Chapter 3

21.7K 424 2
                                    


NAGPASYA si Gabrielle na lapitan na si Liam. Mag-isa sa mesa ang lalaki, nakatuon ang mga mata kay Avi na abala sa mga batang nagpapakuha ng pictures. Patapos na rin ang selebrasyon, isa-isa nang umaalis ang mga bisita. Oras na para kausapin niya si Liam. Bilang ama ay dapat lang na dumating ang lalaki, ganoon pa man ay nagpapasalamat pa rin siya sa pagtugon nito sa imbitasyon. Walang katapat na halaga ang nakita niyang saya sa mukha ni Avi. Tinupad ng pagdating ni Liam ang wish ng bata.

Tinungo ni Gabrielle ang mesang kinaroroonan ni Liam. Nakatutok ang tingin ng lalaki kay Avi kaya nagkaroon siya ng pagkakataong pagmasdan si Liam. Mas matangkad pala ang lalaki kaysa sa tinantiyang height nito base sa larawan. Malaking bulas si Liam, nasa tamang lugar ang mga muscle. Napansin niyang mas mature ang dating at mas may character ang anyo nito kaysa sa larawan. Seryoso ang dating ng lalaki, tila mahihirapan ang kahit sino na pangitiin. Sa tulad ni Gabrielle na sanay sa warmth at affection mula sa mga tao sa paligid, hindi niya gusto ang ganoong katangian ng isang tao. Magdadalawang-isip siyang lapitan si Liam dahil sa tila invisible shield na nakapalibot dito.

Naramdaman yata ni Liam ang kanyang pagmamasid. Tumuwid ng upo ang lalaki kasunod ang marahang pagbaling sa kanyang direksiyon. Nagtama ang kanilang mga mata. Hindi niya alam kung bakit nawala sa isip ang scripted na sasabihin. Nasa tapat na siya ni Liam ay naghahagilap pa rin siya ng sasabihin.

Kaswal na nakatingin ang lalaki sa kanya, base sa anyo ay tila inaasahan na ang kanyang paglapit.

Ngumiti si Gabrielle, sa maraming pagkakataon ay ngiti ang sumasagip sa kanya sa mga sitwasyong tulad nang sandaling iyon na nag-iisip pa ng sasabihin.

"She's happy." Salamat kay Avi—na nakita niyang buhay na buhay ang ngiti sa gitna ng garden—may nasabi siya kay Liam. "Thank you for coming, Liam." Nakatitig pa rin siya sa bata. "You've made Avi very happy on her birthday."

Hindi umimik si Liam. Pagbaling ni Gabrielle ay nakatingin pa rin ang lalaki kay Avi.

"May ipapakiusap sana ako." Naalala na niya ang inihandang sasabihin. "Kausapin mo siya bago ka umalis. Marami na siyang tanong tungkol sa 'yo na hindi ko magawang sagutin. Ikaw naman ang nakakaalam sa mga sagot sa tanong niya kaya ikaw na ang magsabi. Matalinong bata si Avi. Wala kaming inilihim ni Lola Santina sa kanya. Alam niya ang totoo. Alam din niya kung gaano namin siya kamahal..."

Matagal na hindi kumibo si Liam, mayamaya ay marahang tumango. Hindi alam ni Gabrielle na ganoon katahimik ang isang Liam De Nava. Hindi kababakasan ng kahit anong emosyon ang mukha at mga mata ng lalaki. Pakiramdam niya ay nakasuot ito ng makapal na maskarang nagtatago sa tunay na emosyon. Nakatuon ang mga mata ni Liam kay Avi na para bang ang bata lang ang nag-e-exist na tao sa paligid.

Sa tingin ni Gabrielle ay hindi na magsasalita pa si Liam kaya nagpasya na siyang umalis. Pakiramdam niya, katahimikan ang paraan ng lalaki ng pagtataboy sa kausap. Hindi siya handa sa ganoong katangian ni Liam. Gusto niyang dumistansiya na rin agad.

"Gabrielle?" Hindi niya inaasahan ang pagtawag ni Liam, sa wakas ay inalis na kay Avi ang buong atensiyon. Tumayo ang lalaki, tinawid ang isang hakbang na pagitan nila. Ilang segundong nakatingin lang si Liam sa kanya na para bang naghahagilap ng sasabihin. "Thank you," mababang sabi nito. "Hindi ako magaling mag-express ng emosyon ko sa mga salita, sorry. You know, I... I..." Tila naghahagilap si Liam ng susunod na salita, kapagdaka ay huminga nang malalim. "Salamat sa imbitasyon."

Tahimik na tumango si Gabrielle. "Ikaw ang ama ni Avi, Liam."

Saglit na natahimik si Liam, tila lumunok pa. "Hindi... hindi ako naging ama sa kanya—ng maraming taon."

"Maiintindihan ka niya kung ipaliliwanag mo ang side mo."

Nanahimik uli si Liam. Mayamaya ay narinig ni Gabrielle na huminga na naman nang malalim ang lalaki. Pagbaling niya ay nakatingin na ito sa kanya. "Hindi na ako babalik sa Taiwan, Gabrielle. Lagi na akong makikita ni Avi."

Umawang ang kanyang mga labi, napatitig sa mga mata ni Liam. Kukunin ba nito si Avi? Puminid ang kanyang bibig. Kahit hindi nakikita ang sarili ay alam niyang dumilim ang kanyang anyo.

"No. Hindi ko kukunin sa 'yo si Avi." Nabasa yata ni Liam ang iniisip niya.

Hindi naitago ni Gabrielle ang relieved na paghinga. "Hindi rin ako papayag na basta mo na lang siya kukunin sa 'kin, Liam. Vienn ang dalang pangalan ni Avi at wala ang pangalan mo sa birth certificate niya. Hindi ko alam ang issues n'yo ni Arianna at hindi ko na rin gustong malaman. Ang concern ko lang ay si Avi. Ako na ang tumayong ina sa kanya sa loob ng anim na taon. Hindi mo siya basta-basta makukuha."

Tahimik lang si Liam. Kung hindi lang sa malalalim na paghinga ng lalaki ay iisipin ni Gabrielle na wala na siyang kausap. "Gusto kong maging bahagi na ng buhay ng—ng anak ko, Gabrielle. Gusto ko nang maging ama kay Avi mula sa oras na ito."

Napamaang siya, nagulat. "A-ano'ng ibig mong sabihin?"

"Hindi ko siya ilalayo sa inyo. Ako ang lalapit sa anak ko, sa ayaw mo man o sa gusto mo."

Nagsalubong ang mga kilay ni Gabrielle.

"Mananatili ako sa Victoria para makasama si Avi, Gabrielle. Pupunan ko ang mga taong wala ako sa buhay niya."

Mahabang sandaling nagtama ang kanilang mga mata. Sa tantiya ni Gabrielle ay hinuhulaan din ni Liam ang kanyang iniisip.

e'>�^Ϲk<>

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawWhere stories live. Discover now