Chapter Eleven

3.1K 104 2
                                    

“IF MY memory serves me right, you used to call me ‘Khaki boy’ when we were kids. Naaalala mo na ba ako, Luka?” tanong sa kanya ni Khaki. He was looking at her with expectant eyes. 
Nagkibit-balikat lang siya at hindi ito sinagot.
Pero oo, naaalala na niya si Khaki. At dahil iyon sa kalokohan nito kanina...
“Balak pa yatang magpakamatay ng lalaking 'yon sa loob ng pamamahay ko,” iiling-iling na bulong niya sa kanyang sarili habang nakatingin sa saradong bintana ng kanyang kuwarto.
Natigilan siya sa paglalagay ng syrup sa chocolate sundae niya. Ang sabi ni Aling Nena kanina ay tinotoo ni Khaki ang paglilinis ng mga bintana sa second floor. Kahit naman madalas ay gusto niyang sakalin ang lalaking iyon sa sobrang daldal, hindi kakayanin ng konsiyensiya niya kapag napahamak ito sa loob ng pamamahay niya. She didn’t want anyone around her to die.
Napailing siya sa naisip. “Ang OA mo, Luka.”
Iiling-iling na tumayo siya at nagtungo sa bintana. Hinawi niya ang mga kurtina. She was greeted by Khaki’s handsome face and light-brown eyes. His jet-black hair was being blown gently by the wind in different directions. He looked so irritated, but then his face lit up when he saw her.
Hindi niya alam kung anong puwersa ang lumukob sa kanya para ilapit niya ang mukha niya rito para mas mapagmasdan ito. Pero natauhan siya nang makita niyang pumikit ito at inilapat ang mga labi sa salamin, distorting his perfect arrogant nose in the process. Muntik na siyang matawa sa hitsura nito pero pinigilan niya ang sarili.
Naisipan niyang asarin ito. Bumuga siya ng hangin sa salamin at nang magkaroon ng fog doon ay nagsulat siya nang pabaligtad. Nang matapos ay kinatok niya ito.
Dumilat ito. Nalukot ang mukha nito nang mabasa ang isinulat niya. Halatang naiinis na nagsulat uli ito. Kahit hindi nito isinulat nang pabaligtad ang salitang “elyen,” naintindihan naman niya iyon. Pero nagkunwari siyang hindi. Bago pa ito makahirit uli ay nilayasan na niya ito.
No’n niya naalala ang batang lalaki na kalaro niya dati. Madalas  din nitong idikit ang mukha sa salaming bintana ng kanyang kuwarto noon sa bahay ng kanyang mga magulang—si Khaki boy.
“Earth to Luka! Earth to Luka!”
Naputol ang daloy ng alaala niya. She glared at Khaki. “Hindi ba sinabi ko nang ayoko ng maingay?”
“Bigla ka kasing nag-space out.” Ngumisi ito. “Bakit? Nag-i-‘E.T. phone home’ na ba sa 'yo ang mga kalahi mo?”
He pointed his index finger at the ceiling and lowered his voice in a pathetic attempt to mimic the extraterrestrial in the movie E.T. “‘Luka phone home.’ ‘Luka phone home.’”
Nakatingin lang siya rito. May nagbalik na namang alaala sa kanya...
Malakas ang ulan at brown out. Nang gumuhit ang kidlat sa madilim na kalangitan at nagkaroon ng liwanag na parang flash ng camera, bigla siyang napatili nang malakas nang may makitang may isang maliit na anino sa labas ng salaming bintana ng kuwarto niya.
Nang biglang nagkailaw, saka lang niya nalaman na isang batang lalaki pala iyon. Lumapit siya sa bintana niya. Hindi niya napigilang mapabungisngis nang makita ang hitsura nito. Mukha itong biik dahil napango ang ilong nito sa sobrang pagkakadikit sa bintana niya.
She opened the window of her room. “Hello. Ako si Luka. Ikaw?”
Pinisil-pisil muna nito ang ilong bago sumagot. “Ako si Khaki.”
“Luka, you’re smiling! Wuhoo! Marunong ka palang ngumiti! Now you’re cute!”
Napaigtad siya nang marinig ang sinabi ni Khaki.
Did I just smile?
May tila kung anong hinuli si Khaki sa harap ng mukha niya. Pagkatapos ay ipinasok nito ang nakakuyom nitong kamay sa bulsa ng jacket nito. Kakaiba ang kislap ng mga mata nito at ang liwanag pa ng mukha nito ng mga sandaling iyon.
“Ano 'yong hinuli at ibinulsa mo?” nagtatakang tanong niya rito.
Nakangiting umiling lang ito. “Secret.”
Binato niya ito ng throw pillow at saka ito nilayasan. Narinig pa niya itong tumawa nang malakas.
“Luka, mas mukha kang normal na tao kapag nakangiti!”
Napangiti siya.

My One And Only Elyen Girl (Completed)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora