Part 18

2.1K 77 19
                                    


"SANDALI ho at tatawagin ko ang mag-ama ko. Nakilala n'yo na si Daniel pero hindi n'yo pa nakikilala ang anak namin," aniya. Namamaga ang mga mata niya sa pag-iyak pero maluwag na ang kanyang dibdib. Akala niya ay buo na ang pagkatao niya dahil nasa kanya si Daniel. Na pagmamahal lamang nito ang tanging mahalaga sa kanya. Nagkamali pala siya. May puwang pala sa dibdib niya, may puwang sa pagkatao niya. Puwang na ngayon ay tuluyan nang napunan. Buo na ang pagkatao niya. Kilala na niya kung sino talaga siya.

"Ako na ang tatawag sa kanila, Ate Ange—Ate Celine," sabi ng nakababatang kapatid niya na si Paula. Sampung taon pala ang tanda niya rito.

Marahan siyang umiling. "Hindi na. Ako na. Thanks. Siya nga pala, tawagin n'yo ako kung saan kayo kumportable. Walang problema sa akin."

"Siya sige. Nagpahanda ako ng pagsasalu-saluhan natin. Dito na kayo maghapunan, hane?" tugon ng nanay niya. "Dito na rin kayo matulog kung nais ninyo."

Maghapunan, puwede pa. Pero malabo yata na dito sila magpalipas ng gabi dahil hindi pa alam ng mga ito ang pambihirang kondisyon ni Daniel. Paano na lang kung abutan sila ng sikat ng araw bukas? "May maagang appointment po si Daniel bukas, sa susunod na lang po siguro kami matutulog dito. Puwede naman ho na kayo ang dumalaw-dalaw sa amin. Bukas ho ang bahay namin sa inyo. Sandali ho at tatawagin ko na sila..." Lumabas si Celine ng bahay. Naroon sa swing sa may gilid ng bahay ang yaya ni Christoff at ang kanilang tsuper. Tumayo ang mga ito ng makita siya. Kumunot ang noo ni Celine. May kung ano sa ekspresyon ng mga ito na nagpakaba sa kanya. Pag-aalala ba iyong nababanaag niya sa mga ito? Tinungo na niya ang sasakyan.

"Daniel," pagtawag niya nang makalapit. Binuksan niya ang isang pinto sa backseat. Hindi bumukas ang ilaw ng sasakyan, ibig sabihin ay sadyang ini-off iyon. Naaaninag niya si Christoff sa ipinasadyang upuan/higaan para rito. Si Daniel ay patagilid ding nakahiga sa backseat. Namaluktot ito, pilit pinagkakasya ang malaki at mahabang kaha sa pahabang upuan ng backseat. Nakatulog marahil. Celine switches the light on. At ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita niyang hindi tulog si Daniel. Nakapikit ito, oo, pero hindi ito tulog. He was biting his lips, hard. At kahit bukas ang makina ng sasakyan dahil sa aircon, ga-munggo ang namumuong pawis sa noo at leeg ni Daniel. Halatang may dinaramdam si Daniel. "My God!" bulalas niya, napuno ng pag-aalala ang dibdib. Lumulan siya. Dahil ipinasadya ang sasakyang iyon ay mas maluwang ang likod niyon kesa karaniwang sasakyan. Dinampot niya ang isang bimpo ni Christoff at pinunasan ang mga pawis ng asawa. Masama ang pakiramdam ni Daniel. Umaatake ang grabeng pananakit ng tiyan nito. "Nakainom ka na ng gamot?" tanong niyang pilit itinatago ang pagkataranta.

Umupo si Daniel. Patingalang isinandal ang ulo sa sandalan. "O-oo. Hey, I'm fine," sabi nito nang makita ang pagkataranta niya.

Tumabi siya sa asawa. "Ayan ka naman sa 'I'm fine, I'm fine' na 'yan," sita niya. "You are not fine, okay? Iuuwi na kita. Uuwi na tayo."

"K-kaya ko 'to," pilit itong ngumiti. "Go spend some more time with them."

Hindi niya ito pinakinggan. "Saglit lang, ha? Magpapaalam lang ako ng mabilis sa kanila." Wala nang nagawa si Daniel nang bumalik siya sa loob ng bahay. Dali-dali siyang nagpaalam. Emergency sa bahay ang sinabi niya dahilan.

Napapikit si Celine nang marinig ang impit na ungol ng asawa. They were on their way home now. Nakahilig sa balikat niya si Daniel. Alam niyang pinilipit ni Daniel na maging normal at magkunwaring balewala lamang rito ang sakit. But he couldn't just deny it. Ramdam niya iyon sa natetensiyong katawan nito, sa paggigitgitan ng mga ngipin, at sa mga hindi mapigilang ungol. Para itong si Superman na nadikitan ng isang tambak na kryptonite.

"I'm sorry," naiiyak na wika niya. Kaninang pagbalik niya sa bahay ng ma magulang ay tinanong niya ang yaya kung kaaatake lang ba ng sakit. Ang sabi nito ay kanina pa daw pagbalik ni Daniel ng sasakyan. Nang i-tseck niya ang oras ay halos isang oras na rin pala. Isang oras na nagtitiis sa sakit at hindi kumportableng kalagayan. "Kanina pa pala sumasakit ang tiyan mo pero wala akong kamalay-ma—"

"Stop it," maotoridad na wika ni Daniel. Bakas sa tinig ang pag-angil. "Please don't talk. Naririndi ako. Masakit din ang ulo ko." Tila pinipigilan lang nito ang sarili na mambulyaw.

Nakagat ni Celine ang labi niya. Hindi naman mapakali na muling sumandal sa sandalan si Daniel. Mariin ang pagkakapikit ng mga mata, halatang iniinda talaga ang sakit ng tiyan. Ang mga kamao pa nga ay mariin din ang pagkakaikom. Pagkatapos ay yumuko ito, yukong-yuko na para bang iniipit ang tiyan. He was really in severe pain. And Celine felt helpless. Wala siyang magawa para kay Daniel. Para ibsan ang nararamdaman nitong sakit. Pakiramdam tuloy niya ay napakawalangkuwenta niya. Ah, napakahirap makita si Daniel na parang batang namimilipit sa sakit ng tiyan. Umiyak si Celine. Pero hindi niya hinahayaang magkaroon ng tunog ang iyak na iyon. Baka lalo lamang ma-upset si Daniel dahil sa kanya. Hinaplos niya ang likod nang nakayukong si Daniel. Nang maramdaman ang haplos niya ay muli itong nahiga at umunan sa mga hita niya. He was in knee-chest position. Ginanap nito ang palad niya at mariing hinawakan iyon.  

Sunshine And You 2 (Completed)Where stories live. Discover now