Ramses in Niraseya (Kabanata 6)

8.4K 190 1
                                    

                                    KABANATA 6

                                           “ANG PANGAKO”

            Sa bahay ni Ramses nagdiretso ang dalawa. Dali-dali silang pumasok sa loob at tinawag ang kanyang tiya Ileta.

            “Ano ba ang nangyari sa’yo bata ka? Alam mo nang nagdugo na yang pilat mo kanina eh hindi ka pa nadala. Kung saan-saan ka pa nagsusuot!” pag-aalalang sabi ng kanyang Tiya Ileta habang nililinis at muling binabalutan ang nagdurugong kamay ni Ramses.

            “Saan mo ba nakuha yang pilat mo at parang napakalalim talaga?” Usisa ni Kim habang pinapanood ang paglilinis sa sugat ng kaibigan.

            Tumingin si Ramses sa kanyang tiya Ileta bago magsalita. “Hindi ko alam, baby pa lang daw ako nandyan na yang pilat na yan. Pero ngayon lang yan dumugo sa buong buhay ko.”

            “Oh, hayan at tumigil na ang pagdurugo. Ngayon sabihin nyo sa’kin kung saan kayo nanggaling dalawa at inabot kayo ng dilim sa labas?” Pagalit na tanong ng matanda habang nililigpit ang mga ginamit sa paggagamot sa sugat ng pamangkin.

            Nagkatinginan ang dalawang magkaibigan na parang nangangambang sabihin ang totoo. Lumapit si Ramses sa kanyang tiya at niyakap nya ito mula sa likod.

            “Tiya Ileta, pasensya na po kung pinag-alala ko kayo. Pangako, hindi na po mauulit.”

            Hinawakan ng matanda ang kamay ng pamangkin. “Ramses, hindi mo sinasagot ang tanong ko. Saan ba kayo nanggaling? Kim, saan ba kayo nagpunta nitong kaibigan mo?”

            Titig na titig ang Tiya Ileta nila sa mata ni Kim habang nagtatanong. Hindi na nagawang magkaila ng dalaga sa takot nito sa matanda.

            “Ah, tiya Ileta…..si Ramses po kasi-,” sabay tingin sa kaibigan na parang nagdadalawang isip, “nagpasama po para hanapin ang bahay ni Ka Idong.” Napayuko na lamang sya matapos sabihin ang totoo.

            Sa pagkagulat at pagkabahala ay parang nag-init ang ulo ng tihayin at tumingin ng matalim sa pamangkin. Sa takot na baka pagalitan sya ng kanyang tiyahin, agad namang nagpaliwanag si Ramses.

            “Tiya Ileta, nagbaka sakali lang naman po ako na mahahanap ko ang bahay ni Ka Idong. Nagpunta po ako dun dahil gusto kong malaman kung paano pumasok sa bahay. Kasi…. gusto ko pong-.” Hindi pa man sya natatapos magpaliwanag ay pinutol na agad ng tiyahin ang kanyang sinasabi.  “Kapahamakan lamang ang naghihintay sa’yo kapag ipinapatuloy mo yang kagustuhan mo! Wala kang mapapala dun , bakit ba ayaw mong makinig sa’kin Ram. Tumitigas na ba ang ulo mo?” Halos mapaiyak sa pag-aalala ang matanda.

            Nagsalita ng malumanay si Ramses. “Nagbabakasakali lang po sana ako na mabigyang kasagutan yung mga katanungan ko. Naramdaman ko din po kasi nya may itinatago kayo sa’kin tungkol sa totoong nangyari sa mga tunay kong magulang.”

            Napaiyak nang tuluyan ang kanyang tiyahin dahil sa mga narinig. Hinawakan nya ang kanyang pamangkin sa mga balikat nito at tumingin ito ng diretso. “Hindi pa ba sapat ang pagpapalaking ginawa namin sa’yo, na kami na ang tumayong mga magulang mo? Ano pa ba ang pagkukulang namin? Sabihin mo, Ramses.”

            Nahabag ang dalaga sa umiiyak na tiyahin. Niyakap nya ito ng mahigpit. “Wala po kayong pagkukulang, nagpapasasalamat pa po ako ng sobra-sobra dahil napakabuti nyo sa’kin at itinuring nyo akong parang tunay na anak. Sana po ay mapatawad nyo ako tiya. Ayoko po ng pinag-aalala kayo at lalo nang ayokong umiiyak kayo.”

            Tumigil sa pag-iyak ang matanda na parang nagkaroon ng pag-asa. “Kung gusto mo talagang huwag akong mag-alala, titigilan mo na ang pagsasaliksik ng tungkol sa sinaunang bahay. Gusto kong ipangako mo yan, Ramses.” Tumango si Ramses at agad sumagot. “Opo, ipinapangako ko.”

            Tila naayos ang lahat noong gabing iyon. Nawala ang pag-aalala ng kanyang tiyahin at napanatag na ito. Parang sumuko na din si Ramses sa hangaring makilala pa ang mga tunay nyang mga magulang.

            “Ah tiya, ihahatid ko lang po si Kim sa labas,” pagpapaalam nito habang binubuksan ang pintuan. Agad namang tumayo sa kinauupuan si Kim sa kanyang kinauupuan at nahihiyang nagpaalam sa matandang si Ileta. “Tiya Ileta, tutuloy na po ako. Pasensya na po.”

            Ngumiti lamang ang matanda at pumasok na sa loob ng kusina.

            Habang inihahatid ni Ramses ang kaibigan palabas ay tahimik lamang sya. Agad naman iyon napansin ng kaibigang si Kim. “Bakit parang tahimik ka? Tutuparin mo ba ang pangako mo kay Tiya Ileta?” pag-aalalang nitong tanong.

            Nagbuntong hininga lamang si Ramses habang binubuksan ang kanilang gate. “Oo, ayoko na kasing pagaalalahanin si Tiya Ileta. Isa pa, masaya na ako na sila ang pamilya ko. Titigilan ko na ang kahit anong may kinalaman sa bahay na iyan. Magtitiwala na lang ako sa mga sinabi nya at sa mga sasabihin nya.” Lumingon si Ramses sa kanilang bahay at tiningnan kung may makakarinig sa kanila. Nang wala siyang nakita ay nagpatuloy sya sa pagsasalita. “Pero alam mo Kim, meron akong pakiramdam na hindi maipaliwanag. Itong pilat sa kamay ko, ito ang sagot sa tunay kong pagkatao. Kahit hindi ko naman hanapin ang kasagutan, alam ko… alam kong kusa ‘tong lalapit sa’kin. Pero sa ngayon, tutupad ako sa pangako ko kay tiya Ileta.”

            “Mabuti naman kung ganun. Oh paano, uuwi na ako at baka nag-aalala na sila inay sa’kin. Bukas na lang ulit,” pagpapaalam ni Kim habang naglalakad papalayo sa bahay ng kaibigan.

            “Mag-iingat ka,” nagkangiting sagot ni Ramses habang isinasara ang gate. Pumasok na ito sa loob ng hindi nya namalayan na nakikinig at tinatanaw pala sila ng kanyang tiyahin mula sa bintana.   

            Ilayo nyo po sa kapahamakan ang pamangkin ko, panalangin ng tiyahin. At isinara ang bintana kasabay ng pagpatay ng ilaw.

Ramses in Niraseya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon