Chapter 19

1.4K 45 3
                                    

19.


Tiningala niya si Jiro pero wala sa kanya ang atensyon nito. Nang mapagtanto niya kung sino ang pinagtutuunan nito ng pansin ay muling kumalabog ang puso niya.

Napilitan siyang iwan ang mga labi ng ina na nakahandusay pa rin sa damuhan at tumayo para pigilan ang ama sa susunod na binabalak nito. Hinawakan ni Jordan ang braso nito para harapin siya.

"Tama na! Tang'Na huwag mong ubusin ang pamilya ko, maawa ka naman! Ako na lang! Ako na lang!" Sinubukan niyang agawin ang espadang hawak ni Jiro pero hinawi lang siya nito at nagsimulang humakbang papunta kay Gio.

"Hindi! Hindi si Gio! Maawa ka sa akin, huwag si Gio! Hayaan mo na siya! Tang'Na ka!" Hinabol niya ng ilang suntok ang likod ng matikas na pinuno pero hindi nito iyon inalintana.

Nagtuloy-tuloy ang kanyang ama papunta sa kanyang kapatid at alam na niya ang gustong gawin nito. Pinilit ni Jordan na igalaw ang mga paa at halos talunin na si Gio para lang maabutan.

Halos manginig pati ang kanyang laman loob nang makita ang pag-igting ng panga ni Jiro at ang mahigpit na hawak nito sa kanyang katana habang hindi inaalis ang tingin kay Gio. Lahat ng kanyang balahibo sa katawan ay nanayo na kahit hindi pa man niya nakikita ang gagawin ng ama pero sapat na iyon para isipin niyang hindi ito nagdadalawang isip na isunod ang kapatid niya.

Ngunit hindi maaari. Dahil kung mangyayari ito kay Gio ay hinding hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili. Hinding-hindi siya titigil na sisihin ang kanyang ginawa kung bakit nawalan siya ng pamilya na pinanghahawakan niya bilang pag-asa habang nandito sila sa poder ng kanyang walang awang ama.

Niyakap niya ang kanyang kapatid pero agad din ang kanyang malakas na sigaw nang maramdaman niya kung paano'ng lumapat ang matalas na blade ng espada ni Jiro sa kanyang balat na tumagos hanggang sa kanyang laman.

"Hangal ka!" Bulyaw sa kanya ni Jiro nang makita ang malaki at mahabang sugat sa kanyang likod na gawa ng katana nito.

Nanlaki ang mga mata ni Gio sa kanyang ginawa. Mahigpit ang hawak nito sa kanyang mga balikat habang nagsimula na namang magsibagsakan ang mga luha nito. Hindi niya alam na kaya palang umiyak ng ganito ng kanyang kapatid. Pero alam niya kung gaano sila kamahal ni Gio; kung paano nito pinapahalagahan ang kanilang pamilya.

"K-Kuya... K-Kuya huwag. P-Please..." Malakas ang paghikbi ng binatilyo pero parang wala na siyang naririnig kundi ang katahimikan.

Ilang beses siyang napakurap dahil nanlalabo na ang kanyang paningin at unti-unti nang nawawala si Gio sa kanyang harapan.

"Alisin niyo si Yuwei dyan! Alisin niyo ang hangal na yan!"

Walang katapusan ang hapdi at kirot ng kanyang likod at tila ramdam na rin niya ang pag-agos ng dugo dahil sa kanyang sugat na nilikha ng ama. Mahigpit siyang kumapit sa mga braso ng kapatid habang pilit siyang hinihila palayo ng mga tauhan ng matanda.

"H-Huwag... Huwag mong saktan ang kapatid ko. M-Mamamatay ako. Magpapakamatay ako. Paki---usap... H-Huwag mo siyang sak---t-tan." Pinilit niya ang sarili na magsalita kahit ang gusto na ng kanyang katawan ay ang pumikit na lang at tuluyan nang mawalan ng malay. Nilakasan niya ang kanyang boses sa abot ng makakaya kahit pa pinapatay siya ng sobrang sakit na dala ng kanyang sugat sa likod.

Hindi niya makita si Jiro. Hindi niya makita ang ekspresyon ng mukha nito at kung pagbibigyan ba nito ang gusto niya sa huling pagkakataon.

Kailangan kong malaman. Kailangan kong pilitin na mailigtas siya.

Pero unti-unting ginugupo ng kanyang malaking sugat ang kanyang katawan at ang huling narinig niya ay ang boses ni Jiro na nagbibigay ng instruksyon sa kanyang mga tauhan; at ang pagbanggit nito ng pangalan ni Gio bago siya tuluyang natalo at naipikit na ang mga mata.

THE ONE That I Will Fight For (BOOK 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon