Matalik na kaibigan namin ang mga sirena? Siguro nga ay isa ito sa mga nakadadagdag sa magandang parte ng pagiging mamamayan ng Cymopoleia. Dahil na rin sa kakayahan ng mga tao dito na kumontrol ng tubig ay nagagawa rin nitong paamuhin at kaibiganin ang mga nilalang sa ilalim ng dagat. Mukhang maituturing ngang nasasakupan ng kaharian ng Cymopoleia ang lahat ng nilalang na nasa ilalim din ng karagatan.

"Dumako naman tayo ngayon sa nangyaring paghahati ng ating kaharian at ang kinikilalang kaharian ng kasamaan, ang Maura." Muli na namang nagsulat si Maestra sa pisara kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na makita ang mga kamag-aral ko na interesadong nakikinig kay Maestra.

May ilang nagsusulat pa sa kuwaderno at may nakita pa ako na kinilabutan nang marinig ang salitang Maura. Ano nga ba ang mayroon sa kahariang iyon at bakit ito binansagang kaharian ng kasamaan?

"Matalik na magkaibigan noon ang Hari ng Elior at ang Hari ng Maura. Mayroon pa ngang kasaysayan na dikit-dikit ang lahat ng kaharian sa isa't isa maging ang Maura na isa sa mga pinakamalaking kaharian noon." Maraming nagulat sa isinalaysay ni Maestra.

Lalo na ang parte na magkasundo pala ang mga hari noon at nagtutulungan pa ang kaharian ng liwanag at ang kaharian ng kadiliman.

"Ngunit nang dahil sa kasakiman ng hari ng Maura at sa pagiging ganid nito na maging nag-iisang hari ng sanlibutan ay bumuo ito ng isang digmaan laban sa Hari ng Elior." Sumalumbaba naman ako upang mas lalong marinig ang Maestra. Ito na ang parte na interesado ako at hindi ko pa naririnig kahit kailan.

"Mayroong mahigit 500,000 na mandirigma ang Elior habang ang ang Maura naman ay mayroong 700,000 na mga mandirigma. Halos nahati ang mundo noon sa pagitan ng Maura at ng Elior. Sa kabutihang palad, kahit dehado ang Elior ay nagawa pa rin nitong manalo laban sa mga mamamayan ng Maura. Sa kabutihan at liwanag na taglay ng hari ay nagawa niyang maipanalo ang digmaan at mapalayas ang pinuno ng Maura at ang mga taga-sunod nito."

Napakunot naman ang noo ko sa salaysay ni Maestra. Bakit hindi niya gawing detalyado ang pagkukuwento? Paano nanalo ang Elior gayong dehado nga sila? Mayroon bang tumulong sa kanila? Sino ang mga lumaban noon? Isa na ba ang aking ama sa mga lumaban sa digmaan noon?

"Hanggang ngayon ay nanatiling hiwalay ang Kaharian ng Elior at ang Kaharian ng Maura. Sila ay pinagigitnaan ng Edburga o ang lupain nang kamatayan dahil dito halos inilibing ang lahat ng mga namatay noon sa digmaan. Sobrang isinumpa ang lugar na ito kaya walang nagtatangkang lumapit dito maging ang mga mamamayan ng Maura." Bakas pa sa tinig ni Maestra ang pananakot ngunit nanatiling kunot ang aking noo.

Tinandaan ko lahat ng sinabi ni Maestra upang hanapin lahat ng mas malalim pang impormasyon ukol sa mga lugar na ito mamaya sa silid-aklatan. Matapos nang ilang bilin ay nagpaalam na siya at nagpaalala na magbasa upang magkaroon naman kami ng partisipasyon sa klase niya.

Paano ba kami magkakaroon ng partisipasyon kung siya lang naman ang palaging dumadaldal at kapag may nagtatanong sa amin ay hindi niya papansin. Si Maestra na ang bida! Siyang-siya na!

Nanatili lamang akong nakaupo habang pinanonood ang mga kamag-aral ko na nagliligpit ng kanilang mga gamit. May hinihintay kasi akong tao na lalapit sa akin dahil palagi naman niya ito ginagawa tuwing matatapos ang klase. Ngunit nagulat ako ng dire-diretso na lamang lumabas si Aera at hindi man lamang ako tinapunan ng tingin.

Napairap naman ako sa kawalan dahil sa inasal niya. Ano na naman bang pag-iinarte ang ginagawa nito. Padabog kong ibinaba ang aking mga paa mula sa pagkakapatong sa lamesa saka tumayo na sa aking kinatatayuan.

Pagkalabas ko ng silid ay agad hinanap ng aking mga mata si Aera at nasaktuhan ko naman ito na mabagal na naglalakad paalis. Nakayuko ito kaya ilang kababaihan ang nababanggit niya pero parang wala ito sa sarili at hindi man lamang humihingi ng tawad. Mas lalo tuloy nangunot ang noo ko sa nakikita ko kaya naglakad ako tungo sa kanya. Tinandaan ko na babatukan ko ito kapag nasa tamang pag-iisip na siya dahil nagsayang pa talaga ako ng lakas para lamang maabutan siya.

Reincarnated as the Seventh Princess (BOOK 1/3) |COMPLETED|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon