Chapter 5

2.3K 73 7
                                    

5.


Makailang beses pang sinubukan ni Kei na pakainin siya; pilitin siyang kumain ng kahit kaunti lamang. Pero ano nga bang igagana ni Shin sa pagkain kung hindi matigil ang kanyang isipan sa pag-aalala kay Jordan; sa pag-iisip kung ano na ang kalagayan ng asawa. Walang tigil ang kanyang utak sa pag-iisip kung nasaan na ito ngayon; kung hinahanap ba siya nito ngayon.

Hinahanap? Paano niya ako hahanapin sa nangyari? Sa sitwasyon niyang iniwan ko? Saan siya magsisimulang maghanap sa akin? Paano niya ako hahanapin? 

Iginala niya ang paningin sa puting kisame ng kwartong pinaglalagyan niya ngayon. Ibinaba niya ang tingin sa paligid ng silid na ordinaryo para sa isang normal na tao. Ni hindi niya alam kung nasaan siya ngayon. Ni wala siyang ideya kung nasaang lugar sila ngayon.

Basta ang alam lamang niya ay napapalibutan siya ng mga armadong lalaki, at ni Kei na paniguradong peligroso.

Nagtagis ang mga bagang ni Shin at pinilit na bumangon mula sa pagkakahiga. Ngunit napailing agad siya nang umikot ang kanyang paningin at manlabo ang kanyang mga mata.

Napakunot ang kanyang noo at ilang beses na napailing saka ipinikit na muli ang kanyang mga mata. Pagdilat niya'y malinaw na ang tingin niya sa mga bagay na nakapaligid sa kanya.

Siguro'y dahil sa mga nangyari nitong nakaraang araw. Siguro'y dahil sa gutom na lumilipas na lamang.

Dahil gugustuhin niya pa ring mamatay kaysa ang makasama si Kei at hindi si Jordan.

Muli niyang naalala ang sinabi nito sa kanya. Ang tungkol kay Jordan at kay Jiro; kung ano'ng relasyon nila sa isa't-isa. Muli niyang inalala ang mga salitang pinakawalan nito.

Hindi maaari. Hindi ako maniniwala. Hindi siya anak ni Jiro. Hindi ng taong iyon. 

Nahawakan ni Shin ang kanyang ulo at muling pumikit ng mariin. Hindi niya kailanman matatanggap ang sinabi ni Kei. Imposibleng mangyari iyon. Imposible iyon.

Ngunit bumalik rin sa kanyang gunita ang paraan ng pakikipaglaban ng asawa sa mga tauhan ni Jiro at Kei. Nakita niya kung paano ito humawak ng katana at kung paano'ng bihasa na ito sa pakikipaglaban sa ganon kaikling panahon.

Pero hindi! Hindi sapat na dahilan iyon! Hindi! Paano'ng mangyayari ang lahat kung lumaki si Jordan sa isla ng San Antonio? Paano'ng mangya---

Naputol ang pag-iisip ni Shin nang magbukas ang pintuan ng silid at iniluwa si Kei. May bahid na pagkagulat ang ekspresyon ng binata nang makitang nakaupo siya sa kama ngunit nayakap niya ang mga tuhod niyang ngayo'y pinapatungan ng kanyang baba habang inuubos ang natitira pang lakas sa pag-iisip ng kinahantungang kapalaran ni Jordan.

Iniiwas agad niya ang tingin mula sa binata. Narinig niya ang mga yabag nito na pumasok sa loob ng silid na inilaan para sa kanya.

"Kung nandito ka para pakainin ulit ako, mabibigo ka lang, Kei. Bumalik ka na sa kung saan ka galing dahil hindi ako susunod sa 'yo." Matigas niyang sabi nang hindi man lang tinatapunan ng tingin ang lalaking ngayo'y nakaharap na sa kanya.

"Hanggang ngayon ba'y gugutumin mo pa rin ang sarili mo dahil lang sa galit mo sa akin? Hindi ko ginagawa 'to para sa sarili ko, Shin. Para 'to sa 'yo." Mahinahon ang boses nito, parang nanunuyo, parang naglalambing.

Ngunit kailan ma'y hindi magiging ganon ang dating ng mga salita ni Kei kay Shin. Kailanma'y hindi magkakaroon ng kahulugan ang mga ito para sa babaeng pagod nang muli itong makasama.

"Huwag mo akong pakialaman. Pabayaan mo ako at umalis ka na." Bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig ay may diin. May galit na agad nakukuha ni Kei.

THE ONE That I Will Fight For (BOOK 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon