1

4.4K 206 8
                                    

PAGOD na pagod na ibinagsak ni Jillian ang kanyang pagal na katawan sa kama. Alas-tres na ng madaling-araw. Niyakap niya ang kanyang Hello Kitty na unan at pumikit. Kauuwi lang niya sa condominium unit niya. Normal na uwi niya iyon. Isa kasi siyang artista. May tinapos silang eksena para sa pinakabagong pelikula niya.

Kinse anyos siya nang pumasok siya sa show business. Sa isang teen-oriented show ang unang nilabasan niya. Siya ang nakababatang kapatid ng bida. Maliit na role lamang iyon ngunit sapat na para sa kanya.

Pumasok siya sa showbiz noon upang makatulong siya sa kanyang pamilya. Baon sila sa utang noon at hindi niya maatim na umupo na lang sa isang tabi at panooring bumabagsak ang kanyang pamilya. Masuwerteng nakabanggaan niya si Tita Angie—ang manager niya ngayon—sa mall noon. Inalok siya nitong maging talent nito. Maganda raw siya. Pumayag kaagad siya dahil nga nangangailangan siya noon.

She was twenty-five years old now. Minsan ay hindi niya mapaniwalaang tumagal siya nang isang dekada sa show business. Maayos na ang pamilya niya ngayon. Unti-unti nilang nabayaran ang kanilang mga utang. Masagana nang naninirahan ang kanyang pamilya sa Cagayan. Siya ay matagal na ring naninirahang mag-isa sa lungsod.

Isa siya sa mga sikat at itinuturing na isa sa mga pinakamagaling na aktres sa Pilipinas. Kahit saan siya magpunta ay may nakakakilala kay Jillian Belgica. Ilang parangal na rin ang natanggap niya para sa husay niya sa pag-arte. Advertisers were willing to pay huge amount just to have her as an endorser. Tumatabo kasi lagi sa ratings ang mga show niya. Marami ang labis na naiinggit sa kanya.

Ang hindi alam ng lahat, hindi naging madali ang daan niya patungo sa tagumpay. Ang lahat ng mayroon siya ngayon ay pinaghirapan niya. Tatlong taon muna ang lumipas bago talaga kuminang ang bituin niya. Pulos teenybopper roles ang ginampanan niya sa loob ng tatlong taon; pulos pa-cute at pa-tweetums.

Hindi siya ganoon ka-in demand. Hindi siya nawawalan ng mga proyekto ngunit pulos maliliit lamang ang mga role na ginagampanan niya.

Isang baguhang direktor noon ang nabigyan ng break ng kanilang istasyon. Kinuha siya nito bilang bida sa pre-prime time show. Kuwento iyon ng isang teenager at pakikipagsapalaran nito sa buhay. Doon siya napansin ng lahat. The show was an unexpected top rater.

Nagkasunod-sunod na ang proyekto niya mula noon. Hindi na siya nabakante. Pati pagkanta ay pinasok na rin niya, tutal ay may talento rin naman daw siya sa pagkanta.

Bumuntong-hininga siya bago niya iminulat ang kanyang mga mata. Pagod siya ngunit hindi siya makatulog. Bumangon siya at nagtungo sa kusina. Nagsalin siya sa isang baso ng gatas, pagkatapos ay nagtungo siya sa sala at binuksan ang TV.

"I'm bored," bulong niya sa kanyang sarili habang nakaupo sa sofa at nanonood ng TV. "I want something new in my life. I want to try something different. Something fun and exciting."

Minsan ay nagsasawa na rin siya sa takbo ng buhay niya. Paulit-ulit na lang kasi iyon. Minsan din ay pakiramdam niya ay nakakulong siya. Lahat ng kilos niya ay binabantayan ng mga tao. Kahit maliliit na bagay ay napapansin ng mga ito. Kung tataba siya, sasabihing buntis siya. Kung papayat siya, sasabihing nagpalaglag siya. Kung papangit siya nang bahagya, sasabihing gumagamit siya ng bawal na gamot.

Hindi na teenybopper roles ang mga ginagampanan niya ngunit nakakulong pa rin siya sa kanyang sweet girl image. Hindi kasi siya mukhang beinte-singko anyos. Mas mukha siyang disiotso. She was gifted with a baby face. Tumatanda lang ang hitsura niya kapag may makeup siya. Maliit at mabilog ang maamong mukha niya at halos abot hanggang sa baywang niya ang buhok niya na ipinakulot niya ang dulo.

Paul Vincent told her once that she possessed the sweetest smile in the whole universe. Napangiti siya nang maalala niya si Paul Vincent. Ito ang best friend niya. Artista rin itong katulad niya. Ang buong pangalan nito ay "Paul Vincent Alcaraz." When he entered show business, he dropped his surname. "Vincent" tuloy ang tila naging apelyido nito. To his family and close friends, he was "Enteng."

Lollipop Boysحيث تعيش القصص. اكتشف الآن