LESSON 18- Ashes

6K 243 20
                                    

LESSON 18
“Ashes”

NAKATULALA lang si Angela sa maliit na banga kung saan nakalagay ang abo ni Charlotte. Sa sobrang wasak ng ulo nito ay mas pinili ng nanay nito na ipa-cremate na lang ang anak. Nag-ambagan silang magkaklase para doon at nakalikom naman sila ng sapat na pera. Sa bahay nina Charlotte ito nakaburol ng baing iyon. Iilan lamang ang tao. Makikitang kakaunti lang ang nagmamahal sa kanyang half sister.

Maya maya ay pumatak ng kusa ang luha sa kanyang mga mata. Napahikbi siya. Nanghihinayang siya dahil wala na si Charlotte. Kung kailan nagiging maganda na ang relasyon nila bilang magkapatid ay saka naman ito kinuha ng Diyos. Kung noon, sinasabi nito na nawawala dito ang lahat, ngayon tila birong sa kanya naman nangyayari iyon. Una ay ang kanyang nanay, ngayon naman ay si Charlotte.

Napalingon siya sa kanyang likuran nang maramdaman niyang may tao doon. Nakita niya ang mommy ni Charlotte na nakatingin sa kanya. Namumugto ang mata nito.

“Kilala kita. Ikaw 'yong anak ng kabit ng asawa ko…” anito sa boses na walang emosyon.

Kinabahan siya nang hunakbang ito palapit sa kanya.

“Aalis na lang po ako. S-salamat po.” Nahihiya at nakayuko niyang turan.

Hinawakan siya nito sa braso nang aalis na sana siya. “Huwag muna, please…” Gumaralgal ang boses nito at may pagmamakaawa sa mata na tumingin ito sa kanya.

“Hindi po ba kayo galit sa akin?”

“Doon tayo mag-usap…” Iginiya siya nito sa upuang nasa pinaka sulok. Pagkaupo nila ay saka ito nagsalitang muli. “Iyong sagot ko sa tanong mo kanina… Oo, aaminin ko na galit na galit ako sa iyo at sa nanay mo dahil kayo ang dahilan kung bakit nasira ang pamilya ko. Pero noon iyon. Nang mawala si Charlotte, nawalan na rin ako ng ganang bawiin pa si Ysmael sa inyo.”

Naaawang hinaplos niya ang likod ng mommy ni Charlotte.

“Namatay si Charlotte nang hindi man lang kami nagkakaayos. Namatay siyang malayo ang loob sa akin! Anong klase akong ina? Ngayon ko lang narealize lahat ng pagkukulang ko sa kanya kung kailan huli na ang lahat! Wala akong inisip kundi ang sarili ko lamang kaya napabayaan ko siya!” Tuluyan nang humulagpos ang emosyon nito. Napahagulhol na ito.

Agad namang niyakap ni Angela ang ginang. “Huwag po kayong mag-alala, tita… Kung nasaan man si Charlotte ay naririnig niya kayo at alam kong napatawad ka na niya.”

Humiwalay ito sa pagkakayakap sa kanya habang pinupunasan ang luha. “S-salamat…” anito.

“Alam niyo po ba, tita, nanghihinayang din ako sa pagkawala niya. Kung kailan okay na kami, saka naman siya nawala. Namimiss ko tuloy siyang tawaging ate.”

“Anong ibig mong sabihin? Alam ni Charlotte na magkapatid kayo sa ama?”

“Opo. Noong una, galit na galit siya sa akin pero ipinaramdam ko po sa kanya ang pagmamahal ng isang kapatid. Ayun, bumigay din po siya…” Sandaling natahimik si Angela nang maalala niya kung paano ito namatay. “S-sayang nga lang po kasi…” Nabasag na ang pagsasalita niya. “W-wala man lang akong nagawa noong mamatay siya… H-hindi ko man lang siya nagawang mailigtas!”

Isinubsob ni Angela ang mukha sa dalawang palad at doon siya umiyak nang umiyak.

Ang bigat-bigat lang sa dibdib na ang akala niya ay maiiligtas niya ito pero hindi pala. Pero hindi naman iyon mangyayari kay Charlotte kung hindi ito pinainom nina Morgan ng hallucination pills na iyon. Kung may dapat mang sisihin sa kalunos-lunos na pagkamatay ng kanyang kapatid, walang iba kundi si Morgan at ang mga demonyitang kaibigan nito!

School Trip 4: VendettaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon