Chapter 4

22.5K 377 4
                                    


"QUIAH—" Napatigil si Gabrielle sa pintuan pa lang nang sumenyas ang kanyang kapatid na huwag siyang maingay.

"Sshh..." ani Quiah, napapangiti.

Isa sa maraming katangian na naglapit sa kanya kay Quiah ay ang mga mata nitong laging nagpapahayag ng warmth. Kung may anghel sa lupa, hindi na siya magtataka na isa ang kanyang adopted sister na sa ngiti at titig pa lang ay para bang gustong mahalin ang lahat ng nasa paligid nito.

Tumayo si Quiah at lumapit sa kanya. "Sa labas tayo. Nakatulog na si Fav, eh." Hinawakan siya nito sa braso at iginiya palabas.

Si Favio ay malapit na kaibigan ni Quiah. Ayon sa kuwento ng kanyang kapatid, mula nang mamuhay mag-isa sa Maynila ay si Favio na ang naging bagong kapamilya nito. Si Favio raw ang naging lalaking version ni Gabrielle sa buhay nito. Lahat ng kuwento ni Quiah ay kasama na si Favio. Ilang beses na ring isinama ni Quiah sa farm ang lalaki. Hindi nga lang nabanggit ng kapatid na maging sa pagtulog ay tinititigan pa rin nito si Favio.

Pinigil ni Gabrielle ang pilyang ngiti. "Quiah, ha? Hindi mo nabanggit na kasama sa maraming bagay na pinagkakaabalahan mo ay ang titigan si Favio habang tulog." Siniko niya ito sa tagiliran. "Matagal mo nang ginagawa 'yan, 'no?"

Biglang kinabig ni Quiah pasara ang pinto. Namilog ang mga mata ng kapatid. Hindi nakaligtas kay Gabrielle ang pamumula ng mga pisngi ni Quiah.

Tinawanan niya ang kapatid. "Aha! Bakit ka nagba-blush? Ibig sabihin, hindi lang kaibigan ang tingin mo sa—oh, my God—" Hindi na niya naituloy ang pangungusap dahil tinakpan na ni Quiah ang kanyang bibig. Nakulong sa kamay nito ang kanyang tawa.

Nang mga sumunod na sandali ay nagtatawanan na silang parang teenagers. Namumula pa rin ang mga pisngi ni Quiah nang hilahin siya papasok sa kanyang silid. "Shhh! Shhh!" tila nagpa-panic pa na saway nito na lalong nagpatawa sa kanya.

"Guilty ka talaga?" tukso pa ni Gabrielle. "May... may feelings ka sa kaibigan mong—"

Tinakpan uli ni Quiah ang kanyang bibig. Nagtama ang kanilang mga mata. Mayamaya lang ay pumuno na sa silid ang sabay nilang pagtawa. Tinungo ni Quiah ang pinto at ibinaba ang lock. Bumalik ito at hinila siya paupo sa kama.

"Hindi ko alam kung kailan nag-iba, Bri," umpisa ni Quiah sa confession. "Bri" ang tawag ng kapatid sa kanya, tulad ni Lola Santina at iba pang mga itinuturing na pamilya sa farm. "Matagal na kaming magkaibigan, 'di ba? Wala naman akong romantic interest sa kanya. He's just Fav, the nice guy, the handsome neighbor and friend. Siya ang lagi kong tinatawagan para kuwentuhan ng kung ano-ano lang, ang lagi kong kasalo sa pagkain. Si Fav na mas gustong mag-celebrate ng birthday sa sala ng bahay natin sa Calle Amor dahil nag-away ang ama at kapatid niya sa mismong birthday niya. Sanay na sanay na akong lagi siyang nasa tabi ko. Nakita na niya ako when I was down. Kahit alam na niya lahat ng negative qualities ko, mas pinili niyang maging kaibigan pa rin—"

"At si Fav na tinititigan mo tuwing natutulog?" putol ni Gabrielle, nanunukso ang ngiti.

"Naaaliw lang ako!" depensa ni Quiah, namumula na naman ang mga pisngi. "Hindi ko naman dating ginagawa 'yon. Ngayon na lang... mula no'ng—no'ng lagi siyang nakakatulog sa bahay ko sa pagod..." Napahagod ito nang paulit-ulit sa sariling buhok. "Hindi ko gusto ang pagbabago sa feelings ko, maniwala ka, Bri! Hindi ko nga alam kung paano ko itatago para hindi siya makahalata, eh. Hindi ko gustong may mag-iba sa friendship namin."

"No'ng time na nasa ospital ang kapatid niya at comatose, 'yon ang oras na sinasabi mong lagi siyang pagod?"

Tumango si Quiah. Natatandaan ni Gabrielle nang mga panahong iyon ay siya ang laging tinatawagan ni Quiah para kuwentuhan ng maraming inaalala nito. Naikuwento rin ng kapatid ang pabirong advances ng kapatid ni Favio na si Zero. Hindi naman pormal na nanligaw kay Quiah si Zero pero sweet daw at ilang pagkakataon pang hinalikan ni Zero si Quiah na hinayaan naman ng dalaga. Naisip pa nga ni Quiah na nahuhulog ang loob nito kay Zero—na sa tingin ni Gabrielle ay na-realize na ni Quiah na nadala lamang ito ng pang-aakit ng playboy na kapatid ni Favio. Sa hula niya nalilito pa noon ang kanyang kapatid sa damdamin nito, pero ngayon ay sigurado na si Quiah—na si Favio ang talagang gusto at hindi si Zero.

Natatandaan pa ni Gabrielle noong lumayo si Quiah sa Maynila nang ilang linggo. Hindi nagsabi ng dahilan ang kanyang kapatid. Ngayon ay nahuhulaan na niyang may kinalaman ang magkapatid na Favio at Zero sa biglaang pag-uwi ni Quiah.

May girlfriend na si Zero kaya hindi na ito ang nasa pagitan nina Favio at Quiah. Kinilig pa nga si Gabrielle sa love story ng mga ito na naikuwento rin ng kapatid. Sa palagay niya ay takot na ang pumipigil ngayon kay Quiah, takot na mas piliing panindigan ang tunay na damdamin kay Favio.

"Hindi alam ni Favio na tinititigan mo siya 'pag tulog?" Nagpipigil ng ngisi si Gabrielle.

Umungol si Quiah. "Siyempre, hindi! Tulog, eh." Natawa na rin ito, hinampas pa si Gabrielle nang mas lumapad ang ngisi.

"Ano naman ang na-realize mo habang nakatitig ka sa kanya?"

"Guwapo pala siya, Bri!"

Pumuno sa silid ni Gabrielle ang malakas nilang tawanan.

Si Favio na ang naging topic nila ni Quiah buong araw. Salamat sa pag-uwi ng kapatid sa farm, saglit na nakalimutan ni Gabrielle ang malalim na lungkot sa dibdib. Lungkot na iniwan ng pagkamatay ni Lola Santina.

Ngunit nang muling bumalik si Quiah sa Calle Amor ay nagbalik sa dibdib ni Gabrielle ang bigat na dating naroon. Ang pakiramdam na mag-isa na naman siya, ang pakiramdam na iniwan na talaga sila ng kanyang kinilala at minahal na lola. Sa pagtatapos ng bawat araw na mag-isa na lang sa silid ay nilalamon siya ng lungkot.

Para ibsan ang lungkot ay mas pinili ni Gabrielle na palaging matulog sa silid ni Avi. Pero magtatapos din pala agad dahil seryoso si Liam sa pagpasok sa buhay ni Avi.

ext-alig^bJ

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon