Fourteen: Apat na Sulok

40 3 0
                                    

Sa gitna ng isang malawak na kama ay nakahigang umiiyak ang isang batang lalaki. Paulit-ulit niyang tinatanong sa kanyang sarili kung siya ba ay mahal pa ng kanyang ama. Marami man silang pera ay alam ng bata na hindi nito mabibili ang pagmamahal at atensiyon ng kanyang ama.

Maituturing na isa sa mga matatalinong bata si Van Villacarte, lagi siyang nangunguna sa kanyang klase pagdating sa academiko at lagi siyang laman ng mga patimpalak sa matematika at siyensiya. Bukambibig ng mga guro, ng kanyang mga kaklase at ng ibang magulang ang kanyang katalinuhan, punong-puno ng mga papuri ang mga salitang nagmumula sa kanilang bibig sa tuwing siya ay kaninlang kausap. Nagagawang pasayahin ng mga salitang iyon si Van ngunit ito ay naglalaho rin na parang bula.

Sa bawat pag-uwi niya sa istrukturang itinuturing niyang tahanan ay tila ba parte siya ng hanging nararamdaman ng kanyang ama ngunit hindi niya magawang pansinin sapagkat ang kanyang atensiyon ay nakabaling sa iba.

Sa pagnanais niyang tignan siya ng kanyang ama kahit ilang segundo lang ay pinilit niya ang kanyang sarili na matuto sa larangan ng pagpipinta. Ang kanyang amang si Eduardo Henaro Villacarte ay isang kilalang alagad ng sining, kilala siya sa mga ipininta niyang larawan na puno ng buhay at emosyon. Nais niyang mapalapit sa kanyang ama gamit ang bagay na pinakagusto niya.

Masayang ipinakita ni Van kay Eduardo ang larawang kanyang ipininta na binigyan ng mataas na marka ng kanyang guro. Sigurado siya na sa pagkakataong ito ay maaasam na niya ang pagmamahal ng kanyang ama.

"Hmmm, maganda naman ang larawang ito pero kulang ito sa buhay. Gumamit ka nga ng mga matitingkad na kulay pero walang emosyong mararamdaman mula sa gawa mo. Kumpara sa gawa ni Anthony, mas maganda pa rin ang gawa niya pero kapag nag-ensayo ka pa, sigurado akong gagaling ka Van." Ito ang mga salitang nagmula kay Eduardo na nagbigay ng pag-asa kay Van.

Ipinagpatuloy niya ang pagpipinta ngunit kahit na anong gawin niya ay hindi niya pa rin maibigay ang hinihiling ng kanyang ama. Hindi niya magawang maging katulad ng pinsan niyang si Anthony, na magaling sa pagpinpinta at laging pinupuri ng kanyang ama.

Dumaan ang mga taon, sa edad na labing-lima ay marami na ring naipong sertipiko, medalya at tropeyo si Van ngunit sa kabila nito ay napagtanto niyang walang kwenta ang lahat ng pinaghirapan niya.

Tanging ang kanyang kama ang sumalo sa lahat ng luha niyang dala ng sakit na kanyang nadarama sa bawat araw na nakikita niya ang kanyang ama na nakikipagtawanan sa iba. Ang kanyang mesa, kwaderno at tinta ang naging sandalan niya sa mga panahong nais na niyang isigaw sa mundo kung gaano kasakit na hindi niya maramdaman ang pagmamahal ng kanyang ama. Ang kanyang salamin ang nagpapa-alala sa kanya kung paano siya binago ng bigat ng sakit na dala ng kanyang paunti-unting pagsuko. Ang silid na iyon ang naging saksi kung paanong si Van ay nagnais na siya ay maglaho nalang sana sa mundong kanyang ginagalawan.

Maagang umuwi si Eduardo mula sa isang 'Art Exhibit' na kanyang dinaluhan kasama si Anthony. Agad siyang nagtungo sa sala upang magpahinga at maupo sa tabi ng kanilang 'fireplace' nang mapansin niya ang isang sunog na 'canvas' sa may apoy. Linapitan niya ito, laking gulat niya nang makitang isa iyon sa mga larawang ipininta ng kanyang anak na si Van. Lalong nanlaki ang mga mata niya dahil nakita rin niya ang hindi nasunog na bahagi ng mga sertipiko at tunaw na mga medalya at tropeyo sa apoy. Tumakbo siya sa kusina at kumuha ng tubig na ibinuhos niya sa apoy. Ilang saglit pa ay patakbo na siyang pumanhik sa hagdan patungo sa kwarto ni Van. Pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanya ang isang bakanteng silid, ni anino ng kanyang anak ay hindi niya mahagilap.

Malayo sa batong bahay kung saan ang apat na sulok ng kanyang kwarto ang kanyang naging kanlungan ay makikita si Van na nakatanaw mula sa isang tulay. Sa pagdaan ng isang sasakyan at paglubog ng araw ay hindi na rin muli pang nakita ang binatang nakatanaw mula sa tulay.

Inside The Abyss: One-shot CollectionWhere stories live. Discover now