Nasaan?

1.8K 38 10
                                    

-----

Hinanap ko ang hustisya
sa kurot ng asin
at tambak ng malamig na kanin
ng hapunan;
sa lunok ng laway na almusal;
sa dalawang basong tubig na tanghalian.

Wala.

Hinanap ko ang hustisya
sa warak na bubong

at gunit na dingding;

sa sahig na butas

at pilay na mesa;

sa malamig na papag na pinanawan
ng anak, ama at ina;

sa lambong ng pighati
ng buong kabahayan.

Wala.

Hinanap ko ang hustisya

sa limang numerong kabayaran
tuwing kinsenas, katapusan;
sa barya at papel
na dumadaan
sa makalyong palad
at payat na katawan;
sa masakit kong ulo

at pula kong mga matang
tamad nang magmulat sa pag-uumaga
at pikit nang bumabagtas sa daan

sa pag-uwi sa hatinggabi

mula sa mas nakamamatay

na kabuhayan.

Wala.

Hinanap ko ang hustisya

sa gitna ng EDSA

kung saan natrapik

ang aking anibersaryo, hapunan,

pakikipagkita, pamamasyal,

pasensiya

at kaarawan;

sa sirit ng presyo ng gasolina

kung saan bumaba
ang aking mga paa

at nakipaglaban
sa aspalto at rayuma;

sa taas ng presyo ng bigas at gatas

kung saan nanganib

ang aking sikmura

at umiyak ang aking sambahayan;

sa latag ng banig ng mga reseta

na pangarap bilhin
sa tuwing may karamdaman.

Wala.

Hinanap ko ang hustisya
sa dilim ng eskinita
kung saan dinaklot ang aking dalaga

ng mga taong kaluluwa'y

nakasangla sa droga
at hayok sa lamang

pinagpasa-pasahan

hanggang kamatayan.

Wala.

Isinigaw ko ang hustisya

sa mga kapulungan;
ipinagmartsa sa mga liwasang-bayan;

lumapit at nanikluhod

sa may-kapangyarihan;

umawit sa saliw ng lumang tugtugan

ng mga buwaya sa kalupaan;

at napagtawanan matapos talikuran.

Wala.

Hinanap ko ang hustisya

sa aking mga kamay.

Naroon. Naroon nga naman. #


Art for Heartaches (Poems)Where stories live. Discover now