"Pero wala ka naman talagang problema, Liam. Bakit hindi siya nabuntis?"

"Sa tingin ko, siya na ang may gusto n'on. Baka hindi na ako ang gusto niyang maging ama ng kanyang anak. Nagbago siya mula nang makabalik siya sa Pilipinas." Inabot siya ni Liam at masuyong niyakap.

"Hindi ka galit sa ginawa nila? Kung gugustuhin mo, puwede mong balikan ang doktor na 'yon."

"Ngayon na kasama ko na kayo ni Avi at ang magiging baby natin?" Niyuko siya ng asawa at tinitigan. "Hindi ko na sila pag-aaksayahan pa ng panahon. Ang totoo, gusto ko pa nga silang pasalamatan. Kung hindi sila naging selfish, hindi magiging akin ang isang napakagandang pamilya—ikaw, si Avi, at ngayon ay ang magiging baby natin. Kasama ko lang kayo, okay na, Bri. Wala na akong gugustuhin pang iba. At kung dumating ang araw na kailangan kong pumili, paulit-ulit kong bibitawan ang lahat kapalit mo, kapalit n'yong tatlo."

Nakangiting tinugon ni Gabrielle ang yakap ni Liam. "Mahal ka naming tatlo, at mas mamahalin pa..."

Nagningning sa saya at pag-ibig ang mga mata ng kanyang asawa, ibinaba ang mukha at hinalikan siya sa mga labi—malalim at mainit na halik na unti-unti ring naging banayad at masuyo, hanggang pagmamahal na lang ang kanyang naramdaman.

Para sa kanilang dalawa ay hindi na mahalaga ang nakaraan, mas mahalaga ang kasalukuyan at ang magandang bukas na alam ni Gabrielle na naghihintay sa kanila. Tinanggap niya si Liam nang buo, kasama ang inakala nilang kakulangan nito, pero ngayong dinadala na niya ang anak ni Liam ay hindi birong saya ang kanyang nararamdaman. Pakiramdam niya ay buong-buo na siya bilang isang babae. At pagkasilang ng kanilang baby, isang masaya at nagmamahalang pamilya ang magigisnan ng sanggol.

Pero bago mangyari iyon, kailangan munang malampasan ni Gabrielle ang parusang dala ng kanyang kondisyon.

Mula sa pagkakalugmok sa banyo ay may mga brasong pumalibot sa kanyang katawan at maingat siyang binuhat. Sa kabila ng sama ng pakiramdam ay napangiti siya. Kumapit siya kay Liam at isinubsob ang mukha sa leeg nito. Hindi niya alam kung anong mayroon ang pamilyar na amoy ng asawa at kumakalma ang kanyang pakiramdam. Hinahanap-hanap din niya ang amoy na iyon.

Maingat na inilapag siya ni Liam sa kama. Inabot nito ang baso ng tubig sa side table na inihanda na talaga para sa kanya sa mga ganoong pagkakataon at inalalayan siyang uminom, pagkatapos ay maingat na inihiga siya. Hinila ni Liam ang kumot saka humiga sa kanyang tabi at niyakap siya.

"May gusto ka bang kainin?"

"Wala. Gusto ko lang amuyin ka." Isiniksik ni Gabrielle ang mukha sa leeg ng kanyang asawa. Umungol ito, lalo siyang niyakap.

"Kamukhang-kamukha ko niyan ang baby natin, Bri," paungol na wika ni Liam, sa boses ay halatang inaantok pa. Palagi itong nagigising tuwing dumuduwal siya sa banyo sa ganoong oras. "Sabihin mo lang kung may gusto kang kainin o gustong gawin."

Napangiting humigpit ang yakap ni Gabrielle sa asawa. Ganoon man siya pinahihirapan ng kondisyon ay mas madali ang lahat dahil kasama niya si Liam, karamay niya ito sa bawat paglipas ng oras at palapit nang palapit ang araw ng pagdating ng bagong anghel sa kanilang pamilya.

Si Avi ay eight years old na, napakaganda at mabait na bata. Napagkasunduan nila ni Liam na hintayin na lamang ang tamang pagkakataon para ipagtapat sa bata ang tungkol sa tunay nitong ama, kapag kaya nang intindihin ng bata ang lahat.

"Bri?"

"Hmm?"

"Thank you."

"For what?"

"Na yakap kita ngayon, na asawa kita, na malapit na akong maging ama ng baby natin."

Nakangiting nag-angat ng mukha si Gabrielle. "Sa pagkakatanda ko, pangarap ko rin na maging ina ng baby mo, William De Nava. Ito na ang katuparan ng pangarap na iyon."

Maingat siyang hinalikan ni Liam sa mga labi—respeto at pagmamahal ang naramdaman niya sa halik na iyon.

"'Tulog na, Mama," bulong ni Liam. "Kailangan mong makabawi ng lakas. Amuyin mo na ako, singhutin mo lahat ng energy ko."

Natawa siya. "Ang bango mo..."

"'Sabi ko nga, mabango talaga ang asawa mong apat na araw nang walang ligo. Payagan mo na akong maligo bukas, o?"

Napabungisngis si Gabrielle. Hindi talaga niya gusto ang amoy ng kanyang asawa kapag bagong ligo. Ang gusto niya ay ang amoy nito ngayon. "Ayoko. Hindi kita lalapitan kapag naligo ka. Sa labas ka matutulog, gusto mo?"

"Hindi na ako maliligo," natatawang sabi ni Liam. "Mas gusto kong yakap kita kahit mabaho ako."

"Ang bango mo nga, eh."

Tumawa ito nang bahagya. "Hug me tight, 'Ma."

Ngiting-ngiting pinagbigyan niya si Liam. Ang bango-bango talaga ng kanyang asawa kapag hindi naliligo.

•••WAKAS•••




Available on e-book format: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/171/Isang-Rosas,-Isang-Pag-ibig,-Isang-ikaw

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawWhere stories live. Discover now