I- Magkapatid (1.3)

77.1K 1.6K 80
                                    

-I- MAGKAPATID

-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-

TAONG 1985...

''ANO at natataranta ka Minerva?'' ang nagtatakang tanong ni Manang Rosario ng makita niyang humahangos pababa ng hagdan si Minerva.

Si Manang Rosario ay ang matandang mayordoma sa mansion ng mga Avillante. Samantalang si Minerva ay isa lamang sa tatlong mga katulong ng mga Avillante.

''Naku, Manang Rosario kailangan po nating dalhin sa ospital si Senyora Caridad! Manganganak na siya!''

Lalabas na sana si Minerva ng harangin siya ng mayordoma. ''Saglit Minerva, mukhang ang pagpunta sa ospital ay hindi magandang ideya. Malalim na ang gabi at isa pa napakalakas ng ulan sa labas!''

Pinagkiskis ni Minerva ang mga palad. Halatang natataranta na ito.

''Kung ganun manang, ano ang nararapat nating gawin?'' kulang na lang ay himatayin si Minerva sa labis na kaba.

''Ako! Marunong akong magpaanak! Magmadali ka Minerva, magpakulo ka ng tubig at dalhin mo sa akin sa itaas''

Dali-daling sinunod ni Minerva ang utos ng matanda. Samantala ay umakyat kaagad si Manang Rosario upang tingnan ang kalagayan ni Senyora Caridad.

-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-

''UMIRI pa kayo senyora!''

Tagaktak na ang pawis ni Manang Rosario sa pagpapaanak sa kanyang amo. Dahil sa masungit na panahon ay walang nagawa si Senyora Caridad kundi ang pumayag na ang matandang mayordoma na lang nila ang magsagawa ng pagpapaanak sa kanya.

''Ayan na senyora! Nakikita ko na ang ulo! Hesusmaryahusep! Iri pa po!''

At pinakawalan ni Senyora Caridad ang kanyang pinakamatinding iri. Pumunit sa kadiliman ng gabi ang kanyang pagsigaw. Sinabayan pa iyon ng nakakabinging pagkulog pagkatapos ng nakakahindik na pagkidlat.

Sana lang ay nasa tabi niya ang asawang si Raymundo sa oras na iyon para kahit papaano ay naiibsan ang sakit at hapdi na dinadanas niya ng mga sandaling iyon.

Biglang nakaramdam ang senyora ng pagkapunit ng laman sa kanyang pagkababae at tila may kung ano na lumabas mula sa kaibuturan ng kanyang katawan. Matapos ay nakarinig siya ng pag-iyak ng sanggol...

Dara KaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon