Sixteen: Natagpuang Tahanan

31 3 0
                                    

Sa mga panahong nagdaan ay maraming kuwento na ang nagsalin-salin tungkol sa mga kakaibang bagay lalo na ang mga kuwento tungkol sa mga kakaibang nilalang mula sa kalawakan. Marami ang nagsasabi na bumibisita raw sila sa ating mundo upang kumuha ng mga taong gagamitin nila sa kanilang mga eksperimento o di naman kaya ay nandito sila para magdulot ng pagkawasak at pagkasira.

Mula pa pagkabata ay mahilig nang makinig sa mga kuwentong kababalaghan ang kambal na si Aise at Saiah. Halos lumaki silang nawiwili sa mga kuwento patungkol sa mga multo, mga bampira, mga aswang, mga alien at kung anu-ano pang kakaiba. Itinuring silang kakatuwa ng mga tao sa paligid nila ngunit hindi nila ito pinagtuunang pansin dahil sa simula pa man ay pinangingilagan na sila ng mga tao sa hindi nila malamang kadahilanan.

Mula pagkabata ay lagi nalang silang pinagtatabuyan at pinagtatawanan. Ulila, mga walang magulang, mga walang kwenta, patay-gutom at kung anu-ano pang masasakit na salita ang sa kanila ay ibinabato. Hindi tumagal ay natutunan din nilang magbingi-bingihan sa mga madudumi nilang salita.

Ngayon nga na kaya na nilang tumayo sa kanilang mga sariling paa ay hindi na sila umaasa pa sa mga pekeng pagmamalasakit na ibinibigay ng mga tao sa kanila.

"Kuya A!!!!" Sigaw ni Saiah sa kanyang kapatid na hanggang ngayon ay tulog pa rin.

Kambal man sila ay itinuturing ni Saiah na kuya si Aise kahit na hindi nila alam kung sino sa kanila ang mas naunang lumabas sa mundo.

"Ano ba Saiah, hinaan mo nga iyang boses mo," ungol ni Aise bago nito sinamaan ng tingin ang kanyang kapatid. "Hindi mo naman kailangang sumigaw."

"Pwede ba Kuya A, kanina pa kita ginigising pero ayaw mo pa ring magising pasalamat ka nga hindi ako gumamit ng palayok at batsa para mag-ingay para lang magising ka." Nakangiting pahayag lamang niya sa kapatid niyang ngayon ay papasok na banyo.

Hindi na umimik pa si Aise, dumeretso na lang siya sa banyo ng kanyang kwarto at naghanda para sa kanyang trabaho. Pagbaba niya sa kusina ay agad siyang kumain kasama si Saiah.

Simula nang nakapagtrabaho si Aise sa isang kompanyang gumagawa ng gamot ay nagawa niyang makapagpatayo ng sarili nilang bahay. Isang simpleng dalawang palapag na bahay, mayroon itong tatlong silid-tulugan, isang maliit na opisina, katamtamang laking kusina at sala.

"Anong oras ka makakauwi mamaya kuya A?" Tanong ni Saiah sa kapatid.

"Hindi ko sigurado dahil may bagong proyekto ang Bio-Pharmaceuticals, kaya baka gabihin ako. Hindi mo na rin kailangang pang mag-iwan ng pagkain para sa akin." Seryosong sagot ni Aise na nagpabuntong-hininga kay Saiah.

"Alam mo naman kuya na wala ka nang dapat pang patunayan hindi ba? Maayos na ang buhay natin ngayon at malayo na tayo sa mga taong nangutya at nakasakit sa atin." May lungkot na pahayag na Saiah, alam niyang kahit na naging tahimik lang si Aise sa mga panahong inaapi sila ay nagdulot ito ng malaking pagbabago sa pagkatao ni Aise.

Nawala na ang dating masayahin at masiglang Aise na kilala niya, ang pumalit sa kanya ay ang seryoso at halos walang reaksiyong kapatid na nasa harap niya ngayon.

Bago tumalikod si Aise ay sinagot muna niya si Saiah. "Alam ko, pero kailangan ko pa ring gawin ang trabaho ko. Ayokong dumating ang panahon na mamaliitin uli tayo ng ibang tao."

Hindi na nagsalitang muli si Saiah at hinayaan nalang ang kapatid. Hindi niya masisisi si Aise, sa dami ba naman ng kanilang pinagdaanan ay hinding imposibleng walang pagbabagong mangyayari.

Aalis na sana si Aise nang makarinig sila ng mga sigawan at ingay sa labas bago pa makalapit sa pintuan si Saiah ay agad siyang hinila ni Aise at sinenyasang tumahimik muna. Hindi gusto ni Aise ang nangyayaring kaguluhan sa labas at malakas ang kutob niyang may hindi magandang mangyayari.

Inside The Abyss: One-shot CollectionWhere stories live. Discover now