[3]

255 15 20
                                    

There You’ll Be

-Ian Joseph Barcelon

Chapter Three

Ala sais na ng umaga nang magising ako. Kaagad akong nagtungo sa banyo upang maghilamos at magmumog. Nagbihis na kaagad ako ng uniporme na ibinigay sa akin ni Manang Pitring kahapon at nagsuklay. Lumabas ako ng kwarto at nagpunta sa silid ni Arvin.

Hindi nakasarado ang pinto kaya hindi na ako kumatok pa. Dahan-dahan akong pumasok sa loob at nakita ang mahimbing na natutulog na si Arvin. Mukha siyang anghel habang natutulog. Ngayon ko lang mas napagmasdan ang mukha niya. Wala siyang damit pang-itaas at nakabalot ng kumot ang beywang niya pababa. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa katawan ko kung bakit ko siya tinitingnan.

Sakto lang ang kulay ng balat niya, matangos ang ilong niya at maganda rin ang hugis ng labi niya. Napunta ang tingin ko sa likod niya, ang ganda rin ng likod niya. Nang gumalaw siya, saka ko lang napansin ang sarili kong nakatayo at tinitingnan siya. Paano kung mahuli niya ako? Mabilis akong lumayo at naglakad palabas ng kuwarto. Dahan-dahan ko ring isinara iyon at huminga nang malalim.

Baka kung ano pa ang sabihin ng halimaw na ‘yon kung mahuli niya ako. Ugali pa naman no’n. Bumalik sa isipan ko kung gaano siya kaamo kanina, ‘yung hitsura niya. Sana gan’on na lang din siya kapag gising. Hindi ko na namalayang ang tagal ko na palang nakatayo sa pintuan niya kaya’t nang may magbukas noon, napatumba ako sa sahig.

Aray!

“Ano namang ginagawa mo d’yan?”

Nagtaas ako ng tingin. Nakita ko si Arvin kaya mabilis akong tumayo at umaktong normal.

“W—Wala!” Hindi ko alam ang isasagot ko. Pakiramdam ko tuloy nag-init ang mga pisngi ko kaya hindi ko siya matitigan nang maayos.

Nakita kong umiling siya at parang naiirita sa presensya ko kaya lumayo ako sa kanya.

“Umalis ka nga d’yan. Ang aga-aga nakikita agad kita.” Iniwas niya ang tingin sa akin at tumalikod. Naglakad na siya pababa ng hagdan. Hinambaan ko siya ng suntok habang nakatalikod kahit malayo ako.

Bwisit! Akala mo kung sino!

Hindi ko alam kung ano ‘yung naiisip ko pero ang gwapo talaga ng likod niya. Wala parin siyang damit pang-itaas at tanging maikling shorts lang ang suot niya. Naalis sa isipan ko iyon nang bumalik sa aking isipan ang sinabi niya. Umalis ka nga d’yan. Ang aga-aga nakikita agad kita.

Ano namang akala niya? Ginusto ko ring makita ang mukha niya pati ang ugali niya nang ganito kaaga? Pero tama siya, nagpunta nga ako sa kuwarto niya para… Iniling ko ang aking ulo sa isiping iyon.

Nagpunta na ako sa silid ng mga gamot niya at inihanda na ang mga gamot niya. Lumabas ako na dala ang tray at bumaba papunta sa kitchen. Nakita ko si Manang Pitring na naghahain at ang halimaw na kulugo naman ay nakaupo na sa mesa.

“Magandang umaga, Julie,” bati sa akin ni Manang Pitring nang makita niya ako.

Tumango ako sa kanya at inilapag sa mesa ang tray. “Magandang umaga rin po,” bati ko rin sa kanya. Hindi ko makayang batiin si Arvin pero dahil pasyente ko siya, napilitan na lang din ako. “Magandang umaga, Sir Arvin.”

Pumuwesto na ako sa kabilang parte ng mesa upang umupo. Tiningnan ko si Manang Pitring kung paano niyang hinahainan si Arvin. Gusto ko sanang tumayo at tanungin si Arvin kung wala ba siyang kamay para maghain ng sarili niya? Pero pinigilan ko nalang ang sarili ko. Naisip ko rin, na bilang personal nurse niya, dapat ako ang gumagawa noon.

“Ako na ang maglalagay ng gatas Manang Pitring,” pigil ko kay Manang nang hawakan niya ang acrylic pitsel na may timpladong gatas na sa loob. Kinuha ko ang baso ni Arvin at nilagyan iyon ng gatas. Bumalik ako sa pagkakaupo at pinagmasdan siyang kumain.

Hindi man lang siya bumati sa akin, hindi man lang siya nagsalita simula nang bumaba siya rito at ang tanging pokus niya lang ay pagkain ng agahan. Ganito ba siya araw-araw? Pinanood ko kung paano niyang gamitin ang kutsara at tinidor, kung paano siya uminom sa baso. Mayamang bata talaga siya.

Napansin kong tumigil siya at tumingin sa akin.

Natandaan ko ‘yung ginawa niya kahapon, binuhusan niya ako ng tubig at dinurog niya ang gamot. Inirapan ko siya at naglagay narin ng pagkain sa plato ko. Hindi ko na siya tiningnan hanggang sa matapos siyang kumain. Nauna siyang tumayo sa mesa. Aalis na sana siya ng kusina nang mapansin kong hindi pa niya iniinom ang gamot sa tray.

“Arvin!” sigaw ko. Napatingin sa akin si Manang Pitring at lumingon naman si Arvin na paakyat na sana ng hagdan. Iniwas ko muna ang tingin ko kay Manang at tinapunan ng tingin si Arvin. Tumayo narin ako sa pagkakaupo at sinundan siya. “—‘Yung mga gamot mo po, hindi mo pa naiinom, Sir Arvin.” Kinuha ko ang tray at iniabot sa kanya.

Bumaba siya sa ikatlong hagdan at kinuha ang tableta pati ang baso saka muling bumalik sa paglalakad paakyat. Tinawag ko ulit siya, “Sir Arvin dito mo na inumin ‘yan para masigurado kong iinumin niyo ang gamot ninyo.”

Tumigil siya at lumingon sa akin. Halatadong iritado na naman ‘yung mga tingin niya. Padabog siyang naglakad pababa at tinapatan ang tayo ko. Hindi man lang niya inalis ang mga tingin niya. Inakala kong bibitawan at dudurugin niya ulit ang gamot, pero pinasok niya ‘yon sa bibig at ininom ang tubig.

“Masaya ka na?” parang batang tanong niya.

Pinigilan ko ang sarili kong mainis at kinuha sa kamay niya ang baso. Tinaasan ko siya ng kilay at tinalikuran. Nakita kong nakangiti sa akin si Manang Pitring habang nakaupo sa mesa. Nagtaka ako kung para saan ang ngiting ‘yon. Bumalik ako sa pagkakaupo sa mesa at kinain ang natitira pang pagkain sa plato ko.

“Alam mo, Julie, hija, kakaiba ka,” wika ni Manang Pitring. Nagtaka nama ako sa sinabi niya.

Naituro ko ang sarili ko. “P—Po? Ako po?”

Nakangiti siyang binigyan ako ng tango. “Sa lahat ng nurse na dumaan, ikaw palang ang nakapagpainom sa tamang oras kay Arvin,” pagsisimula ni Manang. “—Kagabi, ‘pagpasok ko, nakita kong wala nang lamang tableta ang tray. At ngayong umaga, uminom ulit siya ng gamot sa tamang oras nang hindi nagmamatigas. Matigas ang ulo ni Arvin lalo na sa mga nakaraang nurse niya, palaging mainit ang ulo niya at kailangan pa siyang turukan nang pampatulog para mapainom lang ng gamot,” pagsasalaysay ni manang.

Naisip kong ganoon pala talaga siya katigas. Paano ko kaya siya nagawang pasunurin sa pag-inom ng gamot? Ininom niya pala ang gamot kahapon. Itinago ko lang ang saya kong naramdaman.

“Kaya salamat, Julie.”

Ngumiti ako kay Manang Pitring. “Walang anuman po,” sabi ko sa kanya. “—Puwede bang kuwentuhan niyo pa ako tungkol kay Arvin?”

Hindi ko alam kung bakit ko nasabi iyon, pero may parte sa sarili kong gusto ko siyang makilala.

***

Hi! Hello! Please leave a feedback after reading! And vote will also help the story. Thanks you guys! :)

THERE YOU'LL BE (KathNiel Fanfic) | FINISHEDWhere stories live. Discover now