"Sigurado ka na talaga rito?" tanong ni Raven sa kaniyang kabiyak habang buhat sa kaniyang mga bisig ang dalawang taong gulang na anak na si Rio.
Bakas sa kaniyang mukha at sa tono ng boses ang matinding pag-aalinlangan sa kanilang desisyong pag-alis dahil sa maiiwang negosyo at malaking bukirin ng mga namumulaklak na mga halaman na siyang ibinebenta sa flower shop ng kanilang pamilya.
Iyon na buhay na kanilang napili simula nang iwan ang mundo ng mga Celestial. Napalitan bilang reyna ng mundo si Lala at umalis sa pagiging magiting na sundalo at kanang kamay si Raven upang magsimula ng buhay na malayo sa kaguluhan at panganib.
Mahimbing na natutulog si Rio matapos paamuyin ni Raven ng halamang-gamot. Isang pampakalma nang sa ganoon na rin ay makatulog. Ilang araw na itong iyak nang iyak sa di malamang dahilan. Dahil hindi pa nakapagsasalita ay hirap silang hulaan kung ano ba ang nararamdaman ng bata.
Sinubukan na ni Lala na tingnan ang anak sa pamamagitan ng kaniyang taglay na kapangyarihan ngunit laking-pagtataka na lamang niya nang sa ilang ulit na iyon ay wala naman siyang nakikitang mali sa katawan ng bata. Lahat sila'y walang magawa upang maibalik ang sigla ng musmos na anak at kahit pa ang doktor na sumuri sa rito ay wala ring nakitang problema.
Ang mga ginintuang alikabok na hindi nila alam kung saan nanggagaling at ang umbok na mabilis na lumalaki sa likuran nito ang kanilang lubos na inaalala. Ang pagbalik sa Celestial World ang tangi nilang nakikitang paraan kahit pa ramdam ni Lala mula sa kaniyang asawa na ayaw nito sanang umalis sa mundo ng mga mortal. Maging siya rin naman ay nalulungkot din sapagkat iiwan na naman niya ang kaniyang mga magulang at kapatid ngunit sa kanilang sitwasyon ay wala na silang ibang mapagpipilian kundi ang lumisan.
Hinatid sila ng mga magulang ni Lala sa isang Unibersidad. Doon nakubli ang portal na siyang nag-iisang lagusan para sa lahat ng mga Celestial papunta sa magkaibang mundo. Tanging ang may dugong Celestial lamang ang nakakikita nito. Sila lamang ang nakagagawang makatawid dito.
"Mag-ingat kayo mga anak. Susunod kami kapag naayos na namin ang mga dapat ayusin dito," wika ng ng ama ni Lala kasabay ng paghalik sa noo nito. Sunod ay ang kaniya namang apo na buhat ni Raven.
"Opo, Pa. Mag-ingat din po kayo rito," sagot ni Lala habang nagpipigil ng luha.
Humakbang siya palapit sa kaniyang ina upang yakapin ito. Halos hindi makapagsalita dahil sa kalungkutan na nadarama. Siya naman talaga ang pinakaiyakin sa kanilang pamilya at naiintindihan ni Lala kung bakit nagiging emosyonal ito nang husto nang mga sandaling 'yon.
Niyakap ni Lala ang kaniyang ina. Ilang segundo silang mahigpit na magkayakap at hinintay ni Lala na ang kaniyang ina ang unang kumawala. "Balitaan ninyo kami ng lahat ng nangyayari," bulong ni Amethyst nang siya'y tuluyang bumitaw.
Matapos makapagpaalam at pakinggan ang mga habilin ng kanilang mga magulang, hawak-kamay sina ni Raven at Lala na naglakad palapit sa portal. Buhat ni Raven ang bata gamit ang isang kamay habang si Lala naman ay hila-hila ang isang mahiwagang sisidlan kung saan nila ipinasok ang kanilang mga importanteng mga gamit at ilang pares na kasuotan.
Sabay silang humakbang paloob sa animo'y isang salamin lamang. Nagliwanag iyon sa kanilang paghakbang hanggang sa tuluyan na silang kainin ng liwanag at mawala nang tuluyan.
Sa paglaho ng liwanag, isang mundong kakaiba sa kanilang pinanggalingan ang sa kanila'y tumambad. Mundong kanila ring naging tahanan ng ilang taon nang sila'y magbalik doon upang lumahok sa paligsahan.
BINABASA MO ANG
Golden-Winged Celestial
FantasyNagsimula sa mala-gintong alikabok at umbok sa likuran hanggang sa biglaang pagbibinata ng anak nina Raven at Lala na si Rio. Hindi maipaliwanag ang mga nangyayari sa kaniya ng kahit na sino'ng dalubhasa sa medisina at mahika. Dahil dito, nagpasya s...
