Gusto Kitang Umiyak

1.3K 26 3
                                    

***

Gusto kitang makitang umiyak
upang maubos na ang mga luha
mong inilaan para sa kanya
dahil alam kong marami pa
base sa mga kwento mong
sumusulpot sa ating pag-uusap
sa mga ngiti mong hindi mapalagpas
kapag siya'y nagpapanggap;
sa mga ningning ng yong mata
kapag inaakalang
mahal ka niya.
Mahal ka niya ulit.

Gusto kitang makitang masaktan
hanggang mamanhid na ang lahat mong pag-ibig
na alam kong naiiwan
naiiwan pa sa kalaliman
ng nakaraan mo sa kanya;
natitira pang nakaukit
sa pagitan ng pintig
ng puso mong hindi makabitaw
kapag inaakalang
babalik siya.
Babalik pa rin siya.

Gusto kitang makitang napapagod
hanggang sa hindi mo na matiis ang mga sugat na gawa niya
hanggang sa lumatay ang sakit
pumantal, magpanginig
ng bawat mong kalamnan;
hanggang sa ang bawat piraso ng alaala niya
ay maging pasakit
na di mo na gugustuhing danasin pa ulit
kahit baka
mahal ka niya
ulit.
Kahit baka
babalik pa siyang
muli.

Gusto kitang makitang umiyak,
masaktan,
mapagod,
dahil gusto kitang makitang lumilimot
sa kanya;
sa pagmamahal sa kanya
sa pagtitiis sa kanya
sa paghihintay sa kanya;
upang sa paglinaw ng mata mong laging lumuluha
sa wakas,
makikita mo ako.

#Aug242016 #FallbackGirlFeels

Art for Heartaches (Poems)حيث تعيش القصص. اكتشف الآن