Nakita ko naman ang isang kumpuluan ng babae sa isang gilid. Mayroong maliit na babae na sumisigaw ng pangkat Elios kaya mukhang ito nga ang pangkat ko. Naglakad na ako palapit dito at muli ko na naman naramdaman iyong babaeng makulit na naglalakad sa tabi ko.

"Iniwan mo ako! Iisa lang naman tayo ng pangkat eh!" Animo'y nagtatanpong saad nito sa akin pero inirapan ko lamang siya at hindi pinansin.

Ilang minuto lamang ay nagsidatingan na ang sa tingin ko'y mga Maestro at Maestra ng akademyang ito dahil sa kasuotan at tindig pa lamang nila ay mapaghahalataan na rin kung gaano kaotoridad ang kanilang dating. Sabay sabay silang yumuko sa mga mag-aaral kaya agad naman sila sinagot ng mga mag-aaral ng isang masigabong palakpakan. Naupo na rin sila matapos nito maliban sa babaeng may itim na buhok. Maganda ang postura nito maging ang kanyang mukha pero kababakasan siya ng napakastriktang dating. Tingin ko ay mataas ang posisyon niya sa akademyang ito.

"Isang maligayang pagbati minamahal kong mga mag-aaral! Ako nga pala si Maestra Zora Leontine Melisande, ang isa sa mga punong Maestra sa Akademia La Mageia! " Masigla ngunit kababakasan ng intimidasyon ang kanyang boses.

Buo ito at parang nagbabalita sa radyo dahil kahit papaano ay maganda ang timbre. Sinagot siya muli ng mga mag-aaral ng isang masigabong palakpakan kaya itinaas niya ang kanyang kanang kamay upang muling magpatuloy.

"Isa na namang taon para sa muling pagsasanay ng ating mga mahika, pagpapalakas ng ating pangangatawan, muling pagbukas ng ating isipan, at muling pagpapatatag ng ating puso at paninindigan." Ngumiti siya ng tipid sa mga mag-aaral bago muling nagpatuloy.

Hindi na ako nagbigay pa gaano ng atensyon sa mga sinasabi niya dahil nakapikit na lamang ako at pinipigilan ang aking sarili makatulog. Para lamang akong bumabalik sa hayskul! Halos nasa huling bahagi na ako ng aking pagka-bente ay ganito muli ang dadanasin ko?! Mas mabuti pa siguro kung hindi na lamang ako pumasok sa akademya na ito at nanatili na lamang ako sa kaharian.

Doon kasi ay wala naman akong ibang gagawin kundi ang magpahinga, matulog, kumain, at barahin lahat ng pang-aapi na sinasabi sa akin ng pamilya ko. Pero dito ay kikilos at aakto ako na parang disisais anyos kahit na hindi naman na ganoon ang takbo ng buong pagkatao ko!

"At ngayon ay nais kong ipakilala ang walong natatanging mag-aaral na nagpakita ng kahusayan sa kanilang unang taon na pamamalagi dito sa akademya!" Magiliw na pahayag ng Maestro sabay baling sa mga mag-aaral na nasa gilid.

Tilian at sigawan naman ang nangibabaw matapos sabihin yan ng Maestra. Halos lahat ng sigawan ay nanggagaling sa mga kababaihan. Maging ang babae na sunod ng sunod sa akin ay nakikisigaw din. Isa-isang pinakilala ng Maestra ang ilang mag-aaral na siya palang uupo sa walong upuan sa gitna. Hindi ako nakatingin sa mga tinatawag pagka't wala naman akong interes sa kanila at mas pinili ko na lamang manatiling nakapikit.

Ayon lamang sa mga napakinggan ko ay dalawa dito galing sa Thaewyr, Isa naman galing sa Agreaseth, Archelaos, Umoewin, at Cymopoleia. Bahagya akong sumilip ng banggitin ang Cymopoleia lalo na at isa pala ito sa mga kapatid kong hindi ko pa nakikilala.

"Prinsipe Caedmon Earl Agrigent, ang ikalawang prinsipe ng Cymopoleia!"

Muli na naman nagtilian ang mga kababaihan nang umakyat ang isang matangkad na lalaki. Nakasuot ito ng uniporme para sa mga kalalakihan, kulay ginto ang buhok, seryoso ang mukha, at kamukhang-kamukha ng tatay namin na walang hiya.

Magandang lalaki si Caedmon na hindi naman na maitatanggi dahil sa pagmumukha pa lamang ni Orianna at ng Hari na kahit nuknukan ng sama ang mga ugali ay hindi maitatangging nabiyayaan ng pisikal na kaanyuan. Napairap na lamang din ako ng marinig ang napakalakas na tili ng baliw na babae sa tabi ko na animo'y sinasamba na si Caedmon.

Reincarnated as the Seventh Princess (BOOK 1/3) |COMPLETED|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon