CHAPTER EIGHT

Magsimula sa umpisa
                                    

"How are you, Hee Yong?" tanong ko. Masiglang kumahol ang swerteng aso. "Traveler ka, ah?" Muli akong sinagot ng kahol nito.

Saka ako umayos ng tayo. Pinagpag ko ang kamay saka nilingon si Maxrill. Nakamaang ko siyang pinagmasdan. Hindi ko naitago ang pagtatanong sa aking mga mata. At gusto ko pang magtaka nang mapansing seryoso siya, mukhang wala sa huwisyo.

Kinabahan pa ako at nahawakan ang kwintas nang maglakad siya papalapit sa akin at maglahad ng isang bungkos ng pulang rosas. Nagdalawang-isip pa ako kung tatanggapin iyon. Pero sa huli ay tinanggap ko para hindi siya mapahiya.

Inamoy ko iyon. "Salamat." Saka ako tipid na ngumiti sa kaniya. "Sana ay hindi ka na nag-abala." Bigla ay natigilan ako sa sariling sinabi. Pakiramdam ko ay maling sabihin iyon. Shit! You shouldn't have said that, Yaz!

Walang nagbago sa seryoso niyang reaksyon. Bahagya siyang ngumiwi at umiling. "Hindi iyan galing sa 'kin." Saka siya nag-iwas ng tingin. "Kay Maxwell." Tinalikuran niya ako matapos sabihin iyon.

Napapahiya akong tumawa. "Sa kaniya pala, hehe. Thank you."

Hindi siya sumagot. Sinulyapan niya lang ako upang ismiran. Naging matunog ang paghugot niya nang malalim na singhap. Saka pabuntong-hininga iyong pinakawalan at lumapit sa aquarium. May dinampot siyang bote na mukhang ang laman ay pagkain ng mga isda. Hindi nga ako nagkamali dahil dumukot siya doon at marahang isinaboy sa tubig. Yumuko siya at pinanood isa-isa ang mga isdang nag-uunahang lumangoy paakyat para makakain.

Sa tatlong magkakapatid ay si Maxrill lang iyong madaling pangitiin at may tyansang tumawa sa mga biro. Kung minsan nga kahit walang nakakatawa ay tumatawa siya. Hindi iyon maaasahan sa nakatatandang si Maxwell, lalo na kay Maxpein na pinagkaitan ng bait sa katawan. Hindi ko malilimutang makakita lang siya ng pagkain noon ay gumaganda na ang aura niya. Kapag nakalanghap ng masarap ay tumatawa na itong tumatakbo papalapit kung saan nanggagaling ang amoy. May kakayahan nga si Maxrill na humanap ng pagkain gamit ang pang-amoy.

Hanggang ngayon ay naninibago ako. Sa t'wing makakaharap ko siya ay hinahanap ko 'yong dating siya. Hindi ko alam kung ang pagiging seryoso niya ba ngayon ay dala rin ng maturity niya o hindi niya lang ako gustong makita.

Siya ba ang inutusan ni Maxwell na sumundo sa akin kaya ganiyan siya kung sumimangot? Hindi ko maiwasang isiping naging abala sa kaniya ang pagsundo sa akin kaya nasira ang kaniyang mood. Ganoon naman kasi ang mga bunso sa t'wing nauutusan ng nakatatanda. Ganoon si Zarnaih sa akin noon.

Nang makontento siya sa mga isda ay muli siyang lumapit sa akin. Salubong ang kaniyang kilay at lapat na lapat ang mga labi. Sa iilang minutong nakatingin kami sa isa't isa ay nakailang buntong-hininga na siya. Pormal na pormal ang kaniyang suot maliban sa nakapaibabaw niyang maroon na leather jacket. Hindi na ako magtataka kung nanggaling siya sa meeting. Siguro ay pagod.

"Hi," malamya niyang binasag ang katahimikan, ginigising ako sa gulat. At talagang noon niya lang naisipang bumati.

"You're here. Hi," nahuli ang pagngiti at sagot ko. "Sorry, I was not informed na ikaw ang susundo at maghahatid sa 'kin, Maxrill. Ang sabi sa akin ni Maxwell ay si Mang Pitong. Pero walang problema," ipinakita ko ang excitement. "How are you?"

Ngunit walang pagbabago sa reaksyon ng seryoso niyang hitsura. Hindi siya sumagot. Tuloy ay hindi ko malaman kung lalapit ako para humalik at yumakap, gaya nang normal naming gawain sa t'wing magkikita. Nakaka-bother ang pagiging seryoso niya. Pakiramdam ko tuloy ay may ginawa akong mali sa kaniya nang hindi ko nalalaman.

Nilakasan ko ang loob. Lumapit ako at pinag-umpog ang mga balikat namin. Nakita ko nang mangunot ang kaniyang noo at halos pandilatan ako. Hindi ako nagpasindak.

LOVE WITHOUT LIMITSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon