Chapter 17

16.8K 299 0
                                    


ANG ikalawa at ikatlong araw ng special project ni Avi kay Liam ay nasa labas silang tatlo. Napansin ni Gabrielle na inuulit lang ni Liam ang mga lugar kung saan niya nakunan ang mag-ama ng pinakamagagandang litrato—sa bahay, sa kotse, sa park, sa mall, sa mismong school. Isa lang ang bago, sa farm, na gagawin nila sa weekend.

Wala siyang ideya kung ano ang gagawin ni Liam sa mga litrato. Siguro, tulad niya, itatago rin ng lalaki at babalik-balikan kapag lumipas na ang edad ni Avi sa kasalukuyan. Dapat lang naman na marami silang souvenirs sa kanilang masasayang eksena.

Nasa park sila ng Victoria. Pagkatapos ng klase ni Avi ay kumain sila ng lunch sa paborito nitong fast-food restaurant. May mga shots din na kuha si Liam sa fast food. Si Gabrielle ang nag-drive papunta sa park habang abala naman si Liam na kinukunan sila ng litrato sa loob ng kotse hanggang naidlip na si Avi.

Hindi nila ginising si Avi nang nasa park na sila. Mula sa passenger seat ay inilipat ni Liam sa backseat ang bata at inayos ang pagkakahiga. Binuksan ng lalaki ang mga bintana at ang pinto sa backseat.

Naupo sila sa damuhan, isang metro lang ang layo mula sa sasakyan. Nakikita nila si Avi na panatag ang tulog. Hawak pa rin ni Liam ang camera habang nagkukuwentuhan sila. Nakikipag-usap ang lalaki sa pagitan ng flashes ng camera—ginawa siyang subject ng mga close-up shots!

"Itigil mo na nga 'yan," saway niya, pilit umiiwas kay Liam ngunit sa halip na magpapigil ay lalong nagsunod-sunod ang flash ng camera. Natawa na lang siya. Pati ang kanyang pagtawa ay ilang beses nitong kinunan ng shots!

"Liam!"

Humalakhak ito. Nag-flash uli ang camera. Sa hula ni Gabrielle ay nakunan siya ng lalaki nang nakanganga. Mabilis nitong inilayo ang camera nang akmang aagawin niya.

"Hindi mo pa puwedeng makita. Tatapusin muna namin ni Avi ang project," ngiting-ngiting sabi ni Liam.

"Siguruhin mong okay ang mga kuha mo sa akin," nakaangat ang isang kilay na sabi niya. "Mawawalan ka ng puwesto sa bahay!"

Tumawa si Liam, tawang unti-unting nawalan ng tunog nang magtama ang kanilang mga mata. Pakiramdam ni Gabrielle ay biglang naging sobrang tahimik. Naramdaman niyang papalakas ang pintig ng kanyang puso habang nakatitig sa mga mata ni Liam.

Biglang nagbawi ng tingin ang lalaki—naputol ang spell sa pagitan nila. Tumayo ito at naglakad ng ilang hakbang, sinipat ang camera.

Tumayo na rin siya para bumalik sa kotse.

"Samahan mo na si Avi sa backseat," narinig niyang sabi ni Liam, nasa likod na niya. Inunahan na siya sa pagbubukas ng pinto ng kotse. Inilapag nito sa passenger seat ang camera bago lumigid sa kabilang pinto ng backseat para ipagbukas siya.

Sa buong biyahe nila ay hindi na sila nag-imikan. Hindi alam ni Gabrielle kung ano ang nangyari at wala na sa kanila ang gustong magsalita. Nahuli niya ang ilang beses na pagbawi ni Liam ng tingin tuwing nahuhuli ang mga mata nito sa rearview mirror.

Naging abala ang kanyang isip na hindi napansing inabot na sila ng dilim sa daan dahil sa ilang beses na pag-ikot ni Liam sa kung saan-saang kalye sa halip na dumeretso sa tamang daan pauwi.

Umalis si Liam nang hatinggabi pagkatapos na mabilis na nagpaalam sa kanya na kailangan nitong umuwi sa apartment.

Tumango lang si Gabrielle. "'Ingat ka, Liam. Sobrang late na."

Huminto ang binata sa paghakbang. Kumabog na naman ang kanyang dibdib. Nilingon siya nito. "Babalik ako, Gabrielle."

"Kahit huwag na." Naisip niyang magbiro na lang para patayin ang kung ano mang nagpapakabog sa kanyang dibdib.

Nagsalubong ang mga kilay ni Liam. Nagtama ang kanilang mga mata. Hindi napigilan ni Gabrielle ang mapangiti.

"Hindi mo dapat ginagawa 'yan, Gabrielle."

"Biro lang. Sige na, umalis ka na." Mas lumuwang ang kanyang ngiti. Bakit ba gustong-gusto niya ang mga ganoong sandali sa pagitan nila?

"Hindi ko na gustong umalis."

"Ready naman ang guest room—"

Yakap na siya ni Liam bago pa man nagkatunog ang kanyang pagsinghap. Saglit lang ang kanyang pagkagulat. Natagpuan niya ang sariling tinutugon ang yakap nito.

Mas humigpit ang yakap sa kanya ni Liam.

Naramdaman ni Gabrielle ang paghinga nito nang malalim.

"Ayoko na talagang umalis."

"Sa guest room ka na nga lang," Gustong-gusto niya ang pakiramdam sa loob ng yakap ni Liam. Kakaibang saya ang kanyang nararamdaman.

Hindi nagsalita si Liam pero dinampian ng halik ang sulok ng kanyang bibig. Naudlot ang kanyang paghinga, wala sa loob na napapikit. Ilang segundong pareho silang hindi kumilos. Pagdilat niya ay titig na titig ito sa kanya na para bang hinihintay siyang kumilos.

Kumilos si Gabrielle nang hindi na nag-isip pa—muling pumikit at ibinaling ang kanyang mukha.

Naglapat ang kanilang mga labi.

Tila huminto ang pag-ikot ng kanyang mundo.

HINDI makatulog si Gabrielle. Halos umaga na ay gising na gising pa rin ang kanyang diwa, pabalik-balik sa isip ang huling eksena sa pagitan nila ni Liam bago ito umalis.

Umalis pa rin si Liam pagkatapos nang ilang sandaling iyon na parang walang katapusan...

Kasabay ng paghigpit ng yakap ni Liam ay naramdaman niya ang maingat na haplos ng mga labi nito sa kanyang mga labi. Saglit na dumistansiya ang lalaki, inulit ang masuyong halik na para bang ipinapakilala sa kanya ang pakiramdam. Nagpaubaya pa rin si Gabrielle. Nagpatuloy si Liam, paulit-ulit ang dampi ng halik sa kanyang mga labi, para bang sinasanay siya.

Nakahilig na siya sa katawan nito, nanghihina ang mga tuhod nang lumipat ang mga labi ni Liam sa kanyang noo sa isang mariing halik. "Aalis na ako," anas nito at maingat siyang binitiwan.

Natulala siya ng mahabang sandali.

Ngayon ay heto si Gabrielle, parang tanga na gising na gising. Hindi niya alam kung paano hihilahin ang sarili sa pagtulog. Paano nga ba naman siya makakatulog kung mabilis ang pintig ng kanyang puso?

Ano na ba ang nangyayari sa kanya at parang hindi na niya makontrol ang mga nangyayari? Pati ang mga nararamdaman niya. Pakiramdam niya ay alipin na siya ng isang malakas na puwersa na hindi magawang labanan. Hindi rin niya gustong labanan dahil gusto niya ang mga nararamdaman.

Ngunit tama ba? Wala silang pormal na usapan ni Liam. Wala silang relasyon.

Isinubsob ni Gabrielle ang mukha sa unan. Ano nga ba ang itatawag sa nangyayari sa pagitan nila ni Liam?

Inuntog niya nang paulit-ulit ang noo sa unan. Inumaga na siya na litong-lito at hindi alam ang dapat gawin. Nakatulugan na niya ang magulong pag-iisip.

Kinabukasan, alas-nuwebe na ng umaga nagising si Gabrielle. Wala na si Avi. Isang note lang sa ilalim ng single red rose ang dinatnan niya sa ibabaw ng mesa.

Hey, beautiful! Avi kissed you good morning. We're on our way to school. Liam

Ngiting-ngiti siya habang inaamoy-amoy ang rosas.

Bandang alas-diyes y medya nang dumating si Liam, bitbit ang takeout lunch. Tila huminto na naman ang kanyang paghinga nang magtama ang kanilang mga mata—nasa sala si Liam at nasa kusina naman siya para maghanda ng lunch.

Nang magtama ang kanilang mga mata, lahat ng tungkol sa lunch ay nawala sa kanyang isip.

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon