17

7.5K 204 0
                                    

LINGGO. Kalahating oras nang paikot-ikot si Caroline sa salamin. Sa ganoon siya napasukan ni Raquel.

"Hoy, baka mabasag iyang salamin sa ginagawa mo!"

Napangiwi siya sa sariling repleksiyon sa salamin. Isang simpleng straight cut peach dress, sleeveless, squared neckline. Hinuhubog niyon ang kanyang katawan. Though she had to admit, medyo mataba siya. Ang waistline niya ay twenty-eight. Malaki para sa height niya. She had to diet.

At dahil nai-insecure siya kapag sinasabi ni Shane na pandak siya ay tatlong pulgadang wedge shoes ang isinuot niya. Iyong usong plastic shoes na candy colors. Ang sa kanya ay skin-tone.

"Kailan ba ako seseksing tulad ni Chanelle?" wika niya sa sarili at pinigil ang hininga upang hindi lumabas ang bilbil.

"Hindi ka naman mataba, ah. May baby fat ka pa kasi," ani Raquel na natatawang umiling. "Try some simple exercise like bending up to a hundred times."

"What!!!" Bayolente ang iling niya. Raquel laughed.

"Parang may hindi tama sa suot ko. Sabi ni Shane ay informal naman iyong party, bakit nakadamit ako? And look at my shoes, bagay ba sa kulay ng damit ko? Saka okay lang ba na plastic siya? Parang hindi pormal..."

"Para sa akin ay maganda ang kabuuan mo. Mula sa damit hanggang sa shoes mo. Uso iyan ngayon. Pang-jeans... at pangdamit ay bumabagay. At ewan ko ba naman sa iyo. Kanina naka-jeans ka na, nagpalit ka pa uli." Tinawag ni Raquel si Nemia upang ligpitin ang mga damit na pinagpalit-palitan ni Caroline na nasa ibabaw ng kama. Ipina-hanger itong muli.

"Kasi parang napaka-casual naman. Jeans and T-shirt. Eh, ipakikilala ako sa mga magulang niya." Muli niyang sinipat ang sarili sa salamin.

"Eh, di sana, nag-blouse ka. Marami ka namang blouses na semiformal." Pinamaywangan siya nito. Actually, si Raquel ang nag-apply ng light makeup sa kanya. At hiniram nila ang pabango ni Lovelle at naglagay siya nang kaunti.

"Sige na nga. Magpapalit uli ako ng pantalon at magba-blouse na lang..."

"Ay, lukaret na babae—" Nahinto ang sasabihin ni Raquel nang makarinig ng busina sa may tapat ng bintana.

Sabay silang napadungaw sa bintana. "Si Shane ba iyan?" tanong ni Raquel. Nilingon nito si Nemia. "Tingnan mo nga, Nemia. Kung si Shane ay papasukin mo."

"Si... Shane nga. Ang sabi niya ay susunduin niya ako gamit ang kotse ng papa niya. Midnight blue ang sinabi niyang kulay ng kotse ng papa niya. At iyan na nga." May bahagyang kaba siyang naramdaman.

"Siya, bumaba ka na. Malapit nang mag-alas-sais. By the time na nasa Tagaytay kayo ay alas-siete pasado na. Lalo kung traffic." Sumilip ito sa bintana. "Maagang dumilim. Mukhang uulan pa yata. Lagi namang umuulan ngayon. Pabugso-bugso."

"Sana huwag namang ulanin ang party ni Shane." Sinulyapan niya rin ang labas ng bintana. Alas-singko pasado pa lang pero tila gabi na. Ibinalik niya ang tingin sa salamin. "Bakit kasi ayaw mong sumama?" padabog niyang sabi. "Pinaiimbita rin naman niya kayo ni Lovelle sa akin." Raquel rolled her eyes. 


"Ipakikilala ka niya sa mga magulang niya, 'tapos magdadala ka ng sabit? Besides, gusto ko mang i-chaperone ka, eh, kanina pa sumasakit ang puson ko. PMS. Saka alam mo namang naka-graveyard shift si Lovelle!"

Dinampot niya ang maliit na handbag na nasa ibabaw ng tokador na may silver chain strap. Binigyan niya ng huling sulyap ang sarili sa salamin bago nagbuntong-hininga. "Kinakabahan akong talaga. Paano kung ayaw sa akin ng mga parents niya?"

"Mamaya ka mag-alala kapag inayawan ka. Huwag kang manghiram ng problema. Lakad na. Tsupi!"

"Do I look all right?"

"Oh, shit!"

"Sige na nga! 'Kainis ito."

"Kuleeet mo!"

Dahan-dahan siyang bumaba at kinakabahang matapilok dahil mataas ang takong ng shoes niya. Kahit na nga ba wedge iyon at may platform pa. Paglabas niya sa apartment ay tumingala siya sa bintana at kumaway. Alam niyang nakadungaw si Raquel.

Nag-aabang na si Shane nang lumabas siya ng gate at binuksan ang pinto sa bahagi niya. Mayamaya pa ay umikot na rin ito sa driver's seat.

"Ang sexy mo pala kapag nakadamit nang ganyan!" bulalas nito.

"Walang bola iyan?"

"Bakit kita bobolahin? Hindi nga halata ang layer ng tummy mo diyan sa suot mo."

Sumimangot siya at hinampas ito. Isang tawa ang pinakawalan ni Shane at pagkatapos ay sumeryoso. "Just kidding, sweetheart. Ang ganda mo sa suot mo." Tinitigan siya mula ulo hanggang paa. Hinawakan siya sa leeg at akmang hahagkan subalit mabilis siyang umilag.

"Sisirain mo ang lipstick ko..." Demurely, inayos niya ang sarili sa pagkakaupo. Nasisiyahan ang damdaming nagandahan si Shane sa ayos niya. Kahit na nga ba napakamapanukso nito.

"Di mag-retouch ka," anito, sabay pagpapaandar sa makina ng sasakyan.

"Basta. Kinakabahan nga ako dito."

"Saan ka kinakabahan? Na makikilala ka ng parents ko?"

"Iyon na nga."

Hinawakan nito ang kamay niya at pinisil at pagkatapos ay hinagkan. "You will like my parents, Caro."

Coron, Iisa lang Ang Puso Ko (UNEDITED)(COMPLETED)Where stories live. Discover now