Chapter 11

18.4K 327 3
                                    

EIGHTEEN days. Bilang na bilang ni Gabrielle ang mga araw. Seventeen nights—tama, panglabimpito na ang hatinggabing iyon na mag-isa siya sa garden habang nagkakape. Kung dati ay si Lola Santina lamang ang nami-miss, ngayon ay nami-miss na rin niya si Liam sa kanyang coffee interlude—at hindi niya gustong aminin iyon sa sarili.

Kanina, bago lumabas si Gabrielle tangan ang kape ay ilang minutong kausap niya si Quiah. Dapat ay pipilitin niya na magkuwento ang kapatid tungkol sa "pagmamasid" nito sa tulog na si Favio. Hindi niya alam kung ano ang nangyari at siya ang napakuwento. Sa huli ay nakahalata yata si Quiah. Sa halip na siya ang manukso ay siya na ang tinutukso ni Quiah hanggang sa tinapos na lang niya ang tawag.

Napapailing si Gabrielle habang palabas. Na-miss niya ang mahabang oras na kuwentuhan nila ni Quiah tuwing umuuwi ito sa Corazon. Deretsong tumatawid ng Victoria si Quiah kapag hindi na sila nadatnan sa farm.

Napatingin si Gabrielle sa gate nang makarinig ng busina ng sasakyan. Hindi siya kumilos, maaaring sa katapat nilang bahay iyon. Wala siyang inaasahang bisita nang hatinggabing iyon. Naalala niya ang lumamig na kape. Bumalik siya sa kusina para muling magtimpla ng kape.

Nasa sala na uli si Gabrielle nang marinig ang pamilyar na buzz. May tao sa labas ng gate. Naisip niyang kapitbahay lang iyon na may kailangan. Maaaring emergency kaya kahit late ay kinakatok sila. Wala namang itinawag sa kanya ang guwardiya ng subdibisyon kaya malamang ay kakilala niya ang bisita.

Inilapag muna niya sa garden table ang mug at saka tinungo ang gate—si Liam ang kanyang napagbuksan. Si Liam na maraming bitbit—plastic bags, balloons, at yakap ang kahon ng malaking manyika sa isang braso habang sa isa pa ay malaking pink stuffed toy.

Hindi ngumiti ang lalaki nang magtama ang kanilang mga mata. Tinitigan lang siya na para bang tinatantiya ang kanyang mood. "Sobrang late na ba ang dating ko? Nasa garden ka pa o nakakaistorbo na ako?"

Ngumiti si Gabrielle. "Nasa garden pa." Hindi niya napigilang titigan ang buong mukha ni Liam. Kung hindi lang napigilan agad ang sarili ay baka nayakap niya ang lalaki. Hindi niya alam kung saan galing ang pakiramdam na iyon.

"Lumamig na naman ang kape mo?" Ngumiti na rin si Liam.

Pakiramdam ni Gabrielle ay nagliwanag ang paligid dala ng ngiti ng lalaki.

"Lagi naman, eh. Tulog na si Avi, Liam."

"Hindi ko na siya gigisingin," sabi nito, nakatingin pa rin sa kanyang mukha. "Bukas na lang kami magba-bonding. Okay lang bang makitulog?"

"Oo naman. Ama ka ni Avi, hindi ka na iba sa amin. Handa naman lagi ang guest room para sa bisita."

"Thank you, Gabrielle."

"Pumasok ka na." Pinilit niyang maging kaswal ang ngiti, hindi gustong makahalata si Liam na natutuwa siya sa pagdating nito. "Kailangan mo ng tulong?" Hinagod niya ng tingin ang kabuuan ng lalaki.

"Yes, please." Nakangiting iniabot ni Liam ang manyika at stuffed toy.

"Kumain ka na ba?"

"Hindi pa nga. May leftover pa ba? Galing pa akong Manila."

"Marami. Iinitin ko para makakain ka."

Lumingon si Liam sa garden set. "Lalamig na naman ang kape mo, Gabrielle."

"Wala nang bago do'n. 'Pasok ka na." Magkasunod na silang pumasok sa bahay. "Ipasok mo na sa silid ni Avi ang mga pasalubong. Ihahanda ko lang ang dinner mo."

Tumango si Liam. Naghiwalay na sila—si Gabrielle ay nagtungo sa kusina habang si Liam naman ay umakyat na sa silid ni Avi.

Naglalapag na ng pagkain si Gabrielle sa mesa nang bumalik ang lalaki. Tinapos lang niya ang paghahanda.

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon