18th Task

2.1K 82 3
                                    

"I SINCERELY hope for Solar and Ashen's happy ending..."

Naaalala ni Unica na ang mga salitang 'yon ang huling linya sa update na pinost niya sa account niya. Maganda ang pakiramdam niya kaya umasa siyang magiging masaya rin ang best friend niya.

Pero nang makita niyang naghahalikan sina Ashen at Milette sa harap ni Solar, nadurog ang puso niya. Tiningnan niya ang best friend niya at gaya ng inaasahan niya, gumuhit ang matinding sakit sa mukha nito. Tahimik at mabilis din ang naging pagpatak ng mga luha nito pero ang nakakainis, hindi pa rin nito inaalis ang mga mata kay Ashen. O baka hindi lang talaga nito maalis ang tingin sa lalaki.

Solar... she's having a break down!

Binitawan ni Unica ang kamay ni Prime, saka siya mabilis tumakbo palapit kay Solar. Sakto naman na paglapit niya sa best friend niya, parang wala sa sariling tumayo ito. Akmang i-ko-comfort niya ito, pero parang bigla itong natauhan kaya tumakbo papasok ng rest house.

Gusto sana niyang sundan si Solar, pero nang makita niyang tumayo sina Ashen at Milette na parang walang nangyari, biglang bumangon ang galit sa dibdib niya.

"Ano, Ashen?" galit na tanong dito ni Unica, nakakuyom ang mga kamay. "Masaya ka na ba na nasaktan mo na si Solar?"

Ramdam niya ang tensiyon nang sabay-sabay tumingin sa kanya sina Rush, Dash, Maxine, at Mandie na nakatayo sa likuran nina Ashen at Milette na tumingin din sa kanya, pero parehong blangko ang mukha ng dalawa. At 'yon ang mas lalo niyang ikinagalit.

"Unica," marahang sabi naman ni Prime na nasa likuran niya. Hinawakan pa siya nito sa balikat. "Calm down, okay?"

Hindi kayang kumalma ni Unica kaya ginalaw niya ang balikat niya para alisin ang kamay ni Prime nang hindi ito nililingon. Nanatiling na kay Ashen lang ang matalim niyang tingin. "Alam kong nasaktan ka talaga dahil sa ginawa ni Solar noon. Alam kong deserved din niya ang cold treatment mula sa'yo. Pero hindi pa ba sapat na tratuhin siya na parang hindi siya nag-e-exist at kailangan mo pang ipamukha sa kanya na may ibang babae ka na sa ganitong paraan? Kung hindi mo na siya mahal, sana sinabi mo na lang. Hindi naman niya ipagsisiksikan ang sarili niya sa'yo, eh." Nangilid na ang mga luha niya sa sobrang galit. Hindi niya makalimutan ang sakit na nakita niya sa mga mata ni Solar. "I've never seen Solar this remorseful, not until now. She sincerely wanted to ask for your forgiveness, Ashen. 'Yon lang naman ang gusto niya. Pumayag siyang sumama sa trip na 'to kahit alam niyang hindi mo siya tatratuhin ng maayos. Nagtiis siya kasi alam naman niyang deserved niya 'to pagkatapos ng pananakit niya sa'yo. She knows that more than anyone of us does, that's why she's working really hard to make it up to you. Sobrang galit din naman siya sa sarili niya dahil sa ginawa niya sa'yo noon, eh. Kaya nga hindi siya matahimik hangga't hindi mo siya napapatawad ng maluwag sa kalooban mo. Gaano ba kahirap ang pakinggan ang mga sasabihin niya nang hindi siya sinasaktan?" Tuluyan na siyang naiyak kaya nabasag na ang boses niya. Naiinis na pinunasan niya ng mga kamay ang mga luha sa magkabila niyang pisngi. "Nakaganti ka na kay Solar. Ngayong quits na kayo, sana naman kuntento ka na."

Nang wala siyang makuhang sagot o makitang pagbabago man lang sa blangkong mukha ni Ashen, tinalikuran na niya ito at mabilis siyang naglakad papunta sa rest house.

"Unica, wait!" sigaw naman ni Prime sa likuran niya. Nang hindi siya huminto sa paglalakad, inunahan siya ng lalaki at humarang sa harap niya dahilan para matigilan din siya. Kitang-kita niya sa mukha nito ang matinding pakikiusap. "Let's talk first."

"Not now, Prime," mariing sagot naman ni Unica sa basag na boses. "Buong araw kong pinalagpas ang pam-bu-bully niyo kay Solar kasi nakikita kong masaya pa rin siya sa pagsunud-sunod sa Ashen na 'yan. Pero ngayong nasaktan na ang best friend ko, hindi na ko mananahimik. Kaya umalis ka sa harap ko."

Halatang nabigla si Prime sa mga sinabi niya. "Galit ka rin ba sa'kin?"

"Galit ako sa inyong lahat!" hindi mapigilang paghihinanakit ni Unica. "Siguradong alam niyo ang planong 'to ni Ashen pero hinayaan niyo siyang manakit ng iba para lang makaganti."

"Paano mo naman nasabing alam namin 'to?" hindi makapaniwalang tanong ni Prime. Nang hindi siya sumagot, nagpatuloy ito. "Dahil ba may nabasa kang libro na ganito rin ang nangyari? Na pinagplanuhan ng barkada ng "hero" na gantihan ang "heroine" by hurting her feelings on purpose? Kinukulong mo na naman ba kami sa isa sa mga "trope" mo?" Tinapik nito ang dibdib. "Eh ako? Iniisip mo ba talaga na susuportahan ko ang planong 'to ni Ashen para saktan si Solar nang harapan?"

Hindi makasagot si Unica. Alam naman niyang hindi magagawa 'yon ni Prime. Nasabi lang naman niya 'yon dala ng galit. Pero ayaw niyang bawiin dahil kung gagawin niya 'yon ngayong kailangan ni Solar ng kakampi, para na rin siyang nag-traidor sa best friend niya. Kaya nagmatigas siya.

Ngumisi ng mapait si Prime. Nakita rin niya ang paghihinanakit sa mga mata nito. "Hindi na talaga ako magiging disente sa paningin mo 'no? You've stereotyped me as a douche way too hard, babe."

Hindi na sumagot si Unica para hindi na lumala ang namumuong away nila ni Prime ngayon. "Let's go back to our original roles, Prime. Ikaw ang bad boy best friend ni Ashen na i-to-tolerate ang lahat ng gagawin ng kaibigan mo. At ako naman ang judgmental best friend ni Solar na aawayin ang kahit sino para lang protektahan siya. That's how the sequel must carry on anyway."

Kitang-kita pa rin ang matinding hinanakit sa mukha ni Prime nang walang imik itong tumabi para padaanin siya.

Nilagpasan ni Unica si Prime nang hindi ito nililingon. Masakit para sa kanya ang mga sinabi niya sa binata, pero sa sitwasyong 'yon, mas nangingibabaw ang pag-aalala niya para kay Solar. Kailangan siya ng best friend niya at 'yon ang mas dapat niyang intindihin kaysa sa sarili niyang damdamin.

Sina Solar at Ashen ang bida sa kuwentong 'yon. Naging malapit lang naman sila ni Prime sa isa't isa para pagbatiin ang kanya-kanya nilang mga best friend.

Walang puwedeng mabuong 'second couple' dito.

Parang namanhid ang buong katawan niya dahil sa desisyong ginawa niya. Kaya para tuloy siyang robot habang umaakyat sa hagdan papuntang second floor. Natauhan lang siya at nawala kay Prime ang isipan nang makitang nag-e-empake na ng mga damit si Solar habang nakasalmpak sa sahig at umiiyak. Nakapagbihis na rin ito at ngayon ay nakasuot na ng white V-necked shirt, ripped jeans, at sneakers.

Alam na niya kung ano ang gustong mangyari ng best friend niya kaya tahimik kinuha niya ang bag niya at dinala 'yon sa banyo. Nagbihis na rin siya. 'Twinning' sila ni Solar para sa trip na 'yon kaya gaya nito, ang suot niya ay black V-necked shirt, ripped jeans, at sneakers din.

Paglabas niya ng banyo, nakatayo na si Solar at nakasukbit ang bag sa mga balikat. Namumula at namamaga pa rin ang mga mata nito pero tuyo na ang mga luha. Ngumiti ito sa kanya ng malungkot. "I want to go home, Unica."

Muntik nang umiyak si Unica pero pinigilan niya ang sarili dahil ayaw niyang panghinaan ng loob si Solar. Kaya lumapit na lang siya rito at niyakap ito habang marahang tinatapik-tapik ang likod. "Solar, you did great today."

Second Couple DutiesOnde as histórias ganham vida. Descobre agora