[2]

255 15 13
                                    

There You’ll Be

-Ian Joseph Barcelon

Chapter Two

Ibinigay sa akin ni Manang Pitring ang oras para ayusin ang kuwarto ko. Ang nakita kong dalawang balkunahe sa itaas kanina, kay Arvin pala ang isa. Katabi ko lang siya ng kuwarto at talagang pinasadya ni Manang Pitring na sa katabing kuwarto ni Arvin tutuloy ang kanyang personal nurse kung sakaling may kailanganin man ito at para mas madali sa nurse na mapuntahan si Arvin.

‘Pagpasok ko sa kwarto, unang napansin ko ang maliit na kamang may malambot na foam. Kulay kahel at sa kaliwa naman no’n ay bedside table kung saan nakapatong ang desk lamp. Kulay dilaw ang pintura sa loob na nagbibigay ng maliwanag na kulay sa kwarto. May pintuan naman na magdadala sa ‘yo sa balkunahe, dalawang bintanang may diretso at puting mga kurtina na nagdagdag sa maayos na liwanag sa kwarto. Sa bandang ibaba naman, malapit sa pintuan ng kwarto, may malaking kahoy na cabinet at isang bookshelf.

Inabot ng kalahating oras ang pag-aayos ko sa kuwarto. Kakaunti lang naman ang dala kong mga damit at ilang personal na gamit. Hindi naman ako lumaki sa may kayang pamilya kaya hindi gaano ang mga gamit na mayroon ako.

Natigil ako sa pag-aayos ng aking higaan nang marinig ko ang katok sa pintuan.

“Julie…”

Tumayo ako at mabilis na nagtungo sa pinto upang pagbuksan ang kumakatok. Bumungad sa akin si Manang Pitring dala ang dalawang damit na pang-nurse. Iniabot niya sa akin iyon.

“Iyan ang mga damit mo.”

Tumango ako sa kanya. “Susuotin ko na po agad,” sabi ko sa kanya habang nakatingin sa dalawang putting damit. “—nasaan pala ang mga gamot ni Arvin?”

“Magsisimula ka na ba ngayon? Hindi ka ba muna magpapahinga?”

Umiling ako sa kanya. “Hindi naman po ako pagod. At saka, unang beses ko ‘to sa pagiging nurse at gusto kong masanay kaagad.”

Dinala niya ako sa isang maliit na silid. Ipinakita niya sa akin ang listahan ng mga gamot ni Arvin, kung kailan siya paiinumin noon at kung kailan ako dapat bumili sa medicine store. Umalis na si Manang at sinabing bibili lang siya ng hapunan matapos naming mag-usap. Dumiretso na ulit ako sa kuwarto at nagpalit ng damit.

Lumabas ako na suot ang damit na ibinigay sa akin ni Manang. Muli akong pumunta sa silid ng mga gamot ni Arvin. Nilagay ko sa steel tray ang isang baso ng tubig at dalawang magkaibang tableta ng gamot. Pagkatapos kong iayos ang mga gamot, naglakad na ako papunta sa kuwarto ni Arvin.

Tatlong katok ang ginawa ko pero wala akong nakuhang sagot. Minabuti ko nang buksan ang pinto at nadatnan ang nakaupong si Arvin sa kama habang naka-headset.

“Andito na ang mga gamot mo, sir,” sabi ko sa kanya. Pero nanatili siyang nakapikit at parang hindi man lang ako narinig na pumasok.

Bumalik sa isip ko ang nangyari kanina, kung paano niya akong hinawakan nang mahigpit sa braso at kung paano ko siya nasampal. Kung alam niya lang na hindi ko hinahayaan ang kahit na sino na saktan ako. Mabigat ang yabag ko na lumapit sa kama niya at tinapik ang paa niya.

Namulat ang mga mata niya at masama akong tinitigan. Tinanggal niya ang headset sa kanyang tenga. “Do you know how to knock?” maangas niyang tanong.

“Kumatok ako, sir,” matipid kong sagot. “—Andito na ‘yung mga gamot mo,” dugtong ko na nakaiwas ang tingin sa kanya.

“Oh? Bakit nandito ka pa?” iritado niyang tanong. Nakakainis na ‘tong mokong na ‘to, akala mo kung sino magsalita.

“Hihintayin ko ‘yung tray bago lumabas.”

“Maghintay ka sa wala.” Bumalik na siya sa pagkakaupo at sinuot ang headset. Pinikit niya ang kanyang mga mata at kumanta na walang boses.

Napabuga ako ng hangin. Nakakainis na ‘to ha. Kung akala niya mapapaalis niya ako sa bahay na ‘to bilang nurse niya na kaya niyang gawin noon, nagkakamali siya. Naglakad ako papunta sa gilid ng kama niya. Marahas kong tinanggal ang headset sa kanya.

“Ano bang problema mo?” Tumayo siya sa kama tinapatan ang tayo ko. Mas matangkad siya sa akin kaya pakiramdam ko, nanliit ako. Pero hindi ako natakot sa galit nyang titig sa halip ay tumingkayad ako para harapin ang mga titig na iyon.

Tinaasan ko siya ng kilay. “Problema ko? Inumin mo ‘yung gamot mo para matapos ang trabaho ko sa ‘yo!” Pinilit kong lakasan ang boses ko. Alam kong hindi ko dapat pagtaasan ng boses ang pasyente ko, pero nakakainis na siya e. Akala mo may ginawa akong malaking mali para umasal siya ng ganyan.

Nakita kong mas nagalit siya nang nagtaas ako ng boses pero inalis niya ang mga titig niya sa akin at naglakad papunta sa tray. Kinuha niya ang gamot doon at baso ng tubig saka naglakad pabalik sa akin.

“At sa tingin mo, ano’ng makukuha ko kapag ininom ko ang pesteng gamot na ‘to?” Ibinagsak niya sa sahig ang dalawang tableta at inapakan ng kanyang paa. Nadurog kaagad ang dalawang iyon. Hindi ko namalayan na ibinuhos niya narin pala ang baso ng tubig sa ulo ko. “—serves you right, fucker!” Naglakad na siya palayo sa akin palabas ng kuwarto.

Para akong natulala sa ginawa niya—at ang sunod kong naramdaman—ang pagpatak ng luha sa mga mata ko. Pinulot ko ‘yung mga durog na tableta ng gamot sa sahig at pinunasan ng basahan ang tubig sa sahig. Pinigilan ko nalang ang luha ko sa pagbagsak at inalala ‘yung ginawa ng lalaking ‘yon. Sobra na siya, ha? Hindi ba ako tao sa harap niya? Tumayo ako at lumabas ng kuwarto dala ang tray.

Hindi parin ako sumuko. Bumalik ako sa maliit na silid at nilagyan ng gamot ang tray. Nilagyan ko ulit ng tubig ang baso. Bago ako lumabas ng silid na ‘yon, binasa ko ulit ‘yung pinakita kanina sa akin ni Manang Pitring. Nakita ko ang halaga ng gamot na sinayang ni Arvin. Limang daang piso lang naman ang isang tablet ng gamot at dalawang tableta ang dinurog niya sa sahig. Hindi ko na napigilan ang sarili kong mainis at sinundan siya sa ibaba.

Nadatnan ko siya sa kuwarto kanina nang pumasok ako. Nagi-gitara siya habang nakatalikod. Sinubukan kong pihitin ang doorknob pero naka-lock iyon. Kinatok ko siya ng ilang beses. Ni hindi man lang siya lumingon.

May problema ba pati ang utak nito?

Gusto ko na sanang kalampagin ang pinto pero alam kong wala namang magagawa iyon. Umupo na lang ako sa sofa at hinintay siyang lumabas. Masakit ang batok ko dahil siguro sa mahabang biyahe. Hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako sa sofa.

Paggising ko, madilim na. Awtomatikong napatayo ako sa sofa at tumingin sa silid kung saan ko huling nakita si Arvin. Wala na siya sa loob. Tumingin ako sa paligid at naalala na papainumin ko pa pala ng gamot ang halimaw na pasyenteng ‘yon. Binalikan ko ang tray kanina na nakapatong sa mesa, wala na ang dalawang tableta ng gamot doon at may bawas narin ang tubig.

Ininom niya kaya ‘yon?

***


Please leave a feedback! :D

THERE YOU'LL BE (KathNiel Fanfic) | FINISHEDWhere stories live. Discover now