Ten: Ala-ala at Hinaharap

63 3 0
                                    

Mahal kong Raziel,

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Mahal kong Raziel,

Tatlong taon na rin noong makilala kita. Nakailang ulit akong nagtangkang sumulat sa iyo pero laging nananatiling blangko ang papel na nasa harapan ko dahil hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong sabihin. Kaya sisimulan ko na lamang sa ating mga ala-ala.

Naalala mo ba noong una tayong magkakilala, para kang sisiw na basang-basa sa labas ng cafe namin noon, napakaseryoso pa ng mukha mo na nagdalawang isip akong lapitan ka, pero ginawa ko pa rin.

----------
"Ako nga pala si Lyra, nice meeting you!" Nakangiting pagpapakilala ni Lyra sa lalaking pinapasok niya sa kanilang cafe.

"Raziel," maikling sagot ng lalaki sa kanya.

Nalilitong tinitigan ni Lyra si Raziel kasabay nito ng pagbaling ng kanyang ulo sa gilid na gawain niya tuwing siya ay nag-iisip.

"Raziel ang pangalan ko, ikinagagalak din kitang makilala," may inis na sagot ng lalaki.

"Ang cool naman ng pangalan mo, Raziel."
-----------

Pagkatapos mong magpakilala ay lagi ka ng pumupunta sa cafe, hindi ko maipaliwanag kung paano, pero naging malapit tayo sa isa't isa. Sobrang gaan ng loob at ng pakiramdam ko sa tuwing magkasama tayo kaya maituturing kong ang mga panahong magkasama tayo ang isa sa mga pinakamasasayang araw sa buhay ko.

Naalala mo ba noong isinama kita sa isang amusement park? Sobrang napangiti mo ako dahil sa asal batang ipinakita mo. Hindi ko akalaing ang sobrang seryosong ikaw ay pusong bata rin pala.

--------

"Okay ka lang ba Ziel?" Tanong ni Lyra habang tahimik na pinagmamasdan ang nanlalking mga mata ni Raziel pagkapasok nila sa amusement park.

"Oo naman!" Nakangiting sagot niya sa kasintahan. "Ito ang unang beses na nakapunta ako rito," excited na pahayag niya.

Agad na hinila ni Lyra si Raziel at patakbo nilang pinuntahan ang unang ride na sasakyan nila. Para silang mga batang nakangiti at nagkukulitan habang linilibot nila ang mga stall at sinasakyan ang mga rides sa lugar na iyon.
----------

Maging ang unang pag-aaway natin ay naalala ko pa, kung pa'no ka umiwas ng tingin, kung pa'no mo itikom ang iyong bibig dahil ayaw mo akong makausap, kung pa'no napakaseryoso ng mga titig mo sa akin na para bang may gusto kang sabihin pero hindi mo masabi at kung pa'no ka humingi ng tawad kahit na ako naman ang dahilan ng away nating dalawa.

Ganoon ka kasi eh, napakabait mo, kaya kahit ako ang nagsimula ikaw pa rin ang nauunang nagpapakumbaba. Sa sobrang bait mo, ang dali mo tuloy mapagsamantalahan at maloko pero kahit ganoon ay masaya pa rin ako dahil nakatagpo ako ng lalaking katulad mo.

Naalala ko rin noong magsimula kang maglihim sa akin. May mga araw na bigla-bigla ka nalang nawawala ni hindi man lang kita mahagilap kung saan. Naging madalang ang ating mga pag-uusap at maging ang pagpunta mo sa cafe ay paminsan-minsan na lang.

---------
"Ano bang nangyayari Ziel? Iniiwasan mo ba ako?" Malungkot na tanong ni Lyra kay Raziel. Ilang gabi na siyang hindi makatulog sa kaiisip sa dahilan kung bakit hindi na niya nakikita ang kasintahan tulad ng dati.

Hindi umimik si Raziel, nag-iwas ito ng tingin bago siya huminga ng malalim at nagsalita.

"May mga inaasikaso lang ako," maikling sagot niya.

"Ano bang pinagkakaabalahan mo ngayon, na hindi mo ito masabi sa akin? May problema ka ba? Nandito naman ako para tulungan ka." Magkakasunod na tanong ni Lyra.

Napatingala na lamang si Raziel bago siya sumagot. "Balang araw Lyra maiintindihan mo rin ako pero sa ngayon pwede bang maging masaya na lang muna tayo. Huwag kang mag-alala gagawa ako ng paraan para makasama kita." Seryosong pahayag niya.

-----------
Noong mga panahong iyon ko lang napagtanto na wala pala talaga akong alam tungkol sa iyo. Maski ang tungkol sa pamilya mo hindi ko man lang nakilala. Doon ko rin napagtanto na hindi pala talaga kita kilala, na para bang estranghero pa rin tayo sa isa't-isa, pero kahit ganoon ay minahal pa rin kita.

Hindi ko man naiintindihan ang mga nangyayari noon ay tinanggap ko dahil nagtitiwala ako sa iyo. Alam kong sasabihin mo rin sa akin kung ano ba ang gumugulo sa isip mo, hindi ko naman alam na magiging huli na ang lahat.

Nagkamali ba akong hintayin na ikaw ang magkusang magsalita? O mas magandang ako na mismo ang naunang nagtanong?
---------

Kalagitnaan ng gabi ay nakarinig ng malakas na katok sa kanyang pinto si Lyra. Napabalikwas siya at mabilis na hinawakan ang baseball bat na nasa tabi ng pintuan ng kanyang kwarto. Dahan-dahan siyang bumaba sa hagdan papunta sa may bintana. Sumilip siya sa maliit na awang ng kurtina.

Sa labas ay may nakatayong nakaitim na lalaki, sa tindig palang niya ay nakilala na agad siya ni Lyra. Dali-dali niyang binuksan ang pinto.

Napansandal kay Lyra ang lalaki, don lamang napansin ni Lyra ang mga sugat at galos ni Raziel. Hindi siya nagdalawang isip na tulungan ang binata.

----------

Noong gabing iyon ay tinakot mo ako. Napakaraming tanong ang gumugulo sa isip ko. Paano kung mamatay ka? Ano bang nangyari? Bakit ang dami mong sugat? Sinong may gawa ng mga galos mo?

Pagkagising mo ay ipinaliwanag mo ang lahat sa akin. Hindi kita pinaniwalaan dahil mahirap naman talagang paniwalaan ang naging paliwanag mo, pero noong pinatunayan mong hindi ka nga nagmula sa mundo ko ay hindi ko na napigilan pang umiyak.
--------

"Lyra, gusto kong malaman mo na kahit hindi ako tagarito ay totoo ang naging damdamin ko para sa iyo, na minahal kita at mamahalin kita kahit na wala na ako sa mundong ito." Nakangiting pahayag ni Raziel habang yakap-yakap niya si Lyra. "Alam ko na darating din ang panahon na makakakilala ka ng isang taong mas magmamahal sa iyo, higit pa sa pagmamahal ko."

"Magkikita pa ba tayo Ziel?" Humihikbing tanong ni Lyra sa lalaking una niyang minahal at pinagkatiwalaan.

"Hindi mo man ako makita sa pisikal ay mararamdaman mo naman ang aking pagmamahal," nakangiting sagot ng binata sa kanya.
--------
Prinsipe ka man sa mundo mo ay ikaw pa rin Ziel na minahal ko.

Sana masaya ka na rin diyan at sana napabagsak mo na iyong mga taong gusto kang patayin. Mabuti nalang talaga at dito sa mundo ko mo naisipang magtago dahil kung hindi ay hindi sana kita nakilala. Sa tingin ko ay talagang pinagtagpo tayo ng tadhana.

Masaya na ako ngayon at sana masaya ka na rin ngayon. Tama ka nga sinabi mong makakahanap din ako ng taong magmamahal sa akin ng higit pa sa pagmamahal mo, ang pangalan niya ay Alexander. Dalawang taon na kami ngayon at huwag kang mag-alala dahil inaalagaan niya ako at lagi niya rin akong pinapatawa.

Sana matanggap mo ang sulat na ito.

Nagmamahal,
Lyra
---------

Ibinaba ng lalaki ang sulat na hawak niya at tumingala sa langit. Wala sa sariling napangiti siya dahil panatag na ang loob niya.

"Kamahalan, inaantay na po kayo ng inyong konseho at ng mahal na reyna," pagtawag sa kanya ng isa sa kanyang mga kawal.

Pinaghiwalay man sila ng dimensiyon ay pinagtagpo pa rin sila ng kanilang nabuong pagkakaibigan.

Inside The Abyss: One-shot CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon