Three: Unos

203 6 0
                                    

SIMPLE lang ang pangarap kong buhay, buong pamilya, makapagtapos ng pag-aaral at makakuha ng matinong trabaho

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

SIMPLE lang ang pangarap kong buhay, buong pamilya, makapagtapos ng pag-aaral at makakuha ng matinong trabaho. Hindi ko nga lang inaakala na magbabago ang lahat sa isang iglap.

"Inay, Itay nandito na po ako," tawag ko sa aking mga magulang.

"O anak, nandiyan ka na pala, saktong-sakto kakain na kami," masayang tugon ng aking nanay.

"May dala po akong ulam atsaka mga delata at noodles." Itinaas ko ang mga supot na hawak ko.

"Naku, maraming salamat talaga at nandito ka Leo," sabay yakap sa akin ng mahigpit ni inay. "May dala rin po akong gamot ni itay," dagdag ko.

"Salamat anak sa pagtulong mo sa amin, kung maayos lang sana ang kondisyon ko ay hindi mo na kailangang magtrabaho dapat nga sana ay nag-aaral ka ngayon at magtatapos na sa kolehiyo," malungkot na pahayag ni itay.

"Huwag no pa kayong mag-alala, ako na po ang bahala sa inyo pati na rin kina Rose, Rina at Eric. Mas importante naman po kayo kaysa sa pag-aaral at isa pa makakapaghintay ang pag-aaral, kung mabibigyan man ako ng pagkakataong makapag-aral uli ay susunggaban ko po agad pero sa ngayon ay kayo mun ang prayoridad ko," nakangiting paninigurado ka sa mga magulang ko.

Tahimik at masaya kaming namumuhay, kontento sa kung ano mang meron kami pero dahil sa isang trahedya nagbago ang lahat.

Sa bawat paghampas ng alon sa aming tahanan ay kasabay nito ang unti-unting pagguho ng aking mga pangarap. Sa bawat pagpatak ng ulan ay ang pagkabaon ng lahat ng mga ninais kong maabot. Sa bawat pagbayo ng hangin ay kasabay nito ang pagkabuwal ng pundasyong nakahawak sa amin. Sa bawat pagragasa ng tubig ay inanod nito ang pag-asang buo kaming makakalagpas mula sa pagsubok na ito.

Walang buong natira noong mga araw na iyon kundi wasak na bahay at mga gamit at higit sa lahat ay nag-iwan ito ng malalim na sugat sa aming mga puso. Noong araw na humupa ang sakuna ay ang araw din na hindi na namin kasama ang bunsong kapatid kong si Eric. Ang napakabait at napakamasayahin kong kapatid. Simula rin noong araw na iyon ay hindi na nakatayo pang muli ang aking tatay. Hindi na tulad ng dati ang buhay namin, maging ako ay hindi na rin ang ako na nangangarap.

Ilang beses na rin akong napaisip na kung pwede ko lang sanang ibalik ang noon ay gagawin ko ng sa ganoon ay magawa kong mailigtas ang kapatid ko pero alam kong malabong mangyari iyon dahil hindi ko hawak ang panahon.

"Anak ayos ka lang ba?" tanong ni inay.

"Oo naman po," mahinang sagot ko sa kanya.

"Halika nga rito ng mayakap kita," nakangiting tawag niya sa akin na hindi ko naman tinanggihan. Agad kong tinanggap ang mainit na yakap na ibinigay niya.

"Masakit para sa ating lahat ang nangyari at alam kong sinisisi mo ang sarili mo at kahit na kumbinsihin pa kitang hindi mo kasalanan ay hindi pa rin magbabago ang nararamdaman mo, kaya ngayon ang gagawin ko nalang ay ang yakapin at damayan ka, ang ipaalam sa iyo na nandito lang ako kapag hindi mo na kaya," napangiti ako sa mga sinabi ni Inay.

"Maraming salamat po dahil lagi kayong nariyan para sa akin."

Nakatulog ako ng mahimbing ng gabing iyon pero nasa isip ko pa rin ang napakaraming posibilidad pero imposible namang gawin.

Nagising ako sa isang masayang tawa at sa sakit ng pisngi ko na parabang tinusok-tusok ng karayom kaya't napamulat ako at bumungad sa akin ang nakangiting mukha ni Eric.

"Gumising ka na raw kuya kasi kakain na," nakangiting pahayag niya na para bang walang nangyari, na para bang hindi namin napagdaanan ang nakaraang bagyo na sumalanta sa lugar namin.

Sa sobrang gulat ay ipinikit kong muli ang aking mga mata dahil baka panaginip lang ito at nananaginip lang ako pero agad din akong napamulat dahil sa malakas na tawa ni Eric.

"Kuya para kang ewan diyan sabi ni nanay kakain na raw tayo kaya gumising ka na," ngumiti uli siya kaya napangiti na rin ako.

"Sige babangon na ako," sabi ko sa kanya.

Pagkabangon ko ay agad niya akong hinila papunta sa kusina kung saan nakita ko ang aking pamilya. Naroon si itay na naglalakad, si inay na nakangiti at ang kambal kong kapatid na sina Rina at Rose na nagkukulitan. Napatingin silang lahat sa deriksiyon ko at walang pagsidlan ang saya na nararamdaman ko. Kung panaginip man ito ay ayoko ng magising, gusto kong manatiling tulog at makasama ang pamilya ko sa loob ng panaginip na ito kung saan kami masaya at kontento.

"Oh, ano pang tinatayo niyo riyan, dito na kayo ng makakain na tayo bago pa lumamig ang pagkain," tawag ni inay.

Masaya ang naging kainan namin, tulad ng dati ay may biruan at kulitan sa hapag kainan. Buong umaga ata akong nakangiti dahil sa mga nangyayari. 'Hindi kaya ibinalik ako sa nakaraan? Pero posible ba iyon?' napaisip ako. Kung nakabalik man ako sa nakaraan, hindi ko hahayaang mawala pa uli si Eric sa amin.

"Kuya halika na maglaro na tayo, nakatulala ka nanaman diyan eh," inis na tawag ni Rose.

"Oo nga, nananaginip ka nanaman ba ng gising?" dugtong naman ni Rina.

"Nandiyan na mga prinsesa, hindi niyo na kailangang magalit dahil paglilingkuran ko kayo ngayon," nakangiting biro ko sa kanila.

Dahil sa isang biro ay naging alalay nga nila ako buong hapon at bilang mabait na kuya ay pinagbigyan ko sila, maging si Eric ay naging prinsipe at sa kasamaang palad ay ako rin ang naging utusan niya. Pagod man ay masaya ako dahil nakikita kong masaya ang mga kapatid ko.

"Kuya malulungkot ka ba kung mawawala ako?" biglang tanong ni Eric pagkarating niya sa kinauupuan ko.
"Syempre naman malulungkot ako kasi mamimiss kita at dahil mahal na mahal kita," sagot ko habang ginugulo ko ang buhok niya.

Tulad pa rin ito ng mga normal na araw namin ang pinagkaiba nga lang ay malakas ang ulan kaya nandito lang kami sa loob ng bahay habang nanonood ng telebisyon ng biglang mawala ang kuryento at lumakas ang hampas ng hangin at buhos ng ulan. 'Ito na ba? Mauulit nanaman ba ang nangyari noon?' nag-aalalang tanong ko sa sarili ko.

Agad kong yinakap ng mahigpit ang tatlo kong kapatid at sinabihan silang huwag bibitaw sa akin, hanggang sa nangyari na nga ang kinatatakutan ko. Narinig ko nalang ang iyak at sigaw ng mga kapatid ko maging ng nanay ko. Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi ko na namalayang inaanod na pala kami maging ang bahay namin ay sira na. Pinilit kong kumapit sa isang poste habang inaalalayan ang mga kapatid ko at hinahanap ang mga magulang ko pero dahil sa lakas ng ulan at hangin ay nahihirapan akong makita sila at suportahan ang mga kapatid ko hanggang sa mangyari na ang lubos na kinatatakutan ko.

Bumigay ang likurang bahagi ng pader na sinasandalan ni Eric, nanlaki ang mga mata ko dahil aanurin na si Eric. Nagawa kong mahawakan ang kamay niya pero nadudulas na ito dahil sa lakas ng hila ng tubig, hindi naman ako pwedeng bumitaw mula sa posteng kinakapitan ko dahil baka maanod din sina Rina at Rose.

"Bitaw na Kuya," pahayag niya, malakas man ang ulan ay dinig na dinig ko pa rin ang mga salita niya.

"Hindi kita bibitawan..." sigaw ko sa kanya kahit na alam ko sa sarili kong hindi ko na kaya.

"Gising na kuya at maging masaya ka, inaantay ka na nila, mahal na mahal kita kuya," nakangiting pahayag niya.

Napamulat akong muli sa maingay na tunog ng isang makina. Inilibot ko ang aking paningin at doon ko napagtantong nasa ospital pala ako. Doon ko rin natanggap sa sarili ko na wala na si Eric. Doon ko rin nalaman na halos anim na buwan na pala akong comatose. Ang mga huling salitang iyon ang naging lakas ko para magpatuloy sa buhay.

Inside The Abyss: One-shot CollectionWhere stories live. Discover now