"No! Sachiii...!"

Kitang-kita niya nang humampas ang katawan ng nobyo sa bumper ng sasakyan at tumilapon iyon na parang papel sa gilid ng daan!

"Sachiii!" Mabilis siyang tumakbo para daluhan ang nobyo.

"Ay, 'sus ginoo. Ano ang nangyari?"

"'Yong mama, nasagasaan."

"'Yong babae, pigilan niyo at baka siya naman ang mahagip ng mga nagsasalubungang sasakyan."

"Misis, sandali!"

Ilan lamang iyon sa reaksyon ng mga tao sa paligid ni Julianna. Ngunit parang wala siyang naririnig sa komosyon ng mga tao. Nanlalaki ang ulo niya sa sindak. Nagsagitsitan ang gulong ng mga sasakyan nang dire-diretsong tumakbo si Julianna sa kinabagsakan ng katawan ng kasintahan.

"No, no. Sachi," mabilis siyang lumuhod sa tabi nito. Hindi niya alam kung hahawakan ito o kakalungin. "Oh, God, oh, God."

Mabilis na nanlabo sa luha ang kanyang mga mata.

"Sachi, Sachi," napahagulhol siya. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. "Help, help! Tulungan niyo kami!"

"Ma... hal."

"Oh, God," maingat niya itong kinalong sa kanyang kandungan. "Mahal, andito lang ako. Nangako ka sa akin. Nangako ka, okay? At pinanghahawakan ko 'yon. Tulungan niyo kamiii!"

Halos manikluhod siya sa mga taong nag-uusyoso sa kanila para madala sa pagamutan ang nobyo.

"Oh, God. Don't close your eyes," hinaplos niya ang mukha ni Sachi. Naramdaman niya ang malapot na likido sa kanyang kamay na sumusuporta sa ulo nito. Nangatal ang kanyang mga daliri nang makita niyang tigmak iyon ng dugo. "Stay with me, please, stay with me. Dadalhin kita sa ospital. Tulooong!"

"Ru... pert," iyon ang mahinang lumabas sa bibig nito.

"I will call him. Just hang in there, okay?"

Sumingit sa pulutong ng mga miron ang dalawang lalaki. Mukhang EMT ang mga ito. Medyo nabuhayan ng loob si Julianna. Kahit ayaw niyang bitiwan ang kamay ng nobyo ay napilitan siyang lumayo rito nang suriin ito ng lalaki. Mabuti na lamang at mukhang may malapit na ospital doon. Mabilis na nakapagpadala ng tulong ang sinumang nagmagandang-loob na tumawag ng ambulansya.  

Matapos ma-assess ang lagay ng pasyente ay magkatulong na inilagay ng dalawang EMT ang pasyente sa gurney at isinakay sa naghihintay na ambulansiya. Parang nakalutang ang pakiramdam ni Julianna. Ang puso niya ay para ng sasabog sa takot. Ang mga luha niya ay hindi maampat-ampat kahit matulin ng itinatakbo ng ambulansya ang pasyente sa malapit na emergency department. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ni Sachi.

You'll be okay, you're gonna be okay, paulit-ulit niyang sinasabi habang panay ang tulo ng luha.

Pagdating sa ospital ay kaagad na inasikaso ng mga doktor ang pasyente. Kahit natutuliro ay natatarantang hinagilap niya ang cellphone ng nobyo at tinawagan si Rupert.

Sa unang ring pa lang ay sinagot na iyon ng binata. 

"Hello."

"R-Rupert." 

"Hey, kumusta ang biyahe?"

"S-Sachi, si Sachi," kaagad na nabasag ang boses niya at hindi kaagad maipaliwanag sa kausap ang sitwasyon dahil masyado siyang nalulunod ng emosyon. Takot na takot siya at hindi niya alam kung paano iha-handle ang sitwasyon. "Si S-Sachi, n-nabangga siya."

"What?! Nasaan kayo?"

"I-I don't know," nang may dumaang hospital attendant sa tabi niya ay tinanong niya iyon kung anong lugar ang kinaroroonan nila.

The Heiress and the ManwhoreWhere stories live. Discover now