Chapter 31

1.6K 58 4
                                    

31.


Hindi na nagawang makatulog ni Shin nang gabing yun. Matagal niyang hinintay ang pagkakataong ito at hindi na siya nagawang dalawin ng antok kahit pa ano'ng baliktad sa kama kung kaya't nagpasya na lamang siyang ayusin na ang mga gamit na dadalhin at ang kanyang damit na susuotin. Wala naman siyang maraming bitbit at tanging ang katana, baril at tatlong patalim ang kanyang dadalhin sa kanyang paglalakbay.

Nang pumatak ang alas dos ng madaling araw ay naligo na siya at binigyang seguridad ang kanyang mga sugat sa pamamagitan ng pagbabalot ng benda sa kanyang buong tyan. Iniayos na rin niya ang mga patalim na itatago niya sa kanyang paa at matatakpan ng mahabang medyas na papatungan ng itim na slacks.

Maingat niyang inilagay ang kanyang katana sa mahabang kahoy na kanyang ginawa bilang lagayan.

Tinitigan niyang mabuti ang babaeng nakasumbrero na nakikita niya sa salamin. Walang ekspresyon ang mukha nito ngunit halatado sa mga mata ang nag-uumapaw na galit at kagustuhang makipaghiganti.

Ito na ang tamang oras, anak. Ito na ang tamang panahon na maipaghihiganti kita; ang panahong makakamit mo na ang iyong hustisya. 

Ito na rin ang araw na magkikita silang muli ni Jordan at babawiin niya ito mula kay Abby. Ang araw na makakasama niyang muli ang kanyang asawa at magsisimula silang muli sa oras na mapatay niya ang kanyang karibal.

Humugot siya ng malalim na hininga at isinakbit na ang lagayan ng espada sa kanyang likod. Ang baril ay isiniksik niya sa kanyang likuran na natatakpan naman ng jacket na ipinatong niya sa kanyang itim na tshirt.

Nagmadali siyang lumabas ng kwarto para makaalis na ng bahay. Hahakbang na sana siya papuntang pintuan nang marinig ang boses ni Kei sa likod.

"Hindi ka man lang ba talaga magpapaalam?"

Hindi na sila muling nag-usap pa ng binata simula noong naging tagpo nila sa kanyang kwarto at nang muling naglabas ng sama ng loob ang binata tungkol sa nararamdaman nito. Hindi na rin ito sumasabay sa kanila sa pagkain ngunit nahuhuli pa rin niya ito na sumusulyap sa kanya paminsan minsan.

Hinarap niya ito at nakita ang nakatayong si Kei na tanging pajama lamang ang suot at mataman siyang tinititigan.

Masakit para sa kanya ang makita itong nasasaktan. Totoong walang ibang ginawa si Kei kundi ang subukan siyang pasayahin sa kahit na anong paraan pero hindi niya pa rin magawang masuklian ang pagmamahal na iniaalay nito. Kahit na nagkaroon sila ng anak at medyo nagkalapit sila nang dahil sa kanilang namayapang sanggol ay hindi niya pa rin maialis sa kanyang puso si Jordan.

Ang lalaking totoong mahal ko. 

"Alam kong ayaw mo akong makausap. Isa pa, alam mo namang hahanapin ko si Abby para maghiganti, 'di ba?"

"At ikaw lang mag-isa? Ni wala ka man lang kasama? Wala kang sinabi sa akin kung ano'ng plano mo, Shin. Kung paano mo papatayin ang babaeng yun. At ngayong araw mo pa talaga napiling gawin ang plano mo?... Alam mong mas doble ang security nila dahil ikakasal ang dalawang yun!"

"Alam ko... At hindi naman ako tanga para hindi maisip yun. Pero huwag kang mag-alala, nagawan ko na yan ng paraan. Gusto kong kumilos ng mag-isa, Kei. Ayoko na kayong idamay pa. Hayaan mo na akong umalis. Hayaan mong gawin ang gusto ko."

"Paano ang sugat mo?"

"Safe ang mga yun, don't worry."

"Magsama ka ng mga tauhan, Shin. Handa naman ang mga iyan. Walang masama kung hihingi ka ng tulong. Hindi naman kita kayang tanggihan, eh. Kahit ano pa yan, ibibigay ko pa rin sa 'yo ang lahat."

THE ONE That I Will Fight For (BOOK 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon