Chapter 21

1.6K 46 1
                                    

21.

Ang akala ni Shin ay nakalimutan na ni Kei ang tungkol sa pamimili nila ng gamit para sa bata. Kahit na anim na buwan na ang kanyang anak ay maaga pa rin para sa kanya ang pamimili nila ng mga gamit nito. Isa pa, hindi pa rin sila nakakapag-ultrasound para sa gender nito kung kaya't alangan pa rin siya.

"Eh ano kung hindi pa tayo sigurado na lalaki siya? Pwede naman tayong mamili ulit kung maging babae man ang anak ko." Katwiran ni Kei at wala na siyang nagawa. Isa pa, hindi ito umalis ng kanyang kwarto hangga't hindi niya sinabing maghahanda siya para sa pag-alis nila. Nagpumilit pa rin ito hanggang sa siya'y sumuko.

Kung hindi lang dahil sa 'yo, anak. Kung hindi lang talaga dahil sa 'yo. 

Tumigil ang sasakyan sa harap ng isang mall. Pagdating nila sa loob ay napansin niya ang kakaunting tao na naglilibot sa paligid. Weekday ngayon kung kaya't wala gaano'ng tumatambay pero bahagyang gumaan ang loob niya dahil ngayon na lang ulit siya nakatuntong ng mall pagkatapos ng pitong buwan.

Hindi maiwasang mapangiti ni Shin habang nililinga ang paligid at nakikita ang sari't-saring boutique ng mga mamahaling damit. Hindi dahil sa gusto niyang bumili ng mga bagong damit; kung hindi dahil pakiramdam niya'y nakahinga siya ng maluwag sa unang pagkakataon. Nakahinga siya at hindi nasasakal kagaya ng pakiramdam niya sa kwarto ng bahay ng Kei; sa bahay ng binata na pinagsasadlakan niya ngayon.

Napahawak siya sa kanyang lumalaking tyan at tahimik na kinausap ang anak at sinabi kung gaano kaganda ang lugar.

Nang lingunin niya si Kei sa kanyang tabi ay nahuli niya itong nakatitig sa kanya habang magkasalubong ang mga kilay. Nawala ang ngiti sa kanyang mga labi at nag-iwas ng tingin sa kanya.

"Gusto mo bang kumain muna tayo? Baka nagugutom ka na." Alok nito matapos siyang hawakan sa braso para pigilan nang tangkain niyang lagpasan na ito at magpatiuna. Nagsama siya ng tatlong tauhan niya para magsilbing bodyguards namin maliban sa dalawa na naiwan sa loob ng sasakyan at naghihintay.

Umiling siya at ibinaba ang tingin sa brasong hawak ni Kei saka nagbawi. "Kumain naman tayo ng agahan bago umalis. Ano'ng oras pa lang naman kaya hindi pa ako gutom."

"Buntis ka at ang sabi sa internet, madali daw magutom ang mga buntis."

Siya naman ngayon ang napakunot ang noo. "Internet?"

Tumango ito at narealize niyang nagreresearch si Kei tungkol sa pagbubuntis. Alam niyang maganda yun at dapat niyang ikinatuwa pero hindi niya ito ipinakita sa binata. Sa halip ay tinalikuran niya ito at tuluyang humakbang sa escalator.

Narinig niya ang mahinang mura ni Kei bago niya ito maramdamang muli sa kanyang likod. "Kung ayaw mong magpahawak, magagawa mo naman sigurong manghintay, 'di ba? Hindi ka pwedeng basta na lang mauna, Shin." Matigas na naman ang boses nito at halatang inis sa pangunguna niya.

Sinamaan niya ito ng tingin nang lingunin niya ang binata. "At bakit hindi? Hindi ba't nagpakalayo layo na rin naman tayo? Itinago mo na ako para iligtas ako, yun ang sabi mo, 'di ba? Pero bakit kailangan mo pang magsama ng mga tauhan dito?"

"Gusto ko lang masigurong ligtas ka sa lahat ng oras lalo na kapag hindi mo ako kasama. Isa pa, hindi naman tayo nakakasigurong hindi na tayo hahanapin at babalikan ni Jiro kaya mabuti na yung handa kaysa mabulaga tayo pareho at mapahamak ka pa."

Muli niyang naalala ang sinabi ni Kei kagabi tungkol sa kagustuhan nitong protektahan siya at ang pagpapanatili nitong ligtas silang mag-ina. Ayaw niya pa ring maniwala na gagawin niya nga ang lahat ng iyon nang walang hinihinging kapalit pero batid ni Shin ang kaseryosohan sa mga salitang binitawan nito.

THE ONE That I Will Fight For (BOOK 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon