Chapter 20

1.1K 153 52
                                    


Kanina pa siya naiinis sa maingay na tunog na naririnig niya. Masakit ang ulo niya. Pakiramdam niya ay pinaikot-ikot siya nang matagal.

Gusto niya lang naman magpahinga. Matapos siyang mabaril, hindi ba at 'yon naman ang dapat niyang gawin? Ang magpahinga?

Gusto pa niyang matulog pero hindi pa rin tumitigil sa pag-iingay ang kung anumang bagay na 'yon.

Nagtataka rin siya. Nasaan na ba ang Mommy niya? Knowing his Mom, for sure, nag-aalala na ito sa kaniya.

Wala tuloy siyang ibang choice kung hindi ang buksan ang mga mata niya. Sandaling parang umikot pa ang paningin niya. Kung hindi niya napigilan, malamang ay nagsuka pa siya.

Pagdilat niya ng mga mata ay inaasahan niyang ang puting pintura ng ospital ang una niyang makikita. Pero hindi iyon ang nabungaran niya.

Nahihilo man ay napabalikwas siya ng bangon. Napapailing siya habang pinagmamasdan ang paligid. Muli ay tila umikot ang sikmura niya. Hindi puwede.

Wala siya sa ospital. Nasa condo niya siya.

Hindi ang maliwanag na ilaw ng ospital ang nabungaran niya, sa halip ay ang madilim niyang kuwarto.

Nanghihina na napaupo siya.

Hindi puwede. Hindi maaari.

Nangangatog ang mga kamay na kinapa niya ang kanang dibdib niya. Wala siyang sugat.

Panaginip. Panaginip lang ba talaga ang lahat?

Biglang bumigat ang pakiramdam niya. Sunud-sunod ang naging pag-iling niya.

Bakit parang totoo? Bakit pakiramdam niya ay nangyari ang lahat?

Tinignan niya ang pala-pulsuhan niya. Walang marka.

Nayakap niya ang tuhod niya ng wala sa oras. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa pagkabata. Ang pinagkaiba lang ngayon, walang darating para isalba siya sa kalungkutan na nararamdaman niya.

Dahil mag-isa na lang siya.

"Panaginip lang lahat..." nangangatog na sambit niya. "Walang Wynona. Wala na si Wynona."

Bigla ring pumasok sa isip niya ang estranghero at mapakla siyang natawa.

"At mas lalong walang nagbabantay sa'yo, Liam. Walang anghel."

Nanghihina na tumayo siya at dumiretso sa banyo. Kailangan niya lang maligo para mahimasmasan.

Habang nagbibihis na siya ay hindi niya maiwasang mapatingin sa full length mirror niya.

Malaki na ang nagbago sa kaniya. Malayong-malayo na sa itsura ng Liam noon.

Isa lang naman ang hindi nagbago. Ang pagmamahal niya kay Wynona.

Tatalikod na sana siya ng may mapansin sa katawan niya. Lumapit pa siya lalo sa salamin.

May peklat siya sa kanang dibdib niya.



-----



Pagkagaling sa trabaho ay nagmadali rin siyang umuwi. Gusto niyang puntahan ang puntod ni Wynona. Sa nangyari sa panaginip niya, na hindi niya rin matiyak kung panaginip ba talaga, wala siyang ibang gustong gawin kung hindi ang kausapin na lang ito.

Kahit pa katahimikan lang palagi ang tanging sagot nito. Mas gusto niya na 'yon.

Papasok na sana siya sa Unit niya nang mapansing may mga gamit na ipinapasok sa katabing Unit niya. Malamang ay ito na ang bagong lipat.

Naka-25 days sale kasi ang kabilang Unit. At base sa narinig niyang usap-usapan, kanina lang nabili ang Unit.

Pero ang bilis lumipat ng bumili. Usually kasi, inaabot ng ilang araw bago pa makalipat ang owner.

Well, hindi niya na problema iyon. Kailangan niya ng magbihis dahil bibisitahin niya pa ang mahal niya.

Papasok na sana siya nang makitang may babaeng tila matatabunan na nang bitbit nitong box. Ito marahil ang may-ari ng bagong Unit.

Napabuga siya ng hangin. Kahit gusto niya nang makausap si Wynona, hindi niya pa rin kayang pabayaan na lang ito.

Nagmamadaling nilapitan niya ito. "Here, let me help you," sabi niya rito at kinuha rito ang box.

Pagkakuha niya ng box ay tinignan niya ang babae. Wala sa sariling nabitiwan niya ang box na bitbit niya.

Nanlalaki rin ang mga mata na nakatitig na ito sa kaniya. Ilang beses pa siyang napailing, pero hindi pa rin ito naglalaho sa harapan niya.

Biglang tila nanuyo ang lalamunan niya. Naramdaman niya rin ang pangangatog ng kamay niya.

Napahawak siya sa kanang dibdib niya. Halos maramdaman niya na ang pagkabog ng puso niya.

'Yong peklat. Totoo. Hindi panaginip.

"Wynona," mahinang sambit niya.

Lalapitan niya na sana ito ng may lumapit na lalaking naka-uniform na katulad ng sa mga naunang nag-deliver ng furnitures kanina.

Hinarap nito si Wynona at nagpapirma rito. Akala niya ay aalis na ito, pero hinarap pa siya nito.

At mas lalong bumilis ang tibok ng puso niya.

Ngumiti ito sa kaniya. "Special delivery," nakangising sabi nito.

Ang estranghero.

"...Hindi kami nagsasayang ng oras. Dahil mahalaga ang bawat segundo," sabi pa nito. "Mababawasan ang kita ng business kung babagal-bagal," bigla ay dugtong nito. Ngumiti pa ito ng isang beses bago tuluyang umalis.

Hindi pa rin siya makapaniwala.

"Liam," pagtawag ni Wynona sa kaniya.

Napatitig siya rito. "B..buhay ka," tanging nasabi niya.

"Thanks to you," sagot nito.

Napalunok siya sa sinabi nito. "A...alam mo?" tanong niya rito.

"Lahat, Liam. Alam ko na ang lahat. Alam ko ng totoo na bumalik ka sa panahon, sorry kung hindi ako kaagad naniwala sa'yo noon," sabi nito.

"Mahal pa rin kita," sa wakas ay nasabi niya. No more wasting time.

"Alam ko. Kung nagawa mong bumalik sa nakaraang sampung taon, nagawa kong maghintay ng sampung taon," sabi nito. "Kasi mahal din kita, Liam. Bago ka pa lumapit sa akin. Bago mo pa malamang nag-e-exist pala ako, mahal na kita. At noong sinabi mong mahal mo ako, hindi ko alam kung maniniwala ba ako sa'yo. Kaya naghintay ako."

"Si... Si Mara?" tanong niya rito.

Lumungkot ang mukha nito. "Lumaban siya sa mga Pulis. Namatay siya, Liam," sagot nito.

Mabilis na lumapit siya rito at niyakap ito.

Simula ngayon, sisiguraduhin niyang hindi niya na sasayangin pa ang panahon.

Iilan na lang ba ang nabibigyan ng pagkakataon?

Napangiti siya ng yakapin din siya nito nang mahigpit.

He's home.

Nakabalik na nga siya sa tahanan niya.



- The End -




-----




TOTAL WORD COUNT: 18,789

DATE COMPLETED: January 20, 2017

Back In Time (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon