. Batak na batak na ang katawan sa kakatrabaho. Ang gusto sana niya ay sa bahay na lang ang kanyang ina. Kung buhay pa sana ang kanyang ama ay ganoon siguro ang mangyayari. Natuklaw ng isang makamandag na ahas ang kanyang ama noong minsan itong mamundok. Wala pa siyang dalawang taong gulang nang mangyari iyon. Mula noon, naging nanay at tatay na ang kanyang dakilang ina.

"Hanggang maaari, ayokong masanay ka sa mga gawain sa bukid, Ken. Alam ko namang hindi ito ang nais mong gawin."

Bumuntong-hininga si Mark Kenneth. Tama ang nanay niya. Hindi sa hindi niya mahal ang lupa. Ang lupa ang nagpapakain at nagpapaaral sa kanya ngunit ayaw niyang maging magbubukid. Iba ang nais niya. Ngunit hindi na niya hinahayaan ang sarili na mangarap masyado. Alam kasi niyang sa pagsasaka rin ang bagsak niya. Ang kanyang nais ay napagtanto niyang mas kapritso kaysa pangarap. Wala naman siyang gaanong mapapala roon.

Nasa huling taon na siya ng high school. Baka hindi muna siya mag-aral ng kolehiyo. Alam niyang nag-ipon nang husto ang kanyang ina para doon ngunit ayaw muna niyang galawin iyon. Alam niyang hindi biro ang pag-aaral ng kolehiyo, hindi lang sa pag-aaral mismo kundi pati sa gastos. Ayaw niyang pahirapan pa nang husto ng nanay niya ang katawan nito sa pagtatrabaho.

Hindi naman sa ayaw niyang mag-aral. Gustung-gusto nga niya iyon. Siguro, nais muna niyang mag-ipon silang mag-ina nang husto para hindi gaanong mahirap.

"'Nay, kaya ko naman po, eh. Huwag ninyo akong alalahanin. Masyado po ninyo akong inaalagaan. Iyong mga ibang kaedad ko rito sa hacienda, mas mabibigat ang ginagawang trabaho. Kung tutuusin, kaya ko rin ang mga ginagawa nila. Ayaw n'yo lang po. Mas tataas po sana ang natatanggap nating suweldo."

"At ano? Mapapabayaan mo ang pag-aaral mo? Liliban ka tuwing maraming gawain dito? Hindi iyon ang buhay na pinangarap ko para sa 'yo. Hindi rin ganoon ang pangarap mo para sa sarili mo."

"Sa pagsasaka rin naman po ako mauuwi, eh."

"Huwag mong sabihin 'yan!" May bakas na ng iritasyon ang tinig ng kanyang ina. "Gagawin ko ang lahat para hindi ka maging magsasaka lang. Makakamit mo ang gusto mo, anak. Gagawin ko ang lahat para maabot mo ang mga pangarap mo."

Muling napabuntong-hininga si Mark Kenneth. "Kayo naman po ang mahihirapan nang husto, 'Nay. Puwede namang maging songwriter ako at magsasaka at the same time."

Hindi niya alam kung kanino niya namana ang kanyang hilig sa musika. Ang kanyang ina ay walang hilig doon. Ayon na rin dito, wala ring hilig ang kanyang ama sa larangang iyon. Pangarap niyang maging isang kompositor. Mula pagkabata ay hilig na niyang lumikha ng musika. Nais niyang marinig ng buong mundo ang kanyang musika. Isang pangarap iyon na alam niyang mahirap abutin.

Lollipop BoysKde žijí příběhy. Začni objevovat