"Yaz," humabol siya.

"Ano na naman!" asik ko.

Ngunit hindi siya nagsalita. Tumitig siya sa 'kin na para bang may gusto siyang sabihin pero hinid maisatinig. Ang tanging nagawa niya ay bumuntong-hininga. Ang amaw, siya pa ang nangunot ang noo gayong ako ang naghintay sa sasabihin niya.

"I'll see you later," sabi niya.

"Sige, see you!" wala pa man ay excited na ako.

Kung makangiti at magsaya ako sa paglalakad papasok ng building, panay ang kanta ko, tuwang-tuwa talaga. Pakiramdam ko tuloy ay bumalik ako doon sa panahon na ma-realize kong may gusto na ako kay Maxwell. Napangiti ako nang maalala ko kung paano akong kiligin sa isipin pa lang na may gusto ako sa kaniya. Gano'n ako kabaliw, na ako mismo ay kinikilig dahil patay na patay agad ako sa kaniya.

Natatandaan ko na ang pag-order ko online noon ay nakadepende sa nai-imagine kong magiging reaction ni Maxwell kapag nakita ako. Hindi ko malilimutan na nagsasalubong ang kilay niya sa t'wing makikitang daring ang suot ko. Magdamag niya akong hindi pinapansin kapag lamang ang balat na nakikita sa 'kin kaysa natatakpan. Pero kapag balot na balot ako ay maayos siyang nakikipag-usap.

Natatandaan ko rin na panay ang buntong-hininga niya sa t'wing naka-makeup ako. Pero kapag moisturizer at sunblock lang ang gamit ko, panay ang pang-aasar niya at saka ngingiti nang pagkagwapo-gwapo.

Hindi ko rin malilimutan na madalas siyang absent sa family dinner pero parating present kapag sinabi ni Maxpein na ako ang nagluto. Parati ko siyang inaasar no'n at halos isuka niya ang lahat ng kinain para lang itanggi na nasasarapan siya sa luto ko.

Panay ang pagngiti ko pero nang sandaling masulyapan ko sa salamin ang sarili ko ay biglang nangilid ang luha ko.

Bakit nagkaganito bigla?

Naalala ko na naman kung paanong dumapo ang kamay niya sa bewang ni Keziah. Hindi mawala sa isip ko. Dahil alam ko sa sarili kong bukod sa akin, kay Keziah niya lang ginawa 'yon. Kahit pa ako ang nauna, hindi ko matanggap na kay Keziah niya na ginagawa 'yon ngayon.

"Hindi," umiling ako nang umiling. "Friendly lang talaga si Maxwell kay Keziah. Wala 'yon, wala." Muli kong kinumbinsi ang sarili ko.

Sinimulan ko na agad maghanap ng maisusuot. Nagugutom man ay nagtiis ako sa biskwit, kailangang may paglagyan ang dinner sa tiyan ko. Mabilis akong mabusog kaya hindi ako pwedeng kumain ngayon dito.

Hinalungkat ko ang maleta ko. Naroon pa kasi ang karamihan sa mga damit at gamit kong hindi ko pa naisusuot. Noon pa man ay may ugali na akong bili nang bili online ng mga damit at gamit ngunit hindi maisuot. Natatambak lang.

"Ito kaya?" nakangiti kong hinila iyong bodycon dress kong blue. "OA yata? Hindi bagay sa dinner."

Ibinalik ko iyon saka ako kumuha ng panibago at tiningnan sa salamin kung babagay ba iyon sa akin. Paulit-ulit ko iyong ginawa hanggang sa makarami ako at mailabas ang lahat ng bitbit kong damit sa Palawan. Anong oras na, wala pa rin akong napipili.

"Ano ba!" naiinis, frustrated kong sabi saka sinabunutan ang sarili. "Hindi ako makapili! Lahat bumabagay sa 'kin!" problemado akong tumingin sa sarili mula sa salamin. "Kailangan 'yong casual lang. Dinner lang 'to. Baka sabihin naman ni Maxwell ay pinaghandaan ko masyado kasi alam kong nandoon siya!"

Para akong baliw na naiinis dahil ayaw kong isipin ni Maxwell na pinaghandaan ko ang pagkikita namin. Para akong tanga na gustong maging maganda sa paningin para sa simpleng dinner. Na para bang hindi naman kami nagkikita sa ospital. Na para bang hindi talaga siya nagagandahan sa 'kin.

LOVE WITHOUT LIMITSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon