Chapter 23

1.4K 54 3
                                    

23.


Hindi na nagawang makapag-usap ni Shin at Paul pagdating nila sa mall. Hindi siya hinayaan ni Kei na makipag-usap sa dalawa samantalang bantay sarado naman sila Paul at Jenny ng mga tauhan ng binata. Hindi niya rin magawang lumingon sa pinsan niya dahil natatakot siyang baka kung ano'ng isipin ni Kei at tuluyan nga sila nitong parusahan.

Tahimik lang ang binata habang naglalakad sila at mahigpit na hawak ang kanyang kamay. Hindi na nito dinagdagan ang mga sinabi kanina sa loob ng sasakyan. Hindi rin nito sinabi kung bakit inisip nitong tatakas sila pero hindi maiwasang isipin ni Shin na siguro'y nahalata siya nito kanina na  kinakabahan at hindi normal ang kilos.

Patawad, Paul. Patawad sa naging maling kilos ko.

At sana'y makita iyon ni Paul sa oras na magtama ang kanilang mga mata.

Para silang mga tutang sumusunod kay Kei anuman ang sabihin nito o gusto nitong gawin. Ginusto nitong manood muna ng sine dahil maaga-aga pa naman at wala pang lunch time.

Nang tanungin siya kung ano'ng gusto niyang panoorin ay napilitan siyang mamili sa mga showing na pelikula para hindi na rin bumaling sa magkasintahan na ngayo'y tahimik pa ring nakasunod sa kanila ni Kei.

Pumasok sila sa sinehan at nang alalayan siya ni Kei para makaupo ng maayos ay napapitlag siya. Narinig niya ang pagbuga nito ng hangin ngunit nanatili pa ring tahimik na umupo sa tabi niya.

"Hindi ba nananakit ang tyan mo?" Malumanay na ang tinig nito at ang mainit na hininga nito'y bumalot sa kanyang tainga nang ilapit nito ang bibig. Naramdaman niya ang pagtayo ng kanyang mga balahibo sa kanyang katawan.

Kung pwede lang ay uuwi na lamang siya. Babalik na lamang siya sa bahay at doon magkukulong sa kwartong nilaan ni Kei para sa kanya para lang makalayo sa binata. Dahil ang tanging gusto niyang gawin ngayon ay ang makalayo dito at kalimutang, minsan pa itong gumawa ng paraan para lang pagaanin ang loob niya kahit papaano at makumbinsi siya na hindi naman talaga ito kasing sama kagaya ng iniisip niya.

Pero sa mga salitang binitawan ngayon ng binata lalo na para sa anak niya ay agad niyang inalis sa kanyang isipan ang lahat ng pagpapakitang tao ni Kei.

Patawarin mo ako, anak. Patawad pero tama nga ang Tito Paul mo. Tama siya na hindi namin dapat pagkatiwalaan ang tatay mo.

Umiling siya sa tanong ni Kei at nanatiling nakatingin sa malaking monitor sa 'di kalayuan.

"I'm sorry. Hindi ko dapat sinabi yun. Hindi dapat ako nagpadala sa emosyon ko. Patawad, Shin. Nadisappoint lang ako na tama nga ang iniisip ko tungkol sa inyo. Nakakalungkot na kaya mo pa rin akong iwan pagkatapos ng lahat ng ginawa at ginagawa ko para sa 'yo. Na madali pa rin para sa 'yo na talikuran ako at balikan ang asawa mong, wala nang pinagkaiba sa akin." Mababa ang boses nito at napatiim bagang siya dahil sa muli nitong pagpapanggap.

"Malaki ang kaibahan niya sa 'yo, Kei. Malaking malaki! Mahal na mahal ko siya samantalang ikaw, wala kang puwang sa puso ko. Wala kailan man dahil wala kang puso na pati anak mo ay pwede mo palang saktan dahil lang sa pagiging makasarili mo."

"Tama ka... Wala akong puso. Wala na akong puso dahil sa paulit-ulit na pagkawasak nito dahil sa pagkatao ko at dahil sa 'yo... Kung sana'y pwede mo lang ulit buuin ito. Kung sana'y pwede mo lang itong bigyan ng kaunting liwanag. Pero patawad, Shin. Patawad. Hindi kita kayang isuko sa asawa mo. Hindi ko na kayang magparaya ngayong alam kong may anak tayo."

Halos mangilid na ang kanyang mga mata ng luha sa isiping hindi na sila magkikitang muli ni Jordan pero ayaw niyang magpaapekto sa bagay na iyon. Ayaw niyang magpaapekto sa mga sinasabi ni Kei na pawang kasinungalingan lang. Napakuyom siya ng kamao at pinalabas lang sa kabilang tainga ang lahat ng mga narinig mula sa binata.


THE ONE That I Will Fight For (BOOK 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon