Kabanata 14.

12.5K 550 58
                                    


She is haunted by
the words he
left unspoken.

DAWN:

HINDI pa ganap na handa ang aking isipan sa katotohanan. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman. Kung ano ang dapat maramdaman. Galit o pagmamahal sa lalaking buong buhay ko ay niloko ako. Mapanlinlang na pagmamahal na nagdulot sa 'kin ng sakit sa damdamin. Pagmamahal nga bang matatawag ito o kasakiman?

"Lumayo ka sa 'kin." Buong tapang kong sabi. Ang mapupulang mga mata niya ay bumalik sa kadiliman.

"Dawn makinig ka." Pagdidiin ni Riku ngunit itinaas lamang ni Liu ang kanyang kanang kamay.

"Ano pa ba ang dapat kong malaman?" Nanginginig ang aking kalamnan sa labis na galit.

"Ginawa n'ya 'yon para sa 'yo!" Sigaw ni Riku.

"Riku!" Galit na sigaw naman ni Liu sa pangalan nito upang pahintuin s'ya sa pagsasalita.

"Buong buhay ko." Duro ko sa 'king sarili.

"Buong buhay ko ay puro lang pala kasinungalingan! Ninakaw mo sa 'kin ang pagkakataong mamuhay ng normal! Pinagkait mo sa 'kin ang katotohanan!" Galit na galit kong sabi nang malaman kong lahat ng ito'y pagpapanggap lamang. Simula nang mamulat ako at magkaisip kasama ang aking pamilya. Ang lahat nang 'yon ay palabas lamang. Sino nga ba ako?

Dumampi ang aking palad sa malamig n'yang balat. Hindi ito natinag sa malakas kong pag sampal sa kanya. Gusto kong sumigaw at kamuhian s'ya ng sobra. Gusto kong magwala at saktan s'ya ngunit hindi kaya ng katawan ko. Hindi ko magawa.

Hindi pa rin ako makapaniwala sa salaysay ni Riku. Nawawala ang aking memorya dahil sa 'king pagkamatay. Pagkamatay na matagal na panahon nang nakalipas. Itinakas ni Liu ang aking katawan at ihinarap sa mga babaylan upang muli akong buhayin dito sa mundo ng mga tao.

Kung tutuusin ay hindi ko pa kayang tanggapin ang lahat. Hindi ko alam kung ano ang dapat paniwalaan. Ngunit may kung ano sa 'kin ang kulang. Sa tagal kong namuhay sa mundong ito'y madalas kong tanungin ang aking sarili kung bakit? Bakit ako nakakaramdam na lamang bigla ng kalungkutan? Ano ang kulang sa buong pagkatao ko?

Lumapit sa 'kin si Liu para hawakan ang aking mga kamay ngunit kaagad ko itong tinaboy.

"Lumayo ka na sa 'kin hanggat kaya ko pang mag timpi." Sino bang nilalang ang kayang patawarin ang katulad n'ya. Sinong nilalang ang gugustuhing mabuhay sa piling n'ya? Wala s'yang kasing sama. Pinagkait n'ya ang katotohanan sa akin. Simula nang ako'y magkamulat ay doon na pala tatakbo ang palabas ng aking buhay.

"Pinaglaruan mo ako!" Pumatak ang mga luha ko na tila hindi natatapos.

"Itong nararamdaman ko sa 'yo? Kagagawan mo rin ba?!" Hindi ito sumagot.

"Napakasama mo. Ang sama sama mo!"

"Sisiguraduhin kong hindi ka magtatagumpay sa pag angkin mo sa buong katauhan ko. Kakalimutan na kita pati na rin ang nararamdaman ko sa 'yo." Nang marinig nito ang mga katagang 'yon ay doon lamang nawala ang hinahon sa kanyang mukha.

"You can't unlove me." Pag didiin n'ya.

Napangisi ako.

"Hindi ako gamit o laruan. Hindi mo ako pagmamay-ari." Hindi s'ya ang mag dedesisyon sa buhay ko. Hindi s'ya ang gagawa ng kapalaran ko.

Natahimik ito sa mga salitang narinig n'ya mula sa 'kin. Sisiguraduhin kong hindi na muli pang magkukrus ang landas naming dalawa.

"Kung totoo man ang lahat. Bakit? Ano'ng dahilan mo para buhayin ako at paglaruan ang buhay ko?" Tinignan ko ito nang masama sa kanyang mga mata. Bakas ang takot dito. Ang walang emosyon n'yang mukha'y punong-puno na ng pangangamba.

Evenfall: My Aloof Husband 2 ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon