Kasabay ng pag-iisip ko ang pagdating naman sa isipan ko na malapit nang matapos ang pagiging nurse ko kay Arvin. Nakadama ako ng lungkot. Nagpaalam muna ako kay Manang Pitring na magpapahangin lang ako at babalik din ako kaagad.

Nakarating ako sa batong tulay, may malawak na lawa at maraming mga bulaklak na nakadisenyo sa paligid. Kakaunti lang ang taong nakikita kong dumadaan, bagay na bagay para makapag-isip ako. Inalala ko ang unang araw ko bilang nurse ni Arvin, sa pagiging miserable ng buhay ko bilang nurse niya, hanggang sa iniligtas niya ‘ko sa lasinggero na muntikan na akong gahasain. Naalala ko rin ang unang beses na lumabas kaming magkasama at nagpunta kami sa mall, sumakay sa mga rides at kumain sa mga food stalls. Hindi ko maiwasang mapangiti.

Naging magkasundo kami sa maraming bagay, naging malapit sa isa’t isa na parang matalik na magkaybigan. Sa kakaunting panahon kong pagiging parte ng buhay niya, at siya sa na naging parte na ng buhay ko, maraming alaala ang hindi ko malilimutan sa pagitan namin.

Pinutol ko na ang pag-iisip at naisipan nang bumalik. Nang makabalik na ako, nadatnan ko ang babaeng nakatayo, nakatalikod at kausap si Manang Pitring. Base sa suot niyang damit, mukha siyang mayaman. May bitbit din siyang shoulder bag sa kanang kamay niya. Hindi ko na siya nakita dahil pumasok siya sa isang silid. Naiwan si Manang Pitring na tahimik, nakatango at parang batang pinagalitan.

Lumakas ang pintig ng dibdib ko. Hindi kaya iyon ang mama ni Arvin?

Lumapit ako kay Manang Pitring at inalalayan siyang makaupo. “Manang, ayos lang ba kayo?” tanong ko sa kanya. “Siya ba ang mama ni Arvin?”

Tumango si Manang Pitring. “Siya si Criselda.”

“A-Ano pong sinabi niya?” Hindi ko inaasahang lalabas ang tanong na ‘yun sa bibig ko.

Bakas ang lungkot sa mukha ni Manang Pitring, na parang ayaw niyang buksan ang bibig para magsalita. Nanatili akong nakatingin sa kanya, sa huli nagsalita rin siya. “Dadalhin si Arvin sa ibang bansa, para sa operasyon niya.”

Parang nabasag ang mundo ko nang marinig ko ang sinabi ni Manang Pitring. Natulala ako, hindi ko maipaliwanag ang biglaang pagkablanko sa sarili ko. Pinilit kong patatagin ang loob ko.

Magkakalayo kami ni Arvin.

Sa isiping iyon, para akong nanghina. Gusto kong manatili sa tabi niya, gusto kong sumama sa operasyon niya at iparamdam sa kanyang hindi ako aalis sa tabi niya at tutuparin ko ang pangako kong hindi ako aalis. Sasamahan ko siya. Gusto kong malaman ang magiging resulta ng operasyon niya, gusto ko pa siyang makasama nang matagal.

Dumaan ang ilang minuto at nagbukas ang pintuan ng silid ni Arvin. Lumabas doon ang isang babaeng pormal ang suot, maayos ang tindig, matangkad at may pagkakahawig kay Arvin. Noon ko lang napagtanto, siya ang mama ni Arvin, ang kausap ni Manang Pitring kanina.

Humugot siya ng paghinga bago maglakad palapit sa amin ni Manang Pitring. Sabay kaming tumayo ni Manang Pitring sa pagkakaupo.

Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa bago nagsalita. “Ikaw ‘yung babaeng sinasabi ni Arvin?” pamungad niya sa ‘kin. Nagulat naman ako sa sinabi niya. Babae ni Arvin? “Let’s talk.” Pagkatapos niyang tanggalin sa akin ang tingin, nauna na siyang maglakad.

Bumaling muna ako kay Manang Pitring at tumango siya sa ‘kin. Sinundan ko ang mama ni Arvin, nakarating kami sa labas ng ospital. Umupo siya sa isang upuan, ni hindi nag-abalang sabihing umupo ako sa bakanteng upuan.

Nanatili akong nakatayo lang, ilang sentimetro lang ang layo sa kanya. Nang tingnan niya ako sa matatalim niyang tingin, alam kong inuutusan niya akong umupo sa katapat na upuan niya. Nanginginig ang mga tuhod ko nang umupo.

“Ilang buwan ka na?” tanong niya.

“Tatlong buwan na po akong nurse ni Arvin,” sagot ko naman sa kanya.

Tinapunan niya ako ng matatalim na tingin, para akong tinutusok sa mga tingin niya. “3 months? Ang alam ko, isang linggo lang ang itinatagal ng mga nurses ni Arvin.” Humalukipkip siya at tinitigan ako, sa mahabang sandali bago muling nagsalita. “Ano namang meron ka? Ano’ng nakita sa ‘yo ng anak ko?” Sa bawat salitang binitiwan niya, may diin. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya.

“Nakita po sa ‘kin ni Arvin?” nagtatakang tanong ko.

Umiling siya, mukhang hindi nagustuhan ang sinabi ko. “Mukhang hindi mo pa alam. Mas mabuti na ‘yon,” sabi pa niya. “Ano’ng trabaho ng mga magulang mo?” Mas nakapagtataka ang tanong niyang iyon. Bakit kailangan pa niyang alamin?

Wala na akong ibang pagpipilian kundi sagutin ang tanong niya. “May maliit kaming tindahan, ang mama ko ang nagtitinda doon. Ang papa ko naman, isang mangingisda sa bayan na—“ Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang putulin niya ‘ko.

“Hush! Stop.” Napapikit siya na parang nandidiri habang ang mga kamay ay nakasenyas na tumigil na ako. “This is the end of your contract bilang nurse ng anak ko.” Tinaas niya ang bag niya at nilabas ang sobre doon. Nilagay niya iyon sa mesa at itinulak palapit sa ‘kin. “Take it.”

Napalunok ako ng laway. Ano ba itong nangyayari? Naguguluhan ako. Nabibilisan ako sa mga nangyayari. Hindi ko na maintindihan ang takbo ng segundo.

Gaya ng sinabi niya, kinuha ko ang sobre. “P-Para saan po ito?”

“I presume, sinabi na sa ‘yo ni Manang Pitring na aalis kami ni Arvin papunta sa America. Doon magaganap ang operasyon niya. At ikaw, siguro alam mo naman na kung saan mo ilulugar ang sarili mo bilang ex-nurse ng anak ko.”

Pakiramdam ko, wala akong karapatang magtanong ng ‘bakit?’. Nanatili lang akong tahimik.

“4 month salary, kasama na ang pamasahe mo pauwi sa inyo at dinagdagan ko narin ‘yan. Leave this day.” Tumayo na siya sa pagkakaupo, pagkatapos ay naglakad palayo. Leave this day? Bago pa man ako makatayo, napansin kong lumingon siya sa direksyon ko. “I don’t want to see your face, at our house or at any place. ‘Wag na ‘wag ka nang magpapakita kay Arvin. Pinaayos ko na ang mga gamit mo sa bahay, siguradong pagdating mo roon handa na ang mga gamit mo. Leave quietly.”

May nagawa ba akong mali? Bakit ganyan siya kung makapagsalita? Bakit ayaw na niyang makita ko pa si Arvin? Bakit pinapaalis na niya ako? Aalis ako na hindi ko man lang nakikita si Arvin? Hanggang dito nalang ba?

Napakaraming bakit, ngunit hindi ko masagot iyon. Naguguluhan ako. Blanko na ang isip ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko.

****

Malakas ang ulan, parang walang balak na tumigil sa pagbuhos. Inilagay ko na sa loob ng taxi ang maleta ko bago pumasok sa loob. Sinulyapan ko ang bahay kung saan ako nanatili ng halos apat na buwan. Sa sandaling panahon man, maraming ala-ala akong iiwan. Ngunit alam kong hindi lang ala-ala ang iiwan ko, isang pangako sa taong napalapit na sa puso ko.

Hindi ko na matutupad ang pangako ko sa kanya.

Hindi mo man lang nasabing mahal mo siya. May pagsisisi sa sarili ko. Hindi ko dapat na isipin ‘yon. Hindi dapat na malaman ni Arvin ang nararamdaman ko para sa kanya. Hanggang dito na lang siguro ang lahat. Kailangan ko nang putulin ang koneksyon sa pagitan namin… pati ang nararamdaman ko.

Umandar na ang taxi na sinasakyan ko at unti-unting naglaho sa matinding buhos ng ulan ang bahay na puno ng alaala sa puso ko.

“Paalam,” ang tangi kong nasambit kasabay ng pagbagsak ng aking mga luha.

Ang hindi magawang makapagpaalam kay Arvin sa huling pagkakataon ang pagsisising dadalhin ko at alam kong mananatili iyon sa akin sa loob ng mahabang panahon. Panahon ang makapagbubura ng pagsisising iyon.

---

Hmmmm... Ano'ng masasabi niyo? The End na ba? O gusto niyong may kasunod pa? Please leave your vote and feedback/comment after reading! Thank you readers :*

THERE YOU'LL BE (KathNiel Fanfic) | FINISHEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon