Chapter 18

1.4K 49 3
                                    

18.


"Ma, makakaalis na ba talaga tayo dito?" Tanong sa kanya ng anak habang hinihintay nila ang mga tauhan ni Jordan na magdadala sa kanila ng mga damit na katulad ng mga ito para gamiting disguise sa kanilang pagtakas.

Alas otso na ng gabi at oras na ng kanilang hapunan. Ang sabi sa sulat ay isasabay ang kanilang mga damit sa rasyon ng kanilang pagkain.

Ginagawa niya ang lahat para itago ang malaking pag-aalala at pangamba mula kay Gio para bigyan ito ng lakas ng loob. Kahit malakas ang dagundong ng kanyang dibdib ay pinipilit niya itong iwaksi para hindi rin ito matakot ng husto.

Binasa niya ang buong sulat ni Jordan habang nasa banyo siya kanina. Sa hidden tunnel ng bahay sila dadaan at lagusan iyon na tatagos sa isang manhole sa labas ng bahay. Doon mag-aabang ang isang tauhan ni Jordan para tulungan silang makalabas at makalayo ng tuluyan mula sa bahay na ito.

Hindi nasabi sa kanya ng kanyang anak na may mga tauhan na itong hinahawakan. Hindi nababanggit ni Jordan ang mga ginagawa nito noong mga nakaraang linggo hanggang sa iabot nito ang piraso ng papel na iyon kaninang umaga. Napagtanto niyang ito ang pinagkakaabalahan ni Jordan at gusto niyang magpasalamat sa anak.

Nalingon niya ang kanyang bunso at tinanguan bilang sagot. "Basta sundin lang natin ang lahat ng isinulat ng kuya mo, anak."

Sa unang pagkakataon ay nasilayan niya ang ngiti ni Gio, ang ngiting kahit matipid lamang ay okay na sa kanya kaysa wala; kaysa ipagpatuloy nito ang tila wala nang buhay na ekspresyon ng mukha nito simula nang mapadpad sila dito at nang makita nito kung paano'ng namatay ang kanyang ama sa kamay ng walang pusong matandang iyon.

Hindi nila napag-usapan ang tungkol kay Ricky simula nang ikulong sila dito. Nagsawalang kibo na rin si Gio tungkol sa nangyari pero alam niyang nasasaktan ang kanyang anak sa nangyayari. At naiintindihan niya kung gaano nito kagustong makaalis na sa lugar na ito.

Pero hindi niya maiwasang mag-alala kay Jordan. Kapag nakalayo na sila ay maiiwan ito dito at iniisip niya kung paano na ito kapag nalaman ni Jiro ang tungkol sa kanilang pagtakas. Ano na lang ang gagawin ni Jordan kung mag-isa na lamang siya sa kamay ng kanyang ama?

Hindi naman siguro niya magagawang patayin ang sarili niyang anak.

Pero paano siya makakasiguro na may konsensya nga ang matandang iyon pagkatapos ng ginawa nito sa kanyang asawa?

Humugot si Lorie ng malalim na hininga at saka iwinaksi ang iniisip. Tahimik siyang nagdasal para sa ikaliligtas nilang tatlo laban kay Jiro.

Maya-may pa'y bumukas ang pintuan at sabay silang napalingon ni Gio. Pumasok ang lalaking nakaitim na tshirt at pantalon, ganundin ang kulay ng sumbrero nito. Nang magtama ang kanilang mga paningin ay tinanguan siya nito, palatandaan na isa ito sa mga tauhan ng kanyang anak gaya ng nakasaad sa sulat.

"Nandito na po ang hapunan niyo, Ma'am." Pormal na sabi nito at inilapag ang tray sa lamesang nasa gilid ng kama.

Agad niyang nilapitan ang inilapag na tray ng lalaki. 

"Nasa ilalim po ang mga isusuot niyong damit. Pagdating po ng alas onse ay dapat nakapagpalit na po kayo ng damit. May nakakabit na din po dyan na gps device para po ma-track kayo ni Young Master kapag nakalabas na kayo. May papasok po dito mamaya na lalaki para sunduin na kayo." Pabulong na paliwanag ng lalaki at agad na ring tumalikod para hindi na ito magtagal sa loob.

Nakahinga lang siya nang maisarado na ng lalaki ang pintuan ng kanilang silid. Nalingon niya si Gio at tinanguan nila ang isa't-isa, naiintindihan ang ibig sabihin ng mga tinginan nilang dalawa.

THE ONE That I Will Fight For (BOOK 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon