Chapter 19

15.2K 283 0
                                    


PIGIL na pigil ni Gabrielle ang maiyak. Nagbabantay siya kay Avi. Gising ang bata. Hindi siya nito dapat makitang umiiyak.

"Ayaw mo bang magpahinga, Avi? Nasa labas lang si Papa, may binili. Babalik din siya agad. Paggising mo mamaya, nandito na siya." Hinaplos-haplos niya ang buhok nito.

Sa unang tingin ay parang walang dapat ikatakot sa kondisyon ni Avi. Naka-dextrose lang ang bata. Nakakausap nila, ngumingiti rin. Masakit ang ulo at nanghihina ang pakiramdam, parang hindi raw magkakadugtong ang mga bones, iyon lang ang daing nito.

Ngunit hindi simple ang kondisyon ni Avi. Mahigpit ang pagbabantay ng mga doktor sa blood platelets ng bata dahil patuloy raw sa pagbaba. Nagsinungaling si Gabrielle kay Avi. Hindi totoong nasa labas si Liam para bumili lang ng kung ano. Kasama ni Liam si Quiah. Parehong magdo-donate ng dugo ang dalawa para sa posibleng blood transfusion ni Avi. Magmumula pa raw sa blood bank sa Maynila ang dugo dahil sa dami ng dengue cases sa Victoria kaya kaagad nang naghanap ng donor ang ospital mula sa kapamilya ng pasyente. Ipinagpapasalamat niya sa Diyos na AB positive ang dugo ni Avi. Universal recipient ang blood type na iyon, hindi sila mahihirapang maghanap ng donor. Pinigilan siya ni Quiah na mag-donate ng dugo dahil sa kanyang mababang BP. Sina Quiah at Liam ang nagkasundong magpakuha agad ng dugo.

Hanggang nakatulog si Avi ay hindi man lang nabawasan ang kaba at pag-aalala ni Gabrielle. Unang pagkakataon na kinailangang i-confine sa ospital si Avi. Bigla niyang naalala ang mga pagkakataon noon na nilalagnat ang bata, si Lola Santina ang lagi niyang kasama sa doktor. Ngayon niya higit na nararamdaman ang pagkawala ng abuela na minahal, sinandalan, at itinuring niyang tunay na kadugo. Hinayaan na niyang tumulo ang mga luha nang makatulog na si Avi.

Nagmadaling lumabas si Gabrielle bago pa magising ang bata sa tunog ng kanyang pag-iyak. Nasalubong niya si Liam na papasok naman. Saglit na nagtama ang kanilang mga mata. Nabasa niya ang emosyon sa mga mata nito matapos siyang titigan at makitang umiiyak. Hindi niya alam kung bakit mas napaiyak siya matapos ang ilang segundong pagtatama ng mga mata nila.

Inabot siya ni Liam at ikinulong sa isang mahigpit na yakap. Nagkaroon ng tunog ang kanyang pag-iyak. Wala siyang narinig na kahit ano mula sa lalaki pero ramdam niyang naroon ito at karamay niya sa sitwasyong iyon.

"Magiging okay si Avi, 'di ba?" basag ang boses na sabi niya. "Magiging okay siya, Liam. Kailangan niyang maging okay. "

"Sshhh..." Mas hinigpitan nito ang yakap sa kanya.

Nagsunod-sunod ang paghikbi ni Gabrielle, tuluyan nang umalpas ang pinipigilang emosyon.

Pagkalipas ng mahabang sandaling pag-iyak sa dibdib ni Liam ay dumating naman si Quiah. Nagtama ang mga mata ng dalawa. Blangko ang ekspresyon ng mukha ng dalaga, bagay na nagpakunot sa noo ni Gabrielle. Kilalang-kilala niya si Quiah kaya agad na napansin na may nag-iba sa pakikitungo nito kay Liam.

Parehong tahimik na tahimik sina Quiah at Liam. Pakiramdam ni Gabrielle ay may tensiyon sa pagitan ng dalawa. Nakiramdam pa siya maging nang nasa loob na sila ng silid ni Avi. Hindi pa rin umiimik si Quiah, si Liam naman ay tila may inaalala. Guilt ang nakita niya sa mga mata ng lalaki nang tumingin sa kanya. Kaagad din nitong binawi ang tingin.

Pagkalipas ng mahabang minuto ng katahimikan sa pagitan nilang tatlo ay dumating naman si Favio, halata sa anyong nagmamadaling makarating sa ospital. Kay Quiah agad tumutok ang mga mata ng lalaki. Si Quiah ay nakita niyang namasa ang mga mata pagkakita kay Favio. Inilang hakbang lang ni Favio ang distansiya at mahigpit na niyakap si Quiah.

"Samahan mo ako sa labas, Fav," sabi ni Quiah. "Kailangan kong umalis muna."

Napatingin si Gabrielle sa kapatid bago lumipat kay Liam ang mga mata. Nahuli niya ang paglunok ni Liam saka mabilis na nagbawi ng tingin. May nangyari ba sa pagitan nito at ni Quiah?

Tumango na lang si Gabrielle nang sumulyap sa kanya si Favio bago payakap na inalalayan si Quiah palabas ng silid.

ont-size:'�^ƷL

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon