Chapter 10

18.4K 326 2
                                    


ANG dating "coffee interlude" alone ni Gabrielle ay naging "coffee interlude with Liam." Na-extend iyon kahit nang makabalik na sila ni Avi sa Victoria. Hindi rin siya makakatulog habang nasa silid pa ni Avi si Liam kaya sa garden na lang siya naghihintay ng paglabas ng lalaki. Kadalasan ay lumalamig ang kape nang hindi niya nagagalaw. Palagi niyang natatagpuan ang sariling nakatanaw sa labas na wala namang partikular na tinitingnan. Nami-miss niya ang bonding moments nila ni Avi bago matulog ang bata.

Hindi man gusto ay nasasaktan si Gabrielle na hindi na siya hinahanap ng bata nang ganoong oras. Si Liam na ang gusto nitong kasama. Hindi nagsasawa ang bata na makinig sa mga imbentong kuwento ng lalaki.

Noong isang gabi ay natukso si Gabrielle na alamin ang ginagawa ng mag-ama sa loob ng silid—inabutan niyang nagkukuwento si Liam ng fairy tale na may twisted ending. Pagkatapos ng lihim na pagmamasid sa mag-ama ay walang tunog na kinabig pasara ang pinto.

Nagtimpla siya ng kape at lumabas. Ilang minuto lang ay lumabas na rin si Liam dala ang sariling mug ng kape. Gising pa ang nag-iisa nilang kasambahay na si Ednita, na yaya rin ni Avi tuwing hindi niya naaasikaso ang bata.

Hindi na humihingi ng permiso sa kanya si Liam. Tahimik na umuupo na lang ang lalaki sa silyang kaharap ng puwesto niya at sinusundan din ng tingin ang direksiyong tinatanaw. Hindi rin nagsasalita ng kahit ano, sinasamahan lang siya. Pagkaubos ng kape ay magpapaalam na ito. Sinusundan na lang niya ng tingin ang mga hakbang ni Liam patungo sa gate—ganoon lumilipas ang mga coffee interlude niya kasama si Liam.

Nang gabing iyon ay naroon na naman si Gabrielle sa garden habang si Liam ay palabas pa lang ng main door tangan ang mug na may nakasulat na "Hi. Pick Me." Tig-iisa sila ng mug nina Lola Santina, Quiah, at Avi sa bahay sa Victoria. May limang mugs na para talaga sa mga bisita. Personalized iyon, si Gabrielle mismo ang nagpagawa. Lahat ng mugs para sa mga guest ay may nakasulat na: Hi. Pick Me. Binigyan niya ng isang mug si Liam nang unang gabing inalok ito na magkape bago umuwi.

Bumaling si Gabrielle pagkaupo ni Liam sa tapat niya. "Hi," bati niya sa magaan na tono, na kaagad pinagsisihan nang marahang ngumiti ang lalaki—ngiti na nagpasikdo nang malakas sa kanyang puso. Hindi yata siya dapat nag-"hi" na parang bagong magkakilala lang sila kung ganoong bubulabugin lang ni Liam ang nananahimik niyang puso.

"Hi," ganting-bati ni Liam. "Uubusin ko lang ang kape ko," dugtong nito at sinundan ang direksiyong tinatanaw niya. "Pauwi na rin ako. Ano'ng lagi mong tinatanaw do'n?" tukoy nito sa tinatanaw niya sa labas—na wala naman.

"Memories."

"Memories?"

"Binubuhay ko sa isip ang mga eksenang nami-miss ko ng ganitong oras," mahinang sabi ni Gabrielle at malungkot na ngumiti. "Nami-miss ko si Lola Santina. No'ng kasama pa namin siya, hindi naging empty kahit minsan ang coffee interlude ko." Huminga siya nang malalim, sumandal sa backrest ng silya bago tumingala para pigilan ang nagbabantang mga luha. "Umuwi ka na, Liam. Gusto kong mapag-isa..."

"Gusto mong mapag-isa at umiyak?" balik ni Liam na hindi inaasahan ni Gabrielle. Nahimigan yata ng lalaki ang lungkot sa kanyang tono. O baka masyado siyang transparent na nahalatang sobrang lungkot ang kanyang nararamdaman nang gabing iyon.

Napabaling si Gabrielle kay Liam. Ilang segundong nagtama ang kanilang mga mata pero binawi kaagad niya ang tingin. Hindi niya gustong maging witness ang lalaki ng isa sa kanyang miserableng gabi.

Hindi sinagot ni Gabrielle ang tanong ng lalaki. Ibinalik niya ang tingin sa direksiyon na laging tinatanaw at hindi na umimik. Ilang segundong naramdaman niya ang titig ni Liam. Mayamaya ay huminga nang malalim ang lalaki, tumayo na, at umikot sa mesa para lapitan siya. Hinila nito ang silya sa kanyang tabi at naupo. Napatingin siya sa kamay nang maingat na hawakan ni Liam. Inilapag nito sa kanyang palad ang isang panyo bago tahimik na umalis.

Hindi pa man nakakalayo ang lalaki ay nag-uunahan nang tumulo ang mga luha ni Gabrielle. Ang akala niya ay nagawa nang iiyak lahat ng bigat sa dibdib.

Hindi pa pala.

Hinayaan niya ang sariling ilabas lahat ng masamang pakiramdam sa pamamagitan ng pagluha. Sa mga unang segundo ay tahimik lang siya, hanggang sa sunod-sunod na ang tunog ng kanyang paghikbi at yumugyog na ang mga balikat.

Natigil si Gabrielle sa paghikbi nang maramdamang may mga kamay na dumantay sa mga balikat. Sabay lang ang pagbaling niya at ang pagluhod ni Liam para ilapit ang sarili sa kanya.

"Kung hindi pa magaan ang pakiramdam mo," he tapped his shoulder twice. "Dito mo na lang ituloy sa balikat ko, Gabrielle."

Hindi siya handa sa eksenang iyon. Kahit sa panaginip ay hindi naisip na magiging witness si Liam ng kanyang pag-iyak na parang wala nang bukas. Lalong hindi niya inaasahan na mag-aalok ito ng balikat. Hindi niya gustong makita ng lalaki in her weakest moments. Iyon ang dahilan kaya itinaboy niya ito kanina.

Pero hindi pala umalis si Liam...

Mabilis na tinuyo ni Gabrielle ang mukha gamit ang panyong ibinigay ng lalaki. "O-okay na ako, s-salamat." Hindi niya sinalubong ang mga mata nito. "K-kanina ka pa dapat nakaalis. Masyado nang late ang uwi mo." Nakatayo na siya, handa nang umiwas.

"Gabrielle..."

Hindi niya alam kung ano ang mayroon sa boses ni Liam at napatigil siya, nag-angat pa ng tingin. Lalong hindi niya alam kung ano ang damdaming nabasa sa mga mata ng lalaki na muling nagpabalong ng kanyang mga luha.

Hindi umimik si Liam, nakatitig lang sa kanyang mga mata. Hindi rin kumilos ang lalaki sa pagkakatayo sa kanyang harap na para bang handang tanggapin ang kahinaan niya—kung hahayaan niya ito.

Nakita na lang ni Gabrielle ang sariling tinawid ang katiting na distansiya at marahang sumubsob sa dibdib ni Liam. Noon lang niya napagtanto na matangkad pala ang lalaki kaysa sa tingin niya.

Naramdaman niya ang paghinga nito nang malalim, kasunod ang maingat na paglapat ng kamay sa kanyang likod.

Nang mga sumunod na sandali ay tahimik na siyang umiiyak sa dibdib ni Liam habang hinahagod nito ang kanyang likod. Hindi siya binitiwan hanggang sa payapa na ang kanyang pakiramdam.

"Aalis na ako, Gabrielle. Pumasok ka na sa loob," mababa ang tonong sabi ni Liam, kasunod ay ang mariing halik sa kanyang noo.

Matagal nang nakalabas ng gate si Liam ay nakapako pa rin doon ang kanyang mga mata.

Dalawang linggong hindi dumalaw si Liam. Sa tingin ni Gabrielle ay maayos na nagpaalam ang lalaki kay Avi dahil hindi naghahanap ang bata. Lagi lang tumitingin si Avi sa kalendaryo at tinatanong sa kanya ang araw. Binibilugan nito ang bawat araw na lumilipas.

Kung si Avi ay abala sa pagbabantay sa mga araw, si Gabrielle naman ay naninibago sa sarili. Hinahanap-hanap niya ang presensiya ni Liam. Maraming pagkakataon na napapatingin siya sa mga parte ng bahay na laging nakikita ang lalaki, lalo na sa silid ni Avi. Pinagalitan ni Gabrielle ang sarili. Hindi niya dapat nararamdaman iyon—at lalong ayaw niyang tanggapin sa isip na nami-miss niya si Liam.

Ayaw tanggapin ni Gabrielle pero iyon ang eksaktong nararamdaman niya.

nt:.25in;lin��^H<>

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawWhere stories live. Discover now