CHAPTER 12

1.3M 36.5K 28.2K
                                    

MABANGONG AMOY ng nilulutong pagkain ang gumising sa akin kinabukasan. Agad na hinanap ng mga mata ko si Maxwell ngunit hindi siya natagpuan sa tabi ko. Sandali akong nag-ayos ng sarili saka nakangiting pumunta sa kusina. Ngingisi-ngisi akong sumilip upang gulatin sana si Maxwell. Pero ako ang nagulat sapagkat si Wilma ang nakita ko roon.

"Good morning po,"nahihiya kong bati.

Nilingon ako ni Wilma at napapabuntong-hininga na sinuyod ng tingin. Lalo akong nakaramdam ng hiya. Kung nalaman ko lang na hindi si Maxwell ang naroon, nagsuot sana ako ng robe.

"Inihabilin ni Laurent na huwag kang gigisingin. Nagising ka pa rin."

Hindi ko talaga maintindihan kung bakit masungit sa akin si Wilma. Sa tono niya kasi ay para bang kasalanan ang magising. "Nasaan na po si Maxwell?"magalang ko pa ring tanong.

"Syempre, pumasok,"anito saka binalingan ang niluluto. "Kumain ka muna, 'tapos magpahinga ka na uli."

Pumasok?Naramdaman ko ang panlulumo. Sa nangyari kagabi, kinaya niyang pumasok?Sandali akong natigilan, nagulat. Siguro dahil ang inaasahan ko ay aalamin namin kung paanong nakapasok ang sinumang lalaking iyon kagabi. Siguro dahil akala ko ay sasamahan niya ako dahil sa pag-aalala. Umasa akong sisiguruhin niyang maayos ang lagay at pakiramdam ko paggising ko ngayong araw.

Napabuntong-hininga ako sa lungkot ngunit agad ding umiling. Pagsyor! Hindi ka si Maxrill para maging dahilan ng pag-absent ni Maxwell!

Hindi ko malilimutan ang napagdaanan ng pamilyang Moon, naroon man ako o wala. Sa dami ng nakakatakot na nangyari sa nakaraan, hindi ang nangyari kagabi ang pipigil sa kaniyang magtrabaho. Higit na si Maxwell. Tutulong siya, hiningi man ito o hindi sa kaniya. Gagamutin niya ang sinumang nangangailangan, kahit siya rin ay sugatan.

Nang malaman ko kay Maxpein ang ilan sa mga dahilan kung bakit naging doktor si Maxwell, lalo ko siyang hinangaan. Iilang salita lamang ang binitiwan ni Maxpein para makabuo ng kwento pero pakiramdam ko ay mas lumalim ang pagkakakilala ko sa kanila. Napatunayan kong hindi niya lang ginagawa 'to bilang pagsunod sa batas ng pamilya at bansa nila. Talagang minahal niya ang kaniyang propesyon. Na kahit pa hindi niya intensyong maging pinakamagaling na doktor, ganoon ang nangyayari.

Kakatwang habang ang pamilyang Rewis ay namomroblema kung paanong pababagsakin ang pamilyang Moon, ang nag-iisang Maxwell Laurent del Valle-Moon ay namomroblema kung paanong paiikliin ang case presentation niya dahil ayaw niyang magsalita nang mahaba. Si Maxpein naman ay walang takot na sumusugod sa umuulang bala, pero hindi makatulog hangga't hindi nakikitang patay ang maliit namang gagamba sa kwarto niya. Wala akong masabi kay Maxrill dahil gusto ko ang pagiging inosente niya. Sobrang inosente na kahit si Taylor na isang masamang tao, kinaibigan pa.

Kaya hindi na dapat ako magtaka kung sa kabila nang nangyari kagabi ay pumasok pa rin siya. Sanay na dapat ako doon. Feeling ko nga ay mali pang kwestyunin ko 'yon.

Nakamot ko ang noo. "Papasok po ako."

"Ang sabi ni Laurent ay pagpahingahin ka muna."

"Pero wala pong gagawa ng trabaho ko."

"Huwag kang mag-alala dahil siya naman ang amo."

"Kahit na po."

"Ikaw ang bahala."

Hindi ko malaman ang gagawin. Kung mauupo ba at hihintayin si Wilma na tapusin ang niluluto o muling bumalik sa kwarto. Naaasiwa akong manatili malapit sa kaniya. Hindi ako komportable sa pagiging masungit niya. Kung sa akin lamang ba siya gano'n ay hindi ko alam.

LOVE WITHOUT LIMITSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon