Ramses in Niraseya (Kabanata 21)

6.8K 155 12
                                    

KABANATA 21

“ANG MGA MAGULANG NI RAMSES”

Pinagmasdan lamang ni Ginoong Yaku ang nangyari sa dalaga. Wala man lang syang nagawa upang iligtas si Ramses. Hindi pa nawawala ang tubig na pinagkakulungan ng dalaga ngunit hindi ito malapitan ng ginoo. Tumalikod ito at hinawakan ang alaga. 

“Tayo na. Haharapin ko na lamang ang parusang naghihintay sa’kin,” malungkot na sabi nito kay Napar. Kumalma ang kalangitan. Hindi pa man nakakasakay si Ginoong Yaku sa alaga ay natigilan na ito. May isang kakaibang liwanag ang nagmumula sa kanyang likuran. Agad nya itong tiningnan. Ang pinagkulungan ni Ramses ay tila nahihiwa at nahahati ng mga liwanag.

“Anong nangyayari? Posible kayang−?” Hindi pa man natatapos ng ginoo ang kanyang gustong sabihin ay tuluyang nabasag ang mala-kristal na tubig na pinagkulungan ni Ramses. Nagliwanag ang paligid na kahit ang ginoo ay nasilaw kaya’t naitakip nya ang kanyang braso sa kanyang mga mata. Ilang sandali pa ay bumalik na ang lahat sa dati. 

“Ginoong Yaku,” boses ni Ramses ang nagsalita. Dahan-dahang inalis ng guro ang pagkakatakip sa kanyang mga mata. Nakita nyang nakatayo ang dalaga sa kanyang harapan. Sa sobrang tuwa ay nayakap nya si Ramses at hindi napigilang mapaluha.

“Akala ko napahamak ka na dahil sa kagagawan ko. Mabuti naman at ligtas ka.” Napatingin si Ginoong Yaku sa batong pinagtusukan ng Tenivis. “Nasaan na ang espada?” Lumapit sya sa guhong bato upang hanapin ang espada. “Ramses, anong nangya−“ paglingon ni Ginoong Yaku sa dalaga ay hawak-hawak na nya ang Tenivis at nakangiti ito.

“Hindi ko po alam kung anong nangyari. Ang natatandaan ko lang po nagliwanag ng sabay ang aking tekan ang ang bato nitong espada. Akala ko malulunod na ako. Pero napansin kong nasa kamay ko na ang Tenivis,” pagpapaliwanag ni Ramses habang pinag mamasdan ang hawak-hawak na espada.

“Ganun pala ang nangyari. Mabuti pa ay bumalik na tayo sa Silko.” Sumakay silang dalawa sa alagang si Napar. Lumipad sila pabalik ng Silko. Bakas ang saya sa mukha ni Ginoong Yaku. Tila nawala ang takot ni Ramses habang nalipad sila. 

Mabilis din silang nakabalik ng Silko. Habang naglalakad sila pabalik sa silid ng mga sandata ay huminto sa paglalakad si Ginoong Yaku. “Ramses, ikaw lang ang makakatuklas ng tunay na lakas ng Tenivis. Kaya sana ingatan mo yan.” Tumango lang si Ramses at nagpatuloy sila sa pagpasok sa silid.

Nadatnan nila ang mga baguhan na mga nakaupo na at tila napagod na sa paggamit ng kanilang mga sandata. “Magsihanay kayong lahat.” Utos ni Ginoong Yaku na agad namang sinunod ng mga nandoon. “Ngayong nakapili na kayo ng inyong mga sandata iyan na ang inyong gagamitin sa pananatili nyo dito sa Silko. Sasanayin ko kayo upang masanay kayo sa paggamit ng mga iyan.” Habang nagpapaliwanag ang kanilang guro ay umiikot naman ang tingin ni Rettie na tila ay may hinahanap. Biglang nanlaki ang mga mata nito sa pagkagulat noong nakita nya si Ramses na hawak-hawak ang Tenivis. Bakas ang pagkainis sa kanyang mukha. Nagtaas sya ng kamay habang nagsasalita ang ginoo.

“May gusto ka bang itanong Rettie?” Lumapit si Rettie sa unahan at tumingin kay Ramses. “Ano pong batayan nyo bakit si Ramses lang ang dinala nyo sa burol upang kuhanin ang Tenivis?” Nanlilisik ang mga mata nito sa galit habang nagtatanong.

“Alam kong alam mo na ang kasagutan sa tanong mo Rettie. Maari ka nang bumalik sa iyong pila.” Nagdadabog na naglakad ang dalaga pabalik sa kanyang pwesto ngunit hindi pa din nya inaalis ang masamang tingin kay Ramses. Nagpatuloy sa pagpapaliwanag si Ginoong Yaku. Hindi na masyadong naintindihan ng dalaga ang mga sinasabi ng guro dahil sa mga tingin ni Rettie.

“Ramses, ayos ka lang ba?” bulong ni Ryona. Hindi sumagot si Ramses at tumingin lang sa likod kung saan nakapila si Rettie. “Si Rettie ba? Huwag mo na lang pansinin yun, wala lang yung magawa sa buhay.”

Ramses in Niraseya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon