Two: Anghel

283 8 1
                                    

TITLE: AnghelWRITTEN BY AYG

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

TITLE: Anghel
WRITTEN BY AYG

NAKATINGALA sa kalangitan, iyan ang kinasanayan kong gawin pagsapit ng gabi. Pinipilit ko ang aking sarili na makaramdam ng kahit na kaunting emosyon pero kahit na anong gawin ko ay wala pa rin. Mula sa aking kinauupuan ay napatingin ako sa ibaba, ang mga tao at mga sasakyan ay tila ba mga insektong nagkukumpulan at nag-uunahan habang ang mga ilaw mula sa mga gusali ay tila ba mga nahulog na bituin. Huminga ako ng malalim, ninanamnam ang lamig ng gabi hanggang sa isang ala-ala ang lumutang mula sa kailaliman ng aking gunita.

-----------------
"Gab, sasama ka ba sa aming mag-inuman?" tanong ni Ed, isa sa mga kasamahan kong inhenyero rito sa kompanya.

"Pasensiya na, hindi muna ako makakasama sa ngayon kailangan ko pang tapusin itong plano para sa proyekto," nakangiting sagot ko sa kanya.

"Tsk, tama na muna iyang overtime, magsaya ka naman kahit ngayon lang," singit ni Oliver na umakbay pa sa akin.

"Sa susunod na, kailangan ko pang tapusin ito," muling tugon ko.

"Sige na nga, basta sa susunod kailangan mong sumama," matapos iyon ay umalis na sila habang ako naman ay naiwan.

Pagkatapos kong gawin lahat ng kailangang gawin ay nagligpit na ako ng mga gamit ko. Simula pa noong bata ako ay paborito ko na ang katahimikan ng gabi kaya dahan-dahan ako sa paglalakad tuwing ako ay uuwi.

Napatigil ako sa paglalakad dahil sa isang sigaw. Iginala ko ang aking paningin pero wala naman akong napansing kakaiba hanggang sa isang pwersa ang nagtulak sa aking tumingala. Doon ko nakita ang isang bagay na nahuhulog, kaya wala akong nagawa kundi ang saluhin iyon.

Bumungad sa akin ang isang maamong mukha at mapupungay na mga mata ng isang babae. Ilang minuto rin kaming nagkatitigan bago ko napansing may basa at malagkit sa aking kamay. Nanlaki ang mga mata ko nang may makita akong dugo sa damit niya. Nagmadali akong umuwi at hiniga siya sa kama ko. Linapatan ko siya agad ng paunang lunas para tumigil ang pagdurugo ng mga sugat niya, pinalitan ko na rin ang mga damit niya habang iniiwas ang aking mga mata sa katawan niya.

'Sino kaya ang babaeng 'to? Bakit puno siya ng mga sugat?' Wala akong maisip na dahilan, kaya pinagmasdan ko na lang ang mahimbing niyang pagtulog.

Nagising ako dahil sa liwanag na pumapasok sa kwarto ko. Dahan-dahan akong nagmulat ng mga mata at sa sobrang gulat ko ay napabalikwas ako at sumalampak sa sahig. Doon ko lang naalala ang mga nangyari kagabi.

"Kumusta ka na? Gusto mo bang dalhin kita sa ospital?" Tanong ko sa kanya pero tinitigan niya lang ako. "Anong pangalan mo?" tanong ko uli.

"Luna." Ilang minuto rin siyang nanahimik bago niya ako sinagot. "Hindi mo na rin ako kailangang dalhin sa ospital, kaunting pahinga lang ay magiging ayos na ako, ikaw anong pangalan mo?" tanong naman niya.

"Gabriel pero tawagin mo nalang akong Gab," sagot ko sa kanya. Tumayo na ako at umupo sa gilid ng kama.

"Bakit ang dami mong sugat?" Hindi ko mapigilang itanong sa kanya pero tinitigan niya lang uli ako at hindi sumagot. Hindi ko na siya uli tinanong tungkol sa insidenteng iyon.

Sa mahigit isang buwan na pagtira niya kasama ko ay wala pa rin akong alam tungkol sa kanya maliban na lang sa edad niya at tungkol sa mga magulang niya. Nabanggit din niyang wala siyang mga kapatid o kahit na sino mang kamag-anak na pwede niyang matirhan kaya pumayag na akong dito siya tumira. Hindi ko rin inaakala na sa pagtira niya kasama ako ay mahuhulog ako sa kanya. Pilit kong itinanggi at pinigilan ang nararamdaman ko para sa kanya pero sa tuwing makikita ko siyang nakangiti at masaya ay lalo lang akong nahuhulog kay Luna.

"Luna, mahal kita. Alam kong isang buwan palang tayong magkakilala pero gusto kong makasama ka pa at makilala ka. Hindi mo kailangang sumagot agad, maiintindihan ko naman kung ayaw mo sa akin," pag-amin ko sa kanya. Nanginginig ako sa sobrang nerbyos buti nalang nasabi ko pa rin ang gusto kong sabihin sa kanya. Hinawakan niya ang pisngi ko dahilan upang mapatingin ako sa kanya.

"Mahal din kita Gab," sumilay sa mga labi niya ang isang ngiti na nagpabilis ng tibok ng puso ko. Napangiti na rin ako na para bang baliw nang marinig ko ang mga katagang iyon.

Lumipas rin ang mga oras, araw, at buwan na magkasama kami. Naging masaya kami at sa sobrang sayang nararamdaman ko ay hindi ko na napansin ang mga pagbabago sa paligid. Ang biglang pagkawala ng mga taong malapit sa akin, ang pag-iiba ng ugali ni Luna at ang katotohanang hindi ko pala talaga siya kakilala, na kahit isang taon ko na siyang nobya ay estranghero pa rin siya sa buhay ko. Huli na ang lahat bago ko nalaman ang totoo.

"Luna, a-anong ginagawa mo?" Nanlalaki ang mga matang nakatitig ako sa babaeng puno ng dugo sa harapan ko.

"Ginagawa ko? Ginagawa ko ito para sa ating dalawa, ayoko ng may kaagaw Gab dahil akin ka lang." Ang mga mapupungay niyang mga mata ngayon ay wala na, ang mga matatamis niyang ngiti ay napalitan na. Hindi ko na kilala ang babaeng nasa harapan ko ngayon.

Sa sobrang takot at gulat ay agad akong tumalikod at tatakbo na sana pero biglang nasa harapan ko na siya. Nakangiti siya habang papalapit sa akin, habang ako naman ay dahan-dahang napapaatras.

"Saan ka pupunta Gab, tayong dalawa na lang ngayon. Wala ng manggugulo pa sa ating dalawa dahil wala na ang mga taong umaagaw ng atensiyon mo. Pwede mo na akong pagtuunan ng pansin," pahayag niya. Nanghilakbot ako dahil lalo pang lumapad ang pagkakangiti niya hanggang sa naging isang halimaw ang mukha niya.

"I-ikaw ang may ka-kagawan kung bakit nawala ang mga kaibigan ko? Halimaw ka!" Nanginginig man ay nagawa ko pa ring isigaw ang mga katagan iyon.

"Akin ka lang Gab, lahat sila ay walang karapatan sa iyo. Aking ka lang!"

Nakaramdam ako ng sakit sa aking dibdib, ibinaba ko ang aking tingin, doon ko nakita kung ano ang ginawa ng halimaw sa harapan ko. Masaganang umaagos ang dugo mula sa aking dibdib kung saan niya itinarak ang kanyang kamay, agad niya itong hinila. Kasama ng paghila niya ng kanyang kamay ay ang puso kong tumitibok. Patuloy sa pag-agos ang dugo habang ako ay nakakatitig sa puso kong hawak-hawak niya hanggang sa tumigil ito sa pagtibok at tuluyan na akong linamon ng kadiliman.
-------------------

Napamulat ako matapos kong maalala ang nakaraan. Tatlumpong taon na rin ang nakalipas mula nang mangyari iyon pero heto ako buhay pa rin, buhay pa rin ba akong maituturing kahit na wala akong puso at wala na akong emosyon? Ang buong akala ko noong mga panahong iyon ay mamamatay na ako pero hindi pala dahil ilang araw lang ay nagising ako ng may malaking sugat sa aking dibdib. Hindi ko alam kung bakit ako nabuhay pero isa lang ang dapat kong gawin, ang hanapin si Luna at bawiin ang puso ko at bawiin ang emosyong ipinagkait niya sa akin.

Inside The Abyss: One-shot CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon